Tahimik pa rin si Senator Raffy Tulfo tungkol sa panibagong kontrobersiyang kinasasangkutan ng anak niyang si Quezon City Second District Representative Ralph Wendel Tulfo.
Pero ang kapatid ng senador at broadcaster na si Ben “Bitag” Tulfo ay diretsahang kinastigo ang sariling pamangkin.
Ito ay kaugnay ng binabatikos na paggastos ni Congressman Ralph ng PHP6.7 million sa magkahiwalay na gabi na pagpunta nito sa mga bar sa Las Vegas, Nevada, USA, para ipagdiwang noong Disyembre 2023 ang pagpasok ng 2024.
Read: Ralph Tulfo, may pahayag sa viral P6.7M bill na binayaran sa club
Ipinahamak ni Ralph ang sarili nang ibahagi nito sa Instagram Stories niya ang mga video ng pagtungga ng alak mula sa malaking bote at ang pagbabayad ng libu-libong US dollars sa ginastos nila ng mga kasama, gamit ang kanyang credit card.
Makalipas ang halos dalawang taon, muling lumitaw ang video ni Ralph.
Kumalat ito dahil sa mainit na usapin ngayon tungkol sa congressmen at mga senador na isinasangkot sa bilyun-bilyong pisong ninakaw mula sa pondo ng mga proyekto para sa flood control ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Hindi itinanggi ni Ralph ang insidente na inihingi niya ng pang-unawa.
Ikinatuwiran niyang hindi umano pera ng gobyerno ang ginastos niya at may mga ambag sa pagbabayad ang kanyang mga kaibigang kasama sa panandaliang kasiyahan.
Hindi ito matanggap ng mga nasusuklam na Pilipino.
Unang nahalal si Ralph bilang congressman ng ikalawang distrito ng Quezon City noong 2022, at muli siyang nahalal para sa ikalawa niyang termino nitong May 2025 elections.
Ibig sabihin, miyembro na siya ng Kongreso nang maganap ang insidente.
Read: Vice Ganda to corrupt politicians: "P.I. ninyo!"
BEN TULFO CASTIGATES NEPHEW CONGRESSMAN RALPH TULFO
Sa pamamagitan ng kanyang programang Bitag Live, diretsahang pinangaralan ni Ben ang kongresistang pamangkin dahil sa pagwawaldas nito ng pera at ipinangalandakan pa sa social media.
Saad ng broadcaster: “Nakakalungkot yung apelyidong dinadala namin, sumasablay yung ilan. Nahihiya na po kami.
"Kaya ikaw, Congressman Ralph, makinig ka, makinig ka!
“Huwag mo nang dagdagan pa. Look me in the eye and listen carefully, listen closely.
"I care about you. I am concerned about your tomorrow.
“Malayo pa ang mararating mo, iho. Lahat tayo nagkakamali, nagkakasala, pero binibigyan tayo ng pagkakataong magbago because we are entitled for a chance.
“Alam ko naman, humingi ka na ng public apology, but it comes with sincerity and accountability. Sana huwag nang maulit.
“Huwag kang gumaya sa mga trapo! Sumunod ka sa prinsipyo at paninindigan at sa tamang landas ng uncle mong si Bitag!" tila pagbubuhat ni Ben sa sarili.
Dagdag niya: “Ito pong aking mga sinasabi hindi po siguro patas, hindi po siguro maganda para dun sa mga walang kinalaman pero nadadamay.
“Bakit nadadamay? Hindi ko maintindihan. Siguro nagkukulang.
"Masakit man po sa akin, kumalat na sa social media. Alam mo naman pagdating dito, sasabihin isasalba.”
Read: Chiz Escudero names Martin Romualdez as flood scam mastermind
BEN TULFO'S MESSAGE TO HIS SIBLINGS
Ipinakita rin ni Ben sa programa nito ang viral video ni Ralph na umiinom ng alak at binabayaran ang libu-libong dolyar na nagastos sa Las Vegas bar.
“Masakit man po sa akin, nagdudugo ang puso ko rito pero tingnan ninyo ito. Sino po ang matutuwa niyan?” reaksiyon ni Ben nang ipakita nito ang video ng paglulustay ng salapi sa Amerika ng kanyang pamangkin.
Pinagsabihan din ni Ben ang kanyang mga kapatid na bantayan ang kani-kanilang mga anak para hindi na raw maulit ang kahihiyang idinulot ni Ralph sa kanilang pangalan.
