Next week ay magse-celebrate na ng kanyang first birthday ang anak nina Dennis Trillo at Carlene Aguilar na si Calix Andreas. Mapapaaga ng konti ang birthday celebration ni Calix dahil sa September 22 pa talaga ang actual birthday niya.
Ayon kay Dennis nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng latest film niya na I.T.A.L.Y. (I Trust And Love You) ng GMA Films kagabi, September 1, isang malaking party ang inihahanda nila para sa unang kaarawan ng anak nila ni Carlene.
"Medyo malaking party siya para sa buong family. Baby Einstein ang theme at gaganapin sa isang clubhouse sa isang subdivision," banggit ni Dennis.
DUET WITH CARLENE. Nabanggit din kay Dennis ang pagsali ni Carlene bilang isa sa contenders sa Celebrity Duets ng GMA-7. Although alam daw niyang kasali si Carlene sa naturang celebrity singing contest, hindi pa raw napapanood ni Dennis na mag-perform ang dating kasintahan.
Aminado rin si Dennis na hindi pa siya nakakaboto para kay Carlene.
Tinanong ng PEP si Dennis kung papayag ba siyang maka-duet si Carlene sa Celebrity Duets, since nakapag-release na ng kanyang sariling album ang young actor.
Kung si Carlene ay okay lang na maka-duet si Dennis, si Dennis naman ay mukhang hindi pa handa para rito.
"Hindi ko pa sure," medyo natagalang sagot ni Dennis. "Sa ngayon siguro, hindi pa ako ready. Hindi ako sanay na magkasama kami sa TV."
Hindi ba sila kumportable sa isa't isa?
"Kumportable naman. Nakakapag-usap naman kami, lalo na kung tungkol kay Calix. Pero siyempre yung mga personal naming...medyo hindi na kami masyado nakakapag-usap," sabi niya.
Ano naman ang advice na maibibigay niya kay Carlene sa pagsali nito sa Celebrity Duets?
"Be true to yourself, kailangan i-enjoy mo talaga yung performance mo para mas natural lumabas. Bawat performance kailangan makita ng tao na ini-enjoy mo siya, para convincing yung ginawa mo," pahayag ni Dennis.
"Seven or eight," sagot ni Dennis nang tanungin kung anong rating, in a scale of 1 to 10, ang ibibigay niya kay Carlene as a singer.
LOCAL SPIDER-MAN. Bukod sa promotion ng I.T.A.L.Y., magiging abala na si Dennis starting next week para sa taping ng bagong primetime series niya sa GMA-7, ang Gagambino.
"Medyo late na nga po dahil sa October na yun ipapalabas. Ipapalit sa Dyesebel kaya pressure talaga," sambit ni Dennis.
Inilarawan din ni Dennis sa PEP ang role niya sa nasabing fantaserye na base sa komiks character ni Carlo J. Caparas.
"Si Gagambino, si Bino, magkakaroon siya nung powers ng spider dahil may portal silang mapupuntahan na magli-lead sa kanya sa land of the giants kasama ng ibang mga bata. Paglabas nung iba, makakagat yung ibang mga bata and eventually yung iba dun, magiging mabuti, magiging kakampi ko; yung iba, forces of evil.
"Hindi lang si Gagambino yung nandito. Meron siyang isang super group na parang Justice League ng Pilipinas, siyempre smaller scale. Pambata, para sa lahat," lahad niya.
Matatandaan na si Richard Gutierrez ang unang napabalita na gaganap bilang Gagambino. Ito sana ang susunod na proyekto ng anak ni Annabelle Rama pagkatapos ng Kamandag, pero nagulat ang marami na kay Dennis ito napunta.
"Kasi siguro dahil biglang dumating yung Asero niya. Hindi ko rin alam kung bakit...Basta bigla na lang siyang dumating," saad ni Dennis nang tanungin namin kung paano napunta sa kanya ang role.
CARRYING THE WEIGHT. Sa mga naunang primetime series ni Dennis sa GMA-7 ay madalas siyang gumanap bilang leading man ng lead female character gaya sa Darna at Majika. Bagamat sa huli niyang primetime series, ang Zaido, ay isa siya sa mga pangunahing bida, kasama naman niya sa title role sina Marky Cielo at Aljur Abrenica. Pero rito sa Gagambino ay sa kanya nakasentro ang proyekto at siya rin ang nasa title role. Ano ang pakiramdam ni Dennis tungkol dito?
"Actually, nabigla ako na nabigyan ako ng ganito kalaking project," pauna niya. "Feeling ko hindi ako prepared, pero gagawin ko lahat. Kumbaga, katulad ng sinabi ko, para kaming Justice League, pero Gagambino yung ginamit nilang name para dun sa show. So feeling ko, pasan ko yung buong show. Pero siyempre, effort pa rin talaga ng lahat. Talagang maaga pa lang naghahanda na ako para dito sa Gagambino, physically and mentally."
For a time ay nanamlay ang showbiz career ni Dennis dahil sa sunud-sunod na kontrobersiya na kinasangkutan niya—ang hindi niya kaagad pag-amin bilang ama ni Calix at ang away nina Carlene Aguilar at Cristine Reyes.
Dahil dito ay nakaungos nang husto ang mga itinuturing na kakontemporaryo niya sa GMA-7 na sina Richard Gutierrez at Dingdong Dantes. Sa palagay kaya ni Dennis ay muli siyang makakahabol kina Richard at Dingdong sa pamamagitan ng Gagambino?
"Sana, sana," sagot niya. "Kaya nga talagang gumawa ako ng malalaking desisyon and yung pagkokondisyon sa sarili. Ngayon, nagte-training kaming madalas, yung combat training...Pero hindi ko pini-pressure yung sarili ko. Tingnan ko na lang kung ano ang magiging resulta nitong lahat ng paghihirap ko.
"Ayoko rin namang makipagsabayan sa kanilang lahat," patuloy niya. "Never akong makikipagtaasan ng ihi kahit kanino sa kanila. Basta ako, kung bibigyan ako ng magagandang projects, makukuntento ako dun and masaya ako na may trabaho ako palagi."
Nakapag-costume fitting na rin daw si Dennis para sa Gagambino, na ayon sa young actor ay "parang generic na Hancock ‘tsaka X-Men."
Ang TV series na ito na ididirek nina Topel Lee and Don Michael Perez ay kabibilangan din nina Katrina Halili, Nadine Samonte, Polo Ravales, Isabel Oli, Jennica Garcia, Mart Escudero, among others.
