Hindi lahat ng pag-ibig ay nauuwi sa forever.
Nasaksihan ng publiko ang pagmamahalan sa pagitan ng It's Showtime co-host na si Ryan Bang at non-showbiz fiancée na si Paola Huyong.
Pero naudlot ang dapat sana'y nakatakdang pagpapakasal ng couple.
Hiwalay na sina Ryan at Paola mula pa noong mid-2025, ayon sa trusted sources na nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Read: Ryan Bang and Paola Huyong spotted at Hola, Escolta street fest
Wala ring balikang naganap sa pagitan ng dalawa.
Matagal na raw hindi nakikita si Paola sa Siesta Horchata Café, ang pag-aari niyang coffee shop na matatagpuan sa isang commercial building sa Quezon City, kunsaan naroon din ang Korean restaurant ni Ryan.
Taliwas ito sa espekulasyon ng ibang netizens na posibleng magkaayos pa ang couple.
Kung anuman ang dahilan ng hiwalayan nila ay tikom-bibig sina Ryan at Paola.
Walang anumang paliwanag si Ryan sa estado ng kanyang relasyon, kahit na napapanood ang binata sa daily noontime show na It's Showtime.
Tahimik din si Paola na ipinagpatuloy ang kanyang buhay, at ang tanging pinagkakaabalahan sa ngayon ay ang negosyo.
RYAN BANG TURNS UP AT PAOLA HUYONG'S POP-UP EVENT
Noong November 29, 2025, kabilang ang Siesta Horchata, ang pag-aaring coffee shop ni Paola, na lumahok sa Hola, Escolta streetfest.
Personal na pinangasiwaan ni Paola ang kanyang pop-up shop sa event.
Sa gitna ng pag-aasikaso ng dalaga sa kanyang shop, sorpresang dumating si Ryan Bang.
Nakunan si Ryan na inabutan ng bouquet of flowers ang ex-fiancée, at may nagpadala sa PEP ng litrato at maiksing video mula sa naganap na pagkikita ng ex-couple.

Na-confuse ang netizens sa inakto ni Ryan.
May ibang napatanong kung senyales ba ang pagdala ni Ryan ng flowers na sila pa rin ni Paola? Naayos na raw ba nila kung anuman ang gusot nila noong mga nakaraang buwan?
Kung hiwalay na sila, gesture ba iyon ni Ryan na gusto niyang suyuin si Paola?
Sa kabilang banda, may eagle-eyed netizens ang sumuri nang mabuti sa reaksiyon ni Paola.
Anila, mukhang nagulat si Paola sa pagdating ni Ryan at halata raw na "hindi kumportable" ang dalaga.
Makikita sa video ng PEP na nang akbayan siya sa balikat ni Ryan ay nakangiti si Paola, pero pasimple siyang kumalas sa pagkakaakbay ni Ryan.
Nakakrus din ang mga kamay ni Paola sa kanyang harapan, kumpara kay Ryan na hinawakan si Paola sa balikat.
RYAN BANG, PAOLA HUYONG JUST "FRIENDS"
Napansin naman ng ibang netizens na may dalang vlogging camera si Ryan, at makikitang nakatutok kay Paola.
Kaya base sa comments online ay may netizens na napapatanong kung ano ang intensiyon ni Ryan sa pagbisita kay Paola.
Sa pagtatanung-tanong ng PEP, sinasabing may customer na narinig ang mensaheng ipinarating ni Paola kay Ryan: "We are mature enough to be friends."
May ilang beses daw na idiniin ni Paola na "friends" lamang sila ni Ryan habang kumukuha ang huli ng video.
Pero ayon sa iba pang saksi, kakatwa raw na pinuputol ni Ryan ang pagba-vlog sa tuwing binabanggit ni Paola ang salitang "friends."
Kumukuha raw ng ibang take ng video si Ryan, na parang bang iniiwas na masama sa vlog ang tinuran ni Paola na "friends" lang sila.
Kung anuman ang dahilan ni Ryan, tanging siya ang nakakaalam.
Ang malinaw, ayon sa sources, break na talaga ang dalawa.
DATING HISTORY
August 2023 nang unang isapubliko ni Ryan sa It's Showtime na siya ay may nobya na.
Makalipas ang sampung buwan, noong June 2024, nag-propose si Ryan kay Paola sa Siesta Horchata Café.
Noong June 2025, masaya pang nagdiwang si Ryan ng kanyang kaarawan kasama si Paola.
Nanood pa si Paola ng It's Showtime at nagbigay ng mensahe para kay Ryan sa birthday segment ng Korean personality. Kasama ni Paola na nanonood sa audience ang ina ni Ryan.
Sa hiwalay na vlog ni Ryan noong July 2025, nakasama pa si Paola sa pamamasyal ni Ryan kasama ng ina sa Tagaytay.
Pero lumalabas na noong panahong iyon ay may pinagdadaanang problema—kung di man hiwalay na—ang couple.
First week of September 2025 nang matunugan ng netizens na burado na sa Instagram feed ni Paola ang engagement photos nila ni Ryan.
Read: Ryan Bang’s fiancée Paola Huyong takes down engagement photos
September 27, 2025, inanunsiyo sa official page ng Siesta Horchata na isasara na ang shop sa Scout Santiago sa Quezon City.
Matatagpuan ang Siesta Horchata sa second floor ng building kunsaan naroon din ang Korean restaurant na co-owned ni Ryan, ang Paldo.
Komento noon ng netizens, "low-key confirmation" iyon na break na nga ang dalawa.
Read: Ryan Bang’s fiancée announces closure of her cafe; netizens react
October 2025 nang mapabalita naman ang pag-unfollow nila sa isa't isa sa Instagram.
Read: Ryan Bang, Paola Huyong unfollow each other on Instagram
Sa ngayon, parehong walang direktang pahayag sina Ryan at Paola kung bakit nauwi sa breakup ang kanilang relasyon.
