Si Marc Dave Afan ang 18-anyos na estudyanteng first buyer ng newly-released iPhone 17 Pro-Max sa midnight launch nito sa Power Mac Center sa Greenbelt 3, noong October 17, 2025.
Sa social media, tinawag siyang “pinagpala."
Napa-“sana all” pa ang iba pa.
Tinatayang nasa PHP87,000-PHP150,000 ang presyo ng iPhone Pro Max, depende sa laki ng storage.
Ayon sa mga news outlets, ang phone ay regalo raw ng kanyang tiyuhin dahil sa pagiging honor student niya.
Hindi raw ito hinangad ng binata, pero pinapila siya ng tiyuhin, at noong nasa pila na ay saka sinabihang iPhone 17 Pro-Max ang regalo sa kanya.
Ang siste, October 11, Sabado ng umaga, pa pala siya nagsimulang pumila.
At hindi biro ang “hassle at struggle” na inabot niya sa loob ng halos isang linggong pagpila.
Pero normal ang ganitong eksena para sa mga parokyano ng brand. Here and abroad, talagang may pila sa first day of release.
At bukod sa bragging rights, karaniwang nabibigyan ng freebies at regalo ang first buyers.
In the case of Marc Dave, isang iPhone unit ang kanyang freebie.
NETIZENS REACT
Pinagtalunan ito ng netizens.
Para sa iba, mababaw raw ito. Ipinasok pa nila ang usaping pulitika at relihiyon.
Ang iba, kinutya pa ang news outlets na nagbalita nito. Kinuwestiyon ng ibang netizens kung newsworthy ba talaga ito.
Pagtatanggol naman ng ibang netizens, huwag maging judgmental, lalo’t hindi naman daw galing sa mga pumupuna ang ipinambili ng gadget.
Read: K-Pop fan and online seller shrugs off haters after hours-long iPhone 17 wait
May ilang kritiko na ikinumpara ang kanilang karanasan kay Afan.
Sabi ng isa: “Nung nag-graduate nga ako, after ng tanghalian, walang handa, naggapas pa nga ako ng palay, dyusmio.”
Batikos ng isa pang kritiko, “Nakakatalino ba iyan hahahaha," saka niya ginamit ang hashtag na #ShallowSociety, pahiwatig na kababawan para sa kanya ang topic.
Tila may sarcasm naman ang komento ng netizen na ito: “Ang gandang ilagay sa achievement nyan: ‘naunang pumila sa iPhone 17’”



May nadako naman sa usaping relihiyon.
“Sana ganyan din sila sa simbahan, nauunang pumila para makinig sa salita ni Lord, kaya lang madalas laging late sa simbahan at laging nasa hulihan. Ngayon alam ko na kung ano yung idolatry.”
Hindi naman daw maunawaan ng isang kritiko kung bakit kailangan pang pumila nang matagal, as in tumatagal ng ilang araw, kung pwede naman itong bilhin na hindi iyon ginagawa.
Sabi nito: “Not sensible for me, kasi mabibili mo rin lang naman on a regular day iyan. I don’t really understand all the hype every time a new iPhone launches. It only repeats every year and only upgrades on certain functions but most will never be utilized.”
Sabay kabig nito, “Well, it’s their money and want first and foremost and who am I to protest against it?”


Ang ilan naman ay positibo ang komento.
Sabi ng isang male netizen, “well-deserved” daw ang regalo ng tito dahil inuna naman nito ang pag-aaral.
Mensahe nito sa bashers: “Tandaan lang natin na ang success ay galing sa sipag at focus, hindi sa panghuhusga sa iba. Mag-focus na lang tayo sa sarili nating growth at magtulungang bawiin yung mga ninakaw ng mga kurakot. Joke!”
Segunda ng isang female netizen, huwag daw punahin ang estudyante: “Baka naman kasi yung bata ay never pa nagka-CP at ang usapan nila ng parents nila pag edad 16 o 18 doon lang magkaka-brand new CP. At bonus pa-iPhone kasi may honor.”
Dagdag paliwanag ng female netizen, may ganito kasi silang usapan ng kanyang kapatid.

Punto ng isa pa, huwag basagin ang trip ng iba. Kung saan sila masaya, hayaan sila.
“Masaya sila diyan. At effort nila iyan. Wag kayong makialam kasi di niyo naiintindihan yung purpose and happiness nila. Hindi naman kayo inaabala.
“If you are not the target market, o kung di niyo gets kung ano yun, wag kayong basag trip sa comments. Mukha lang kayong inggit. If di niyo masakyan luxury nila, just scroll away.”
Tanong pa nito, ang pinagmumulan daw ba ng ibang kritiko ay inggit dahil hindi nila iyon ma-afford?
“Some Filipinos tend to criticize others either for lacking what is commonly valued or for possessing things they themselves cannot afford or fully understand. Nakakahiya.”
Hirit pa nito, “Let them enjoy things. You do you!”

Sang-ayon dito ang isa pang nagkomento: “There’s a hint of bitterness in some of the comments here that they feel the need to talk trash about this dude.”
Pagtatanggol ng isa pa, “Paki niyo ba, pera nila iyon, eh, and lalo na if honor student, I think deserve naman if may kakayanan.”
May nagsabi ring "easy profit” para sa binata ang nakuha niyang freebie.


May isang nagmungkahi na ibunton na lang ang pagpuna sa mas mahalagang bagay tulad ng isyu ng korapsiyon.
“Hayaan niyo na sila, pera nila iyan. Yung galit niyo huwag niyo ibunton sa kanila. Sa gobyerno at contractors kayo magalit. Mga tao ngayon ang iinit ng ulo, wala naman ginagawa sa inyo yung namimili ng iPhone."

Read: Beef tallow or cow's fat now used in skincare. Here’s what experts say.
Ang ganitong eksena sa social media ay nagiging karaniwan na.
Kung tutuusin, maganda sanang pagsimulan ito ng diskusyon, patunay na iba-iba ang opinyon natin.
At nakakatulong talaga ang mga insights.
Sa kasamaang palad, may tendency na maging below the belt ang kritisismo at tumatawid na sa bashing.
Kung ang pagpuna ay sobra at walang dulot na maganda, pinapalala lang nito ang bashing culture.
At ito ang hindi dapat na gawing normal.
