Kabilang ang 1999 romantic-comedy na Bakit Pa? The Movie sa paboritong panoorin ng Gen Zs na mahilig mag-stream ng local movies sa YouTube.
Ang naturang rom-com na isinulat at idinirek ni Jose Javier Reyes ay tumatalakay sa popularity ng online chatrooms noong ‘90s at hindi pa uso ang social media.
First time namang maging bida si Jessa Zaragoza sa isang pelikula dahil sa phenomenal hit single niya na “Bakit Pa?” na siyang ginawang titulo ng movie.
After 26 years ay nagkuwento si Jessa tungkol sa paggawa niya sa naturang pelikula at paano nito nabago ang kanyang career.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Jessa via Facebook Messenger noong November 6, 2025, dumating daw ang offer na magbida siya sa pelikula sa kasagsagan ng pagbiglang sikat niya bilang isang recording artist.
Lumalabas na noon si Jessa sa mga pelikulang drama, action, at sexy ang tema. Ang Bakit Pa? The Movie ang first rom-com movie na bida siya.
Kuwento niya: “Siyempre, natuwa ako. Grateful and excited ako na may dumating sa aking offer na lead role sa isang rom-com movie, a genre which I really love!
“The script was great, and it was written and directed by Jose Javier Reyes. Nandun na lahat ng hinahanap ko.
“That project was heaven-sent for me. Sobrang grateful ako sa OctoArts Films na ako yung naisip nila for the project.”
The film explored online chatrooms, back when social media had not even been heard of.
Pati ang tinatawag ngayon na "catfishing," where people deceive others online using fake personas ay naging bahagi ng storyline.
Hindi nga raw naisip ni Jessa na ganun ka-advance ang simpleng pelikula nila na tungkol sa isang babaeng nagkuwaring ibang tao sa ka-chat niyang Amerikano sa internet.
“Alam mo, hindi ko naisip noon na magkakatotoo ang mga eksena sa movie after so many years.
“Dati parang far-fetched lang sa akin yan. Lalo na yung makipag-chat sa internet na di pa uso ang webcam.
“Masyadong advanced yung movie. Hindi ko akalain na after 26 years, normal na lang na nangyayari yung mga ganyan. Lalo na yung catfishing… scary siya!”
Playing Henedina “Dina” Maranan a.k.a. Nadine Moran was Jessa’s funniest film role at wala raw hihigit pa rito.

Kaya bago raw sila mag-shoot ay pinaghandaan ito nang husto ni Jessa.
“I really enjoyed playing Dina/Nadine. In preparation for the role, I studied the script diligently. Sinundan ko lang yung pagka-cute ng pagkakasulat.
“The dialogues were hilarious. I just added my own touch and even incorporated my real-life love for my favorite cartoon character na si Tweety Bird into Dina.
“Nauso kasi noon si Tweety Bird, di ba? Kaya all those props and Tweety bird items, were all mine from my own personal collection. Na-imbibe ko na din si Tweety Bird sa character! Maloko pero may kabutihan naman ang puso.”

Masuwerte raw si Jessa na nakatrabaho niya si Direk Joey Reyes sa pelikula. Naging writer din si Direk Joey ng kinabilangang sitcom ni Jessa sa ABS-CBN na Attagirl in 2001.
“It was a great honor na madirek ni Direk Joey. He’s such a brilliant and intelligent director. At mabait sa artista.
“He’s very open for collaboration lalo na sa mga adlibs. Parang walang puwedeng mali sa kanya. ‘Pag nag-suggest ka, matutuwa pa yun.
“Sarap katrabaho ng ganung director. Magaan lang and I enjoyed every project na ka-work ko si Direk Joey.”
jessa on working with Troy Montero and Diether Ocampo
Dalawang hunks of the ‘90s ang naging leading man ni Jessa sa movie: Diether Ocampo and Troy Montero, who made his film debut.
Kung uso lang daw noon ang social media, baka matinding pamba-bash ang natanggap ni Jessa dahil pareho siyang nagkaroon ng kissing scene with Diether and Troy.
“Oh, yes for sure! Daming na-attract kay Troy noon kasi ang sexy niya, lalo na nung scene na galing siya sa swimming pool na naka-trunks siya.

“So, isa yun sa highlight ng movie at pinag-usapan iyon. Parang, 'Who’s this hot Fil-Am guy?!' Nakatulong siya sa spice ng movie.
“And of course, maraming fans si Diether noon. He was one of the popular actors at that time. Katuwa naman kasi mukhang fit naman ang casting. Nag-blend very well ang characters namin sa isa’t isa.”

