Mailap si Dustin Yu sa pagbitiw ng real score sa kanila ni Bianca de Vera, pero kita ang ningning sa mga mata niya nang sabihing girlfriend material ang dalaga.
Sina Dustin at Bianca ay naging malapit sa isa't isa sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab, na umere mula March to July 2025.
Si Dustin ay mula sa GMA-7, habang si Bianca ay mula sa ABS-CBN.
Nakapanayam si Dustin ng entertainment reporters, kabilang ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), nang ilunsad siyang endorser ng Aromagicare.
Ginanap ang event sa Hype Club sa Quezon City, kahapon, October 24, 2025.
"Si Bianca, nakilala ko na siya sa PBB, four months kami nasa loob ng Bahay Ni Kuya and for me to say na pasok siya, I really mean it," saad ni Dustin.
Isa-isa ring ibinahagi ni Dustin ang mga katangiang nagustuhan niya kay Bianca.
"Everything, lahat, promise," mabilis na sabi niya.
"Very particular ako sa girl. At si Bianca, I would say, ang bait... May kakaiba talaga si kanya as a woman.
"Kung paano siya mag-isip, paano siya mag-decide, parang kaya niya i-handle yung mga bagay-bagay.
"At saka down-to-earth siya and laging nakikinig. She knows how to listen, di lang puro salita. So super nice."
Read: Dustin Yu, nililigawan na nga ba si Bianca de Vera?
DUSTIN YU ON REAL SCORE WITH BIANCA DE VERA
Hindi kaila sa publiko na nagkahulugahan ng loob sina Dustin at Bianca habang nasa loob ng Bahay Ni Kuya.
Marami sa kanilang mga tagasubaybay ang umaasang nag-level up na ang relasyon nila ngayon sa outside world.
Sabi ni Dustin, "Well, di naman kaming dalawa nagpapadala ni Bianca sa pressure ng fans.
"Lagi ko rin nire-remind na happy lang, enjoy lang nila. Minsan lang kami magka-work, e, knowing na magkaiba kaming ng network, right?
"So habang may chance pa, sana, maging happy nalang yung mga tao na magkasama kami."
Ang tinutukoy niya ay ang pagtatambal nila sa 2025 Metro Manila Film Festentry na Love You So Bad.
Hindi ba niya itatago sa publiko kung maging sila?
"Kung magiging ganun, depende. Di ko alam," safe na sagot ni Dustin.
Umiwas naman si Dustin nang usisain na namataang kasama niya si Bianca sa isang basketball practice niya.
Base ito sa litratong kumalat online noong October 20.
"Talaga? Hindi ko siya nakita," napapangiting maang-maangan ni Dustin.

Read: Magkapatid na Kim at Alessandra Atienza, pareho ng karanasan
DUSTIN YU, "ALL-OUT LOVER BOY"
Base sa mga salita ni Dustin, tila isinasaalang-alang niya ang pagkakaiba nila ng TV network ni Bianca kaya hindi niya madiretsong aminin ang estado ng relasyon nila.
Basta ang siniguro ni Dustin, romantic daw siya at all-out pag nagmahal.
"Oo, lover boy kasi talaga ako. Siguro ano rin yun, di ba, may mga childhood trauma lahat na parang gusto mong ayusin in the future?
"Growing up middle child ako. So in a way longing... may gusto akong love na matanggap.
"So ngayon, yun yung binibigay ko naman kasi yun ang matagal ko nang hinihingi."
Paliwanag pa ni Dustin, "Ang gusto ko talaga, yung na-value ko talaga yung love, yung girl.
"Super all out ako. Minsan lang kasi yan. Alam mo naman kung gaano kahirap maghanap ng taong susuportahan ka."
Ilang babae na ba ang seryosong nakarelasyon niya?
"Isa pa lang. Eight years. Non-showbiz," sagot ni Dustin.
