Naikuwento ni Vice Ganda ang tungkol sa pag-shoulder niya sa reading materials at pag-fund sa contruction ng isang public school sa Sorsogon dahil sa nakakaawang estado nito.
Sa "Laro Laro Pick" segment ng It’s Showtime ngayong Sabado, October 4, 2025, mga guro ang naging game participants.
Nang umabot na sa final round, nagkuwento ang game winner na si Teacher Mitch tungkol sa mga hamong pinagdaraanan niya bilang guro sa Malinta.
Kabilang na rito ang laging pagsuong niya sa baha dahil lubog sa tubig ang kanilang lugar.
May mga gamit din siyang binibili, tulad ng printer, na mula sa sarili niyang pera dahil kailangan ng mga mag-aaral.
“Alam mo, maraming eskwelahan na ganyan, ah, yung learning materials, wala,” sundot ni Vice.
Vice Ganda Helps Fix a School’s Long-Time Struggles
Saka naalala ng It’s Showtime host ang kanyang experience.
“Nagpunta ako ng Sorsogon. Mapapanood niyo ito sa content ko na 'Gandara The Beksplorer,'” pagtukoy sa socio-civic online show ni Vice noong 2023 at 2024.
“Umabot ako ng Sorsogon, ‘tapos meron akong pinuntahang isang eskwelahan doon, public school. Wala silang libro. Wala silang learning materials.
“’Yung mga libro nila, punit-punit, lumang-luma. Kunyari page one, ang susunod page 11 na.”
Mismong mga guro raw ng paaralan ang humiling sa kanya na tulungan sila sa mga gamit.
“So, ang hiling lang nila sa akin, e, tulungan silang magkaroon ng reading materials kasi wala silang matino, disente, at sapat na reading materials doon sa public school sa Sorsogon.
“Kaya nag-donate ako ng reading materials at pinagawa ko yung eskwelahan dahil yung eskwalahang iyon talaga, manlulumo ka sa itsura.”
Dahil sa awa, inusisa raw ni Vice ang mga namamahala sa eskwelahan kung dumulog na ba sila sa gobyerno para humingi ng tulong?
Lahad ni Vice, “Sabi nung kausap ko, ‘Dinulog ko na po iyan, teacher pa lang ako. Hanggang naging principal na ako, hanggang sa nag-retire na po ako, hindi po umabot sa amin yung hinihiling namin [na tulong].”
Read: Vice Ganda to corrupt politicians: "P.I. ninyo!"
VICE STRESSES INVALUABLE CONTRIBUTION OF TEACHERS
Hindi lang niya sinagot ang pagpapagawa ng school at ang pagdo-donate ng learning materials.
Sabi niya pa, “Kaya na-sad ako talaga. Wala rin silang wi-fi, so tinulungan namin ang eskwelahan doon.”
Hinimok ni Vice ang viewers na pumunta sa mga pampublikong paaralan para malaman ang nakakaawang kalagayan ng iba sa mga ito.
“Ang gagaling pa man din ng teachers at estudyante sa public schools.
“Ganundin naman sa private, pero, siyempre, may bias ako kasi public school girl ako, e.”
Mensahe ni Vice sa mga guro, “Alam naming mga Pilipino na hirap na hirap na kayo kaya kailangan nating magawan ng paraan ang estado ng mga teachers ngayon. Kasi kung hindi, lalayasan nila tayo.
“We have the best teachers in the world. Mahuhusay na guro ang nasa Pilipinas, nasa maling bansa lang kayo.”
Si Vice ay vocal sa kanyang political views.
Sa katunayan, hindi siya nagdalawang-isip na pumunta sa recent protest laban sa mga anomalous flood control projects.