Saad niya: “Kami po, nagsasabi lamang, hindi po pare-pareho kahit magkakapatid dahil sampu po kaming magkakapatid. Yung isa, yumao na at siyam na lang ang natitira.
“Kami po yung mga first generation. Dalangin ko, wala nang sumunod. Wala nang pumalpak dito po sa pamilya ko, dito po sa aking mga anak.
“Mga kapatid ko, ayusin ninyo. Ayusin ninyo, anak ninyo yan.
"Huwag nang ilagay sa kahihiyan ang mga nagdadala ng pangalan.
"Kung sakaling hindi, ako ang mag-aayos niyan. Itaga ninyo sa bato, period!”
Read: Escudero, Villanueva, Estrada, Revilla face prosecution over flood control mess
NOT THE FIRST TIME
Bago ang pagkastigo ni Ben sa pamangkin nito, nagsalita muna siya tungkol sa mga dahilan ng pagkastigo niya sa pagkakamaling ginawa ni Ralph.
Isang paraan umano ito ng pagpaparamdam ng kanyang pagmamalasakit at pagmamahal.
“Hindi po ako naglilinis-linisan dito. Nagkakasala rin naman ako.
“Nakadalawa na itong pamangkin ko na 'to. Masakit man po sa akin, pero sasabihin ko.
"Alam mo, kapag ikaw ay isang public official, hindi ka ligtas sa mga mapanuring mata ng publiko dahil ikaw ay naninilbihan sa bayan.
"Congressman ka man or senador ka man or mayor ka, basta pulitiko ka, hinalal ka, nilagay ka diyan sa posisyon mo sa pamamagitan ng eleksyon or in-appoint ka, magsisilbi ka sa taumbayan.”
Ang tinutukoy ni Ben na "nakadalawa" na ang pamangkin ay ang viral video ni Ralph at ang dalawang beses na ilegal na paggamit nito sa EDSA Busway noong Setyembre 2024 at Enero 2025.
Read: Sen. Raffy Tulfo, ipinagtanggol ang anak na si Cong. Ralph Tulfo
Pagpapatuloy ni Ben: “Masakit man po sa akin ang gagawin ko at alam ko naman, nagagalit na sa akin ang ibang mga kaanak ko na kaapelyido ko.
“Nagagalit sila. Bakit sila nagagalit? Ako po ay diretso. Hindi ko po estilo magsermon.
"Estilo ko, punahin ang mali at itama ang mali, lalo na kapag ikaw ay kapamilya ko, kadugo ko.
“Itong pamangkin ko na 'to, pinupuna kita. I am rebuking you publicly, it’s not to shame you but out of love.
“Ginagawa ko po ito to save the other members of the family who carry the same last name as you do, but they carry it with integrity, honor, and respect.
“Iisa lang po ang apelyido namin. Sa unang henerasyon, yung aking ama ang yumaong si Col. Ramon Tulfo, kung saan tumatak po sa aking isipan yung mga itinuturo niya noong ako ay high school pa lang.
“Idol ko po yung aking ama kaya kung nakikinig man sa akin yung ibang mga kaapelyido ko sa first generation, yung mga second generation, makinig kayo, makinig kayo!
"Hindi ligtas kahit mga anak ko.
“Knock on wood, huwag lang sana sa mga anak ko, kasi hahambalusin ko sa harap ng publiko, itaga ninyo sa bato.
“Tulad ng pagturo sa amin ng aming yumaong ama, dala-dala ko po yung mga itinuturo niya sa amin.
"Hindi ko maintindihan kung bakit nagkakaganito sa first generation ng mga Tulfo.
“Kaya ko po ginagawa ito para isalba po yung ibang mga kaapelyido na Tulfo sa unang henerasyon na anak ni Col. Ramon Tulfo Sr. at yung aking yumaong ina, pareho na po, si Caridad Teshiba Tulfo.
“Kami po yung unang henerasyon at may mga susunod na henerasyon.
"Nakakalungkot, kaya ko po ginagawa ito para isalba yung ibang nagdadala ng pangalan.
"Pero yung pagdala nila, nandoon yung sinasabing pagdala ng integridad na may honor at paggalang dun sa pangalan.”
Sa mga miyembro ng kanilang pamilya na kilala sa pagpuna sa gawain ng mga tiwaling opisyal sa pamahalaan, kasama si Senator Raffy Tulfo, tanging si Ben pa lamang ang nagsalita.
Nananahimik pa rin ang kanyang mga kapatid na sina Senator Erwin Tulfo at veteran journalist Ramon Tulfo Jr.
Read: Ellis Co speaks out against his father Congressman Zaldy Co