Hiningan ng reaksiyon si Robin Padilla, 56, tungkol kay Aljur Abrenica, ang estranged husband ng anak niyang si Kylie Padilla, 32.
Ang current partner ni Aljur, 35, ay ang dating sexy actress na si AJ Raval, 25.
Kamakailan ay isinapubliko ni AJ na mayroon na silang tatlong anak ni Aljur. Inamin din ni AJ na may dalawa pa siyang anak sa dating karelasyon.
Read: AJ Raval, umaming lima na ang anak; tatlo kay Aljur Abrenica
Bilang ama ni Kylie, ano ang masasabi ni Robin sa pagkakaroon ni Aljur ng ibang pamilya?
Nabanggit kasi ng press kay Robin na technically ay hindi pa annulled ang kasal nina Kylie at Aljur.
"Dapat bang may reaction ako roon? Dapat si Kylie!” natawang sagot ni Robin.
"Wala naman akong masasabi kundi good luck. Good luck sa lahat. Ang maganda, maayos sila. Hindi sila nag-aaway."
Ang tinutukoy ni Robin ay ang maayos na co-parenting status nina Aljur at Kylie.
"Ang alam ko, lumalabas silang pamilya," dagdag ni Robin.
Tinanong din si Robin kung alam ba niyang may tatlong anak si Aljur kay AJ bago pa ang rebelasyon ng sexy actress.
Sagot ni Robin, "Ay, wala akong alam sa ganyan.
"Pero hindi na rin naman ako nabibigla. Hindi na kabigla-bigla yan sa panahon ngayon.”
Kung may gusto siyang sabihin kay Aljur ngayon, ano ito?
“Good luck nga,” ulit ni Robin.
Payo niya, “Magsipag ka lalo dahil marami ka nang anak.”
Read: Kylie Padilla, matagal nang alam ang rebelasyon ni AJ Raval
ROBIN PADILLA ON DAUGHTER KYLIE
Pagdating kay Kylie, ipinahiwatig ni Robin na hindi siya nakikialam sa personal na buhay ng anak.
Kaswal na saad ng aktor: "Matanda na kasi si Kylie. At lumaking independent naman ang batang iyon. Magaling na ina. Masipag.
"Hindi ko na siya masyadong inaalala pa sa mga ganyang usapin."
Pero may iniwang paalala si Robin para sa anak.
"Mahal na mahal kita. Lalo kang maging mas masipag dahil pahirap nang pahirap ang buhay ngayon.
"Pero, ingatan mo naman ang sarili mo. Dahil nag-aalala ako kapag pumapayat ka."
Ipinaalala ng awtor na ito kay Robin na sa mga artista, lalo na sa artistang babae, talagang ang pagiging payat o sexy ang bentahe.
"E, hindi ako sanay na makitang payat ang batang yon," paliwanag ni Robin.
"Kasi, kasabay ko yon nagma-martial arts noong araw. Nalulungkot ako kapag nasisilip ko.
"Kasi, isa lang naman ang bahay namin. Pintuan lang. Nakikita ko siya. Kapag binuksan niya ang bintana, kita ko na siya.”
Si Kylie ang isa sa sexiest actresses ngayon.
Natawang sabi naman ni Robin, "Hindi ko siya kilalang sexy. Macho siya na nakilala ko, e."
Read: Kim Chiu sues sister Lakam for qualified theft
ON WIFE MARIEL RODRIGUEZ
Sa kabilang banda, nagbigay rin ng update si Robin tungkol sa misis na si Mariel Rodriguez.
Inalok daw si Mariel na maging bahagi ng noontime show, pero tumanggi ito dahil prayoridad nito ang pag-aalaga sa dalawa nilang anak.
Kung sakaling siya ang tatanungin, papayagan niya ba si Mariel?
"Papayag siguro, pero parang hindi niya kakayanin," sagot ni Robin.
"Kasi, kung everyday show daw yon, paano niya kakayanin?
"Gigising siya ng 5:30 A.M. Paliliguan niya ang mga anak niya, pakakainin niya, ihahatid niya sa eskuwela.
"Uuwi siya sa bahay, ako naman ang aasikasuhin niya. Tapos, aalis siya ulit ng 2:30 P.M., susunduin niya.
"Tapos, magla-live-selling siya. Paano gagawin niya?"
Samakatuwid, walang oras si Mariel para tumanggap ng ibang trabaho sa ngayon.
Hindi naman nasabi ni Robin kung anong noontime show iyon, basta tumanggi ito nang tanungin kung programa ba ito ni Willie Revillame.
Read: WHAT PEP KNOWS: Did Ryan Bang and Paola Huyong reconcile?
ROBIN PADILLA SIGNS UP WITH VIVA FILMS
Samantala, nakatakdang magbalik-pelikula si Robin.
