Sinaktan, pinagbantaan, at tinutukan ng baril ng suspek na motorista ang biktima dahil sa vehicular accident.
Pinagbantaan ng suspek na babarilin niya ang biktima sa kasagsagan ng kanilang pagtatalo sa gitna ng kalsada.
Ipinagyabang ng suspek na isa raw siyang abogado.
Pero lumabas sa imbestigasyon na hindi ito totoo. Pati ang ginamit niyang baril ay hindi rin totoo.
Kalat ngayon ang video na ito sa social media at nag-viral, kahit na nangyari ito noon pang October 16, 2025.
Read: Student buying iPhone 17 Max Pro sparks online debate
fake lawyer's VIRAL VIDEO
Sa kumalat na CCTV footage, makikitang nagkagitgitan ang dalawang sasakyan sa kalsada sa Biñan, Laguna.
Bumaba sa kanyang sasakyan ang suspek at sinugod ang biktima. Puwersahang binuksan ng suspek ang car door ng biktima.
Pabulyaw ang pagsita ng suspek sa biktima. Maririnig ang suspek na tinatanong ang suspek kung babanggain daw ba siya nito.
Nagpakita pa ng baril ang suspek, sumisigaw, at sinasaktan ang biktima.
Pinipilit pa ng suspek na ibigay nito ang kanyang driver’s license.
Banta pa ng suspek, babarilin niya ang biktima.
Sa buong komprontasyon, sinikap ng biktima na magpaliwanag at maging kalmado. Hindi nito ibinigay ang kanyang driver’s license kahit pinilit siya ng suspek.
POLICE speaks up about incident
Idinetalye naman ng pulisya kung ano ang nangyari.
“Ang nangyari kasi doon, nagkaroon ng gitgitan sa may boundary ng San Pedro saka ng Biñan. So, hinabol ni Suspek si Victim, nakaabot sa may Brgy. Canlalay, Biñan,” lahad ni Police Senior Sergeant Darius dela Viña, Biñan traffic investigator, sa News 5 report nitong October 21, 2025.
“At nung nakorner na siya [victim], dito na naglabas ng baril [ang suspek].
“Yung baril niya nakasuksok pa sa waist, e. So, pinakiusapan ng tropa na i-surrender na ang baril, sinurender naman niya at dinala na rito sa police station.”
Binanggit sa report ng pulisya na peke ang baril.
Natuklasan din sa report na isang legal researcher sa San Pedro Regional Trial Court ang suspek, hindi abogado, ayon sa pulisya.
Sinabi naman ng mga pulis na tama ang ginawa ng biktima na hindi ibigay ang kanyang lisensiya sa kabila ng pamimilit ng suspek.
Nagsampa ng reklamong grave threat at violation of Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang biktima laban sa suspek.
Nakapagpiyansa ang suspek at pansamantalang nakalaya.
Pinatawan ng 90-day preventive suspension ang driver’s license ng suspek.
Isinailalim din sa alarm status ang kanyang sasakyan, ulat ng ABS-CBN News.
Hindi binanggit sa ABS-CBN report na peke ang baril na ginamit ng biktima.
Nakatakdang mag-report sa Land Transportation Office ang suspek ngayong Miyerkules, October 22.
Ipinapasumite siya ng written explanation kung bakit hindi siya dapat patawan ng parusa kaugnay ng insidente.
Read: Mayor Vico Sotto learns how to generate fancy fonts
NETIZENS REACT
Batay naman sa reaksiyon ng netizens kaugnay ng insidente, marami ang pumanig sa biktima na naging kalmado sa kabila ng sitwasyon.
Pinapurihan nila ang biktima sa pananatili nitong kalmado sa kabila ng mga banta ng suspek.
Sa kabilang banda, binatikos nila ang suspek na anila'y naging mayabang at nagkomentong hindi lang dapat ito matanggalan ng driver's license, kundi pati kulong para sa mga pasimuno sa road rage.
"Minimum of 10 years jailtime to all road rage suspects please," komento ng isang netizen.
"Wow, grabe ito, he thinks he's above the law!!! Anger management!!! For sure..." sabi ng isa pa.
Panalangin ng isa pa, "Sana isang araw makakita ito ng katapat niya."