May nagtangka bang pumorma sa kanya noong nagsu-shooting sila? Natatawang sagot ni Jessa: “Well... kami ni Diether yung close that time. ‘Yan lang sagot ko!”
Hindi raw nakakapagtaka kung babalik-balikan ng marami ang pagpanood ng pelikula nila dahil bihira na raw ang gumagawa ngayon ng simpleng feel-good movie.
“Honestly, tingin ko, mas madami pang matutuwa sa movie because it’s well written. And modesty aside, I think we did a pretty good job naman in terms of acting. Pati mga supporting actors namin, mahuhusay,” sabi pa ni Jessa.
Jessa reacts to negative titles given to her
Sinagot din ni Jessa ang mga nabansag sa kanyang mga titulo ng press noong bigla siyang sumikat at tinawag na "Phenomenal Diva" and "New Jukebox Queen."
Tinawag din siyang "COD (Cause of Delay) Queen," "Denial Queen," and "Flopsina Queen."
“May mga fake news na din dati, pero at least noon, may buong pangalan yung writer na bumibira sa diyaryo. Alam mo kung sino sila.
“Naranasan ko din yang kabila-kabilang bira ng mga reporters.
"Honestly, tumibay na rin sikmura ko sa ganyan. But it doesn’t mean na I agree sa mga sinasabi nila. Kasi madami ding di totoo.
“To address them one by one...
“Cause of delay: I’ve been very professional all my life. Hate ko ang nale-late.
"Nung mga time na iyon, bata pa ako nun, e. At ang nag-handle ng bookings ko at schedules, is my manager, Boss Orly Ilacad.
“Sumusunod lang ako sa schedules na binibigay nila. Sila nagta-traffic ng lahat ng oras. Nalalaman ko na lang yung schedules na ginawa nila kapag gawa na.
“Tingin ko nahirapan din talaga sila sa skeds ko at that time, then i-match pa sa schedules ng ibang artists.”
“Denial Queen: Ha?!? Ano yung di-deny ko ba? Pero uso nga nung ‘90s ‘yan. Madaming artista ang nabansagan niyan. Di ko lang maalala na nabansagan pala ako ng ganyan?! Wow!
“Flopsina Queen: May mga detractors din talaga dati, di ba? Decent naman ang kita ng mga movies na kasama ako.
"Even Bakit Pa? The Movie, since si Boss Orly Ilacad ang manager ko at that time, may firsthand infos naman kami ng parents ko sa kita ng movie. At hindi siya flop.
"Yes, di sya super blockbuster, pero hindi siya flop.”
OTHER INTRIGUES ABOUT JESSA BACK THEN
Binigyang-linaw rin ni Jessa ang ilan pang throwback na intriga sa kanya noon.
Una ay ang pagbayad daw sa kanya noon na PHP150,000 per song kapag naiimbitahan siya sa mga fiesta at iba pang events.
“Grabe naman! I think na-clear ko na yan dati, I remember sa TV Patrol pa iyon with Tito Mario Dumaual.
"It’s not true, but Octo Arts handled all dealings for me kaya sila lang ang makakasagot niyan.”
Nagkaroon din daw sila ng alitan ng isa pang contract star noon ng OctoArts na si Lara Morena na nakatrabaho niya sa pelikulang Malikot na Mundo (1999).

Umalis daw si Lara sa management ng OctoArts dahil sa kanya.
"Basta after namin matapos ang movie na Malikot na Mundo, halos wala na kaming communication.
“Sa akin wala namang problema. Basta busy lang ako sa trabaho parati. Kaya wala akong masyadong alam sa issue na ‘yan noon.”
Nagkaroon din ng misunderstanding si Jessa sa kanyang sariling ina. Pero nagpapasalamat siya na mabilis naman daw nilang naayos iyon.
“With God’s grace, ang relationship namin ng nanay ko ay full of love, respect, and understanding. Salamat sa Panginoon. Si Lord lang makakagawa niyan.”
Upcoming anniversary and how proud she is of Jayda
Mag-celebrate ng kanilang 25th wedding anniversary next year sina Jessa at mister niyang si Dingdong Avanzado.

Parang ang bilis daw ng panahon at ipinagdasal nilang tumagal ang kanilang pagsasama.
Ikinasal sina Jessa at Dingdong noong March 18, 2001 sa Christ The King Church in Quezon City.
They have a daughter, Jayda, who is 22 years old at isa na ring celebrity.

“The Lord has guided and blessed our relationship abundantly through the years. Biniyayaan kami ng matiwasay na pagsasama. Hindi perfect, pero matibay.
“Biniyayaan kami ng aming Jayda na pinalaki namin with so much love and stability.
“I can say that we are stronger than ever. I believe in good karma. We will be celebrating our 25th year anniversary next year.
“There were a lot of lies and false information spread about us throughout the many years together but here we are, standing the test of time, our silver year coming up sa March 18, 2026.”
Proud mama si Jessa kay Jayda na lumaking maganda at talented tulad ng kanyang parents.
“I can say na we have a healthy and balanced relationship. Para kaming magkaibigan lang ni Jayda, pero nandoon pa rin ang respect. Di nawawala iyon.”
JESSA IN SHOWBIZ SINCE 1987
At 46, aktibo pa rin si Jessa sa showbiz kunsaan nagsimula siya bilang child star in 1987 gamit ang tunay niyang pangalan na Richelle Ann Loyola.