Nakapanayam siya ng ilang miyembro ng entertainment press, kabilang ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), nang pumirma siya ng kontrata sa Viva Films.
Bida siya sa Bad Boy 3, na produced ng Viva at RCP International Productions, ang film outfit na pag-aari ni Robin.
"Nahihiya na rin ako kay Boss Vic. Kasi, matagal na ito," tukoy ni Robin kay Vic del Rosario, chairman at CEO ng Viva.
Puwede ba niyang gawing leading lady si Mariel sa isa sa mga pelikulang gagawin niya sa Viva?
Pabirong hirit ni Robin, "May bantay kaagad, ikaw naman."
Na-miss daw ni Robin ang showbiz.
"Na-miss ko itong dami ng camera na ito. Lagi naman may ganito sa Senate, pero iba, iba yon.
"Ito ang gusto ko, entertainment. Kaligayahan ng tao," sabi ng actor-politician.
Sa pagitan ng showbiz o pulitika, ano ang mas pipiliin niya?
"Showbiz, showbiz,” mabilis na sagot ni Robin.
"Kasi nga, masaya. Ang gusto ng tao, masayang balita, good vibes.
"Yung gulo sa showbiz, tayo ang gumagawa. Sinasadya natin para pag-usapan.
"Sa pulitika, maraming artista, e."
Ano naman ang sikreto para magtagal sa showbiz?
"Siguro, una, dapat merong kang Viva Films. Dapat may production ka na matibay. Yun ang magbibigay sa iyo ng staying power.
"Pangalawa, kailangan meron kang pelikula na maghi-hit talaga. Kasi, kapag nag-hit talaga ang pelikula mo, kahit gumawa ka ng 2, 3, 4, 5 or umabot ng 10 yan, meron na yang crowd.
"At panghuli, dapat alagaan mo ang sarili mo. Nakikita sa iyo yun.
"Artista ka, e. Yung mukha mo, katawan mo, talagang pang-malaking screen talaga."
Read: Who is Dr. Reginald Santos, rumored fiance of Carla Abellana?
ON BEING TAGGED AS "BAD BOY OF PHILIPPINE SHOWBIZ"
Ibinahagi rin ni Robin ang kuwento kung paano siya tinawag na "Bad Boy of Philippine showbiz."
Para kay Robin, siya ang maglilipat ng titulo sa kung sinumang magmamana nito.
Saad niya: "Gusto ko kasi, ako yung maglilipat nun. Hindi yong gagawin ng iba.
"Kasi, noong panahon na nabubuhay pa si Kuya Ace Vergel, may ganun din kaming eksena na nangyari. Hindi nga lang pelikula, totoong buhay.
"Kasi, hindi ko makakalimutan yon, hindi naman kasi ako talaga yung Bad Boy.
"Ang nangyari diyan, parang nagkaroon sila ng problema ni Boss Vic, ako yung nilagay na kapalit."
Literal na nagkrus daw ang landas nila ni Ace noong panahong iyon.
"Parating ako ng Viva noon, e, sa Scout Albano pa. Kasi may gate, pagbukas, nakita ko agad si Alas, nakatayo dun, inaabangan ako.
"Sabi ko, 'Uupakan yata ako nito, ah.' Paglapit ko, humarang talaga siya. 'Ikaw ba yong Robin Padilla?' 'Opo.' 'Pinsan mo si Daboy?' 'Opo.'
"Tapos sabi niya, 'Buti na lang pinsan mo si Daboy. O sige, ikaw na yung Bad Boy.'"
Ang tinutukoy na "Daboy" ay ang namayapang action star na si Rudy Fernandez.
Pagpapatuloy ni Robin: "Ganun din, gusto ko na dumating din yung panahon na kung sino man yung magiging Bad Boy, may ganun din kaming eksena, ipapasa ko.
"Kasi, pasa-pasa naman yan. Ang una kasing Bad Boy, si Jose Padilla Jr.
"Tapos, pinasa niya kay Joseph Estrada. Si Joseph Estrada kay Ace Vergel. Tapos ako."
Kung mayroon man siyang pagpapasahan ng titulo, ito raw ay ang pamangkin niyang si Daniel Padilla.
Dati pa sinasabi ni Robin na gusto niyang ipasa ang titulong "Bad Boy" kay Daniel.
Ayaw ba ni Daniel?
Sagot ni Robin, "Noong mga panahon na yon, in love pa siya, e. Pag-ibig pa yung ano niya.
"E, gumawa siya ng Incognito na. So, siguro may chance na ngayon."
Ang natural na angas daw ni Daniel ang nakikita ni Robin na katangian ng pamangkin kaya raw puwede itong maging Bad Boy.
Read: ER Ejercito, pinalitan na bilang mayor ng Pagsanjan, Laguna
