Malapit nang mapanood sa telebisyon ang panganay na anak ni Robin Padilla na si Queenie dahil kasama siya sa upcoming primetime series ng GMA-7, ang Totoy Bato na pagbibidahan ng kanyang ama. Gagampanan niya rito ang isang babaeng nangangarap maging boksingero. Naalala tuloy ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Leila Ali sa kanya na sinang-ayunan nito.
"I'm so, so excited and nervous!" bulalas niya tungkol sa kanyang first TV role. "Sa November daw ang start ng taping at magpapapayat talaga ako after Ramadan. Regular ang practice ko, pero basic lang at kailangang itodo dahil sa TV you gain extra pounds. Gusto ko ring mag-showbiz dahil naiinggit ako kay Kylie. Mas matanda ako sa kanya, pero siya may bank account at may sariling money na."
Nagre-review si Queenie sa Great Way as a preparation sa pagkuha niya ng PEP Test para makapag-enroll sa college. Gusto niyang kumuha ng Journalism sa Ateneo de Manila University. Nang ipaalala ng PEP kay Queenie na Catholic university ang Ateneo, okey lang daw sabi ni Queenie na isang Muslim. Ang gusto ni Robin sa mga anak ay sa Harvard mag-aral.
Mas close si Queenie sa youngest nilang si Allih; si Kylie naman ay kay Zhenzhen mas close. Inilarawan ni Queenie si Zhenzhen. Aniya, "Siya ang fashionista sa amin. Color-coded lagi ang damit parang si Mommy Eva [their grandmom]. Pati headband nun, kakulay dapat ng damit at sapatos.
Paano naman niya ide-describe ang sarili and how is she different from Kylie?
"I love food!" bulalas ni Queenie. "Paksiw, kare-kare, seafood, at bagoong kahit allergic ako. Umiinom na lang ako ng gamot after kong kumain. Nag-try na rin ako ng balut, ang sarap! I love to cook at specialty ko ay honey chicken.
"I'm emotional, very sensitive, loving, caring, and very compassionate. May nakita akong batang payat at nagtitinda ng sampaguita. Naawa ako, binigyan ko siya ng Oreo. Naiyak ako nang mag-smile siya sa ibinigay kong biscuit," kuwento niya.
"What else? I love U2 at gusto ko ang songs nilang ‘One Love'and ‘Without You.'I love Coldplay, Ashlee Simpson, Hillary Duff, and Avril Lavigne. Sa local, gusto ko ang Zelle at Hale. I love to dance, writing stories and photography. Nag-direct na rin ako ng short film noong bata pa ako."
What is the song of your life?
"Ay, ang gandang question niyan! I like ‘True Colors'of Cyndi Lauper dahil nakaka-relate ako. Minsan, na-dedicate ng mom ko sa akin ang song na ‘yan at na-touch ako't niyakap ko siya.
"Ang difference namin ni Kylie," patuloy ni Queenie, "tahimik yun, ako laging tawa nang tawa. Madali akong makipagkaibigan; si Kylie, ina-analize muna ang taong lumalapit sa kanya. She's also taller than me, she's 5'6" and I'm 5'5" lang yata. Very girly siya, ako rocker. She likes pink, ako ang favorite color ay black and red "
Ipinakanta ng PEP kay Queenie ang "True Colors"at tunog rakista nga ang boses nito; buo at malakas, pero maganda at may timbre. Malaki pa ang igaganda ng boses nito ‘pag nahasa nang husto.
Being the eldest, kay Queenie itinanong ng PEP how is Robin as a father.
"Hindi strict si Papa. He's very caring and very understanding. He's very religious at lahat ng maganda sa ama, nasa kanya. Ideal dad siya sa amin at kahit pagod na, ‘pag nagyaya kaming lumabas at manood ng sine, labas pa rin kami. The last movie we watched together was Zohan at tawa kami nang tawa!" kuwento niya.
Kung sina Queenie at Kylie lang ang masusunod, gusto nila na sa Pilipinas na lang sila manirahan at pupunta na lang sila sa Australia para magbakasyon. Pero sina Robin at Liezel pa rin ang magdedesisyon kung ano ang mas mabuti para sa kanila. Gusto na nila rito't marami na silang kaibigan at narito ang kanilang mga pinsan at ibang kamag-anak.
Sabi ni Queenie, "Ang hirap nung first five months namin dito, ang hirap mag-adjust. Paglabas namin, nakatingin ang ibang tao at naririnig naming sinasabing mga anak ni Robin. Si Kylie nga, ang feeling ‘pag lalabas kami, dapat nakamaskara kami para hindi kami pinagtitinginan ng tao. Pero ngayon, sanay na kami at talagang mas masaya kami rito."