Mula sa pagiging contestant sa "Little Miss Philippines," ng Eat Bulaga!, naging member siya ng That’s Entertainment gamit ang screen name na Jessa Kintanar.
Naging contract artist si Jessa ng Viva Films in 1992 kunsaan lumabas siya sa mga pelikulang Mahirap Maging Pogi (1992), Kadenang Bulaklak (1994), Anghel Na Walang Langit (1994), Campus Girls (1995), The Jessica Alfaro Story (1995), Ang Tipo Kong Lalake (1996), Masamang Damo (1996), Paracale Gang (1996), at Kool Ka Lang (1996).
Taong 1997 nang maging recording artist ng OctoArts Records si Jessa.
Naging big hit ang debut album niya na Just Can’t Help Feelin’ na nagkaroon ng tatlong hit singles: "Bakit Pa?," "Paano Kaya," at "Di Ba’t Ikaw."
The album was an eight-time platinum record awardee.
Ang iba pang hit singles ni Jessa ay "Baliw na Puso," "Dito Sa Isang Tabi" (from the album Phenomenal); "Ikakasal Ka Na," "Ibigay Mo Na" (from the album Ibigay Mo Na), at "Siya Ba Ang Dahilan?" (from the album of the same title).
Nakasama rin si Jessa sa mga drama series na Villa Quintana (1995-97), Di Ba’t Ikaw? (1999), Bituin (2022-23), Rosalinda (2009), Kokak (2011-12), 1DOL (2010), Cielo de Angelina (2012-13), Paraiso Ko’y Ikaw (2014), at sa sitcom na Pepito Manaloto (2010-12).
Inamin ni Jessa na naisip niyang mag-quit sa showbiz at naghangad ng simple at tahimik na buhay.
Pag-amin niya: “Dumating ako sa point na napagod siguro ako. Sabi ko, gusto ko na mag-retire! Magpahinga! But dumating din ako sa point na, ‘Ay, ayoko pala mag-retire!’
“Di pala ako iyon. I’ve been working since maliit na bata pa ako. Maybe slow down. Pero mag-complete retirement, 'No pala!' Parang, ‘Binabawi ko pala iyon, Lord!’
“Ang isa sa purpose ko sa mundong ibabaw ay gamitin ang gift na binigay sa 'kin ng Panginoon. At patuloy na pagyamanin ito. Bukod sa pagiging ina at asawa. Kanya-kanya tayong purpose at destiny.”
Kaya naman napapanood pa rin si Jessa sa iba’t ibang TV shows tulad sa It’s Showtime at Sing-Galing.
Bumalik din siya sa recording at muli silang nag-collab ni Vehnee Saturno after 13 years sa new single titled "Ang Sakit Sakit."
“Reuniting with Tito Vehnee felt like picking up a powerful conversation after years of silence. This song is for everyone who’s ever loved too hard and been hurt even harder,” ani Jessa.
Available on all digital streaming platforms kanyang latest single at may official lyric video on her official YouTube channel: Jessa Zaragoza.
bad experience with young newcomers
Sa pakikipagtrabaho sa mga baguhang artista ngayon, hindi itinanggi ni Jessa na nagkaroon siya ng hindi magandang karanasan sa ilan sa kanila.
“Yes meron talaga. Kasama ko sa soap opera before. Binuhat ng tita niya yung bags at gamit ko sa shared dressing room namin.
“I think ayaw niya kasi may ka-share sa dressing room kaya tinanggal nila yung mga gamit ko dun. Nilipat sa ibang room.
“Di man lang nagpaalam na hahawakan at ililipat nila yung mga gamit ko. Wala ding pasabi.
“Yung isa naman na young actress, nagkita kami sa dressing room. Kaming dalawa lang. Magdadalawang oras na, as in walang pagbati man lang. Ayaw niya din tumingin sa akin. Hanggang makauwi kami. Yun na iyon!” tawa pa ni Jessa.
Kung may advise siya sa Gen Zs of showbiz today…
“Be authentic sa lahat ng bagay. Be original.
“Pag-aralan nyo maging mas matiyaga sa lahat ng bagay tungkol sa inyong karera.
“Be grateful for every opportunity. Importante na may pakialam ka din sa mga katrabaho mo, kasama na diyan yung respeto bilang kasamahan sa industriya.
“Respeto sa oras ng bawat isa. Bago ka isalang sa kahit na anong work, dapat handa lagi. Make sure na pinaghandaan mo. Love and respect your craft.”
