Sa panahon ng kadiliman, meron at merong magsisilbing liwanag at inspirasyon.
Ito ang sinasabi ng mga netizens sa viral post tungkol sa isang lalaking nagbigay ng PHP19 bilang donasyon sa mga nasalanta ng lindol.
Kaliwa’t kanan ang relief efforts ng iba’t ibang indibidwal at mga organisasyon para tulungan ang libu-libong apektado ng 6.9-magnitude earthquake na tumama sa Cebu, noong September 30, 2025.
Marami ang naantig sa Facebook post ng uploader na si Jennivieve Abelgas Caminero, isang digital content creator sa Cebu.
Nag-post si Jennivieve nitong Huwebes, October 2, 2025, tungkol sa isang lalaking may takip sa mukha, nakadilaw na T-shirt, at may bitbit na bag na yari sa sako.
Sa caption, ikinuwento ng uploader na naantig ang grupo nila sa donasyon ng lalaki.
Ang post ng uploader (translated from Cebuano to Tagalog):
“Lumapit si Tatay, may dalang sako, ang damit niya ay madumi na talaga. Dumukot sa bulsa, at iniabot ang PHP19 pesos. Ang kanyang tulong ay mula raw sa puso.
“Hindi sana namin tatanggapin kasi bank transfer lang ang puwede. Ngunit hindi namin matanggihan si Tatay, parang nadurog ang aming mga puso.”
Hindi raw nagtatapos dito ang pagtulong ng lalaki.
“Nagtanong pa siya kung nandito pa ba kami sa Lunes dahil babalik daw siya, mangungulekta daw siya ng T-shirts para i-donate.”
“GOD BLESS YOUR HEART TATAY!” pagtatapos ng uploader.
Humagulhol daw ang mga volunteers pag-alis ni Tatay.
Maraming netizens ang naantig ang damdamin.
Read: VIRAL: Residents take cover inside plastic bags after earthquake in Medellin, Cebu
NETIZENS REACT
Sa comments section, may naglarawan sa donasyon ng lalaki bilang “greatest."
Ayon sa isang netizen: “Among all the people who donated and gave, the old man gave the greatest gift because it was the only thing he had.”
Sundot ng isa: “That wasn’t just 19 pesos—it was a reminder that even the smallest gift can carry the greatest love and hope.”


May nagsabi naman na ang isang taong naranasan ang buhay na walang-wala ang mayroong pinakamalawak na pang-unawa sa mga taong nakararanas nito.
“He doesn’t just donated what he only had, he also wanted to tell the affected people that he was with them in their current dark time in their lives.”
Humanga naman ang isang female netizen na kahit salat ang lalaki, “rich in humanity” naman daw ito.
Dagdag pa niya (published as is), “While our corrupt officials is enjoying in luxury life with the stolen money.”
Pahayag ng isa pa, “People like tatay… they have less in life but they give more.”



Samantala, nagbigay ng update ang uploader, “We found tatay!”
Sinabi nitong marami siyang natanggap na mensahe mula sa netizens na nais tulungan ang lalaki.
Nakikipag-usap daw ngayon ang uploader sa pamilya ng lalaki para sa karagdagang detalye.

