Sinuspinde ang lisensiya ng isang drayber matapos nitong saktan ang isang lalaking nagtutulak ng kariton na kasama pa ang kanyang babaeng anak na paslit.
Inilabas ng Land Transportation Office (LTO) ang desisyon nito sa pamamagitan ng Facebook post ngayong Lunes, December 15, 2025.
Read: Woman who saved fur babies first during the fire recounts ordeal
THE VIRAL VIDEO
Sa nag-viral na video na higit isang minuto, makikitang kinukumpronta ng drayber ng puting Toyata Hilux ang lalaking nagtutulak ng kariton.
Lumalabas na nasagi ng kariton ang sasakyan ng drayber.
Ang video ay kuha ng uploader na si Mary Grace.
Nagkuwento ang uploader sa caption.
Nagtangkang awatin ng asawa ang driver.
Pero hindi nagpapigil ang drayber na nagsisigaw pa.
Dinig ang pag-iyak ng batang paslit na anak ng magkakariton.
Binatukan nang malakas ang magkakariton at minura pa ulit ng driver.
Lalong umiyak ang paslit dahil nakitang sinaktan ang ama nito.
Sinabihan ng uploader ang drayber na huwag itong manakit.
Sinabihan rin ng isang lalaking umaawat ang uploader na kuhaan ng video ang plate number ng sasakyan ng driver, na sa mga oras na iyon ay nagmamadaling sumakay at umalis.
Sinubukan pa ng magkakariton na harangin ang sasakyan ng drayber subalit pinigilan na ito ng nagvi-video.
Pinauwi na ang mag-ama at maririnig ang lalaking umawat na diumano'y nagbantang babarilin ng drayber ang magkakariton.

LTO REACTS
Agad naglabas ng pahayag ang LTO tungkol sa asal ng drayber.
“Mariing kinondena ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ang pananakit ng drayber sa isang ama na may kasamang anak na batang babae na nagtutulak ng kariton na nakasagi sa menamaneho nitong puting Toyota Hilux,” bungad ng Facebook post ng LTO.
“Makikita sa viral video na kumalat sa social media, ang ginawang paghampas ng drayber ng sasakyan, sa ulo ng magkakariton sa harap mismo ng kaniyang anak na menor de edad na pumapalahaw sa pag-iyak dahil sa matinding takot.”
Isang Show Cause Order ang inisyu sa drayber at 90-day preventive suspension sa kanyang driver’s license.
Pahayag pa ng LTO chief: "Hindi kukunsintihin ng ahensya ang ganitong asal sa lansangan. Kung totoo man ang mga paratang ayon video, dapat managot ang driver. Tinitiyak natin sa publiko na bibigyan natin ng hustisya ang insidenteng ito."
Read: Meet Boy Buhat, Divisoria porter turned on-the-spot reporter
NETIZENS REACT
Mabilis na nag-viral ang video at ikinatuwa nila ang mabilis na aksiyon ng LTO.
Maging ang netizens ay galit sa drayber.
Hangad nilang tuluyan nang tanggalan ito ng lisensiya.
Marami rin sa mga netizens ang nahabag sa nasaksihan ng bata, na anila ay traumatic para sa kanya na makitang saktan ang ama nito.
Sabi ng mga ito, mas mabigat na parusa pa ang dapat ipataw sa drayber dahil sa trauma na idinulot nito sa bata.
Narito ang reaksiyon ng ilan sa netizens.



