Matapang ang reaksyon ni Susan Enriquez matapos ang mga rebelasyon ni Zaldy Co.
Sa sunod-sunod na posts ng GMA News personality sa kanyang Facebook page, tinawag niya ang dating mambabatas na magnanakaw.
Kinuwestiyon din ni Susan ang sinabi ni Zaldy na wala itong nakuhang pera mula sa flood control projects.
“Kawawa naman pala siya. Walang daw napuntang pera sa kanya????,” ang unang post ni Susan sa kanyang Facebook page kahapon, November 15, 2022.
Tatlo na ang video statements na nilabas ni Zaldy sa kanyang verified Facebook account.
Sa pangalawa niyang video na nai-post din kahapon, November 15, ay isinaad niyang wala raw siyang natanggap na parte mula sa mga pondong ipinamudmod kay Pangulong Bongbong Marcos at sa dating House Speaker na si Martin Romualdez.
“Wala pong perang napunta sa akin. Lahat po ng insertion napunta sa ating Pangulo at Speaker Martin Romualdez,” pahayag niya.
Aniya, umabot sa 100 billion ang insertions ni BBM sa 2025 budget, at mula rito ay 25%, o 25 billion, ang kanyang ibinulsa.
Kasama sa video ni Zaldy ang ilang mga litrato ng mga maletang naglalaman umano ng mga salapi na ipina-deliver niya sa Pangulo at kay Romualdez.
SUSAN REACTS
Matapos i-upload ni Zaldy ang pangalawang video ay nag-post na si Susan ng reaksyon sa kanyang verified Facebook account.
Dito ay ipinahayag niya nga ang agam-agam na wala ngang parte ang pulitiko sa nakulimbat sa pondo ng gobyerno.
“Ewan ko sa iyo Zaldy Co,” sabi ni Susan.
Dagdag pa nga ng Unang Hirit host, “Baka gusto mo patayuan ka namin ng bantayog.”
Sa sumunod na post ay tahasan na niyang tinawag na magnanakaw ang dating mambabatas na nagtatago sa ibang bansa.
“Walang hero sa inyo. Pare pareho kayong magnanakaw. Wala kayong pakialam sa taong bayan na napeperwisyo ng pagkaganid nyo,” saad ng Kapuso personality.
Read: Zaldy Co, pasabog ang "regalo" sa birthday ni Martin Romualdez
ZALDY’S THIRD VIDEO
Samantala, inilabas na ni Zaldy ang pangatlo at huling bahagi ng kanyang mga rebelasyon.
Sa video na in-upload niya sa kanyang verified Facebook page ngayong tanghali, November 16, 2025, ay hinamon niya si Ombudman Jesus Crispin Remulla na imbestigahan si Romualdez at ang Pangulong Marcos.
Umapela rin siya sa Senado.
“Nananawagan din po ako sa Senado na imbestigahan ang 100 billion insertion ni Presidente.
"Alam ko po na hindi gagawin ni Ombudsman Remulla ang hamon ko, pero magaling ang Senado sa imbestigasyon, at ako ay naniniwala na dahil sa kanila, lalabas ang katotohanan,” sabi ni Zaldy.
Ipinahiwatig din niya na sinisira umano ni Pangulong Marcos ang kanyang reputasyon, at pinagbabantaan umano ang kanyang buhay.
“March 2025 pa lang, si Speaker ay nagpaparinig na sa akin, sa aming meeting, that he will shoot me if I will talk.”
Noong September 17, 2025 nagbitiw mula sa pagiging House Speaker si Romualdez.
Pagpapatuloy ni Zaldy, “At pagkatapos niyang sabihin sa akin in a phone call na, 'Don’t come home, we will take care of you,' tumawag ulit si Speaker Martin at sinabihan niya ako na pag umuwi ako, it will be dangerous kasi they might hire someone to do a rubout on me, or hire the police to kill me while in jail.”
Sa huli ay nag-sorry si Zaldy sa publiko.
“Taos-puso akong humihingi ng paumanhin. Ginawa ko lang ang utos sa akin.
"Pero ngayon, handa na akong harapin ang lahat. Uulitin ko po, yun pong pera, wala pong napunta sa akin.
"Dumaan lang po ang pera sa akin, para i-deliver kay Speaker Martin Romualdez at kay Pangulong Marcos,” pahayag niya.
Read: AJ Raval, umaming lima na ang anak; tatlo kay Aljur Abrenica
MALACAÑANG DISMISSES ZALDY CO'S CLAIMS
Mariing pinabulaanan ng Malacañang ang mga alegasyong ibinabato ni Zaldy kay Pangulong Marcos Jr.
Tinawag ni Palace press officer Claire Castro na "comedy series" ang expose ni Zaldy.
Halata raw na nagtatagpi-tagpi ng gawa-gawang kuwento si Zaldy, lalo't wala naman daw itong maipakitang ebidensiya.
Nagbabasa lang daw ito ng "script."
Base ito sa pahayag ni Castro sa press ngayong Linggo, November 16.
Sa naunang pahayag ni Castro sa panayam ng GMA News, kuwinestiyon niya ang timeline ni Zaldy kaugnay ng mga sinasabi nitong dineliver nitong pera sa Pangulo between January to May 2025.
Paano raw nakapag-deliver ng pera si Zaldy kung noon pa lang daw January 13, 2025 ay hindi na ito Appropriations Committee Chair.
“Dun pa lang sa timeline, sa pinapakitang ebidensiya, hindi nagtutugma-tugma," saad ni Castro.
Sa hiwalay na panayam kay Castro ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Castro na tingin niya ay ginagamit si Zaldy "ng mga gustong magpabagsak sa Pangulo."
Sa personal na opinyon din daw ni Castro, pinangakuan si Zaldy na maaabswelto ito kapalit ng paggawa umano ng kuwento laban sa Pangulo.
Ani Castro, “Alam naman natin kung sino ang gustong magpabagsak sa Pangulo. Sino ba ang nagnanais na ipuwesto ang iba kapalit ng Pangulo?”
Unbothered naman daw ang Pangulo, ayon pa rin kay Castro.