Naging usapan ang pagsasayaw ni Mark Herras sa isang gay bar, ang Apollo male entertainment bar sa Baclaran, noong January 2025.
Parehong Ultimate Male Survivors ng Kapuso artista search na StarStruck sina Mark at Mike mula Season 1 at Season 2, respectively.
Malapit ding magkaibigan ang dalawa.
"Matagal na niyang ginagawa yun," bulalas ni Mike patungkol sa pagsasayaw ni Mark sa gay bar.
“I mean, bilang performer, si Mark Herras nagtatrabaho siya para sa pamilya niya.
“Nagsasayaw talaga yun, as a hip-hop dancer.
"So, alam ko sa mga gay bar meron gine-guest talaga na mga hip-hop dancers. Nagkataon na siya yun."
Read: Mark Herras, magkano ang TF sa muling pagkaldag sa gay bar?
Sa pagkakaalam daw ni Mike ay "hip-hop" ang dance performance ni Mark sa gay bar.
Paliwanag pa ni Mike: "E, andun lang naman siya para magtrabaho, hindi naman siya andun para maging macho dancer, e.
"Entertainer si Mark Herras. First and foremost, si Mark Herras bukod sa pagiging artista ay dancer.
“At iyon yung way niya para mag-provide sa pamilya niya.
"May ginawa ba siyang imoral? Wala naman."
Sa ulat ng PEP Troika noong January 2025, nailathala ang poster sa isang gay bar kunsaan sentro ang ilang mga kalalakihang naka-topless para sa isang contest.
May litrato rin si Mark sa lower right ng poster at nakasaad na siya ang "very special guest" at tinagurian nilang "Bad Boy of the Dance Floor & Viral Superstar."
Nakasuot ng shirt si Mark sa poster.

May isa pang ulat ang PEP Troika noon ding January 2025 na naglalaman ng screenshots ng pagsasayaw ni Mark na "ala-Magic Mike."
Makikita roon na sinayawan niya ang isang babaeng nakaupo sa stage.
Pero nakasaad din sa ulat na bagamat nagtanggal ng sweater si Mark, nakasuot naman siya ng sleeveless white shirt at hindi niya raw tinanggal iyon.
Read: Mark Herras, nag-show sa isang male entertainment bar
Balik sa panayam kay Mike, sinabi niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na sa kaso niya ay hindi pa raw siya nakatanggap ng offer na magsayaw sa isang gay bar.
Kung sakaling may mag-alok sa kanyang kumanta sa gay bar, tatanggapin ba niya?
"Kakanta sa gay bar? Hindi ko alam kung paano sila ie-entertain, to be honest with you!” natawang reaksiyon ni Mike.
"Hindi ko rin alam kung magagandahan sila sa boses ko.
"Siguro habang kumakanta ako ng sabihin nating parang mga tipong Michael Bublé, baka gigilingan ko na lang para ma-entertain," natawang dagdag ni Mike.
Ayon pa kay Mike, nakikita pa rin niya si Mark kahit wala na ang huli sa bakuran ng GMA-7.
"Magkasama kami last time sa malayo, e, para sa basketball," aniya.
Madalas may ginaganap na basketball games sa mga probinsya kunsaan celebrities na tulad nina Mike at Mark ang naiimbitahan para maglaro.
Biro pa ni Mike, “Pagkatapos kong maglaro hindi ako makalakad, masakit ang dalawang tuhod ko, e!”
Read: Filipino groups eligible for South Korea visa-fee waive
MIKE TAN ON HOUSE OF LIEs
Nakausap ng PEP si Mike sa grand mediacon ng House Of Lies noong Lunes, January 12, 2026, sa Studio 6 ng GMA Annex Building.
Ito ay upcoming afternoon drama series na dinirek ni Jerry Lopez Sineneng.
Nasa serye rin sina Kris Bernal, Beauty Gonzalez, Martin del Rosario, Snooky Serna, Jackie Lou Blanco, Lito Pimentel, at Kokoy de Santos.
Magsisimula itong mapanood sa GMA Afternoon Prime sa January 19, 2026, 3:20 P.M.
Gaganap si Mike bilang Paolo, na aniya'y pinaka-mentally challenging role na ginampanan niya.
"Sobrang daming layers nitong character na ‘to. Parang may time na gusto kong mag-relax dun sa pag-arte, pero bigla akong sasabihan ng acting coach namin o ni Direk na, 'O, siyempre kapag ginagawa mo ito, dapat iisipin mo pa rin yung lie.'
"So, nagugulo talaga yung utak ko every time na umaarte ako, kasi kailangan ko pa ring isipin yung kasalanan, yung kasinungalingan na nagawa mo kahit pa masaya ka dito.
"So, iyon yung mentally exhausting kapag ginagawa mo siya."
Challenge daw sa kanya kung paano iyon i-execute sa pag-arte.
"And, of course, emotionally kailangan mo ring timplahin.
"Ako bilang actor, very vulnerable ako, e. Pero dun sa character ko, vulnerable ako pero bawal akong umiyak.
"So, kailangan mo siyang kontrolin, na kapag paiyak ka na kailangan mong kontrolin. Iyon yung pinakamahirap.”
MIKE TAN'S ACTING PEG
Isa sa pinanood daw ni Mike para gawing peg ng character niya ay ang Ironman ni Robert Downey, Jr.
"Yung pagiging playboy, pagiging mayaman, yung pagiging relaxed dun sa mga unang script namin, doon ko siya kinuha."
Bago ang House Of Lies ay napanood si Mike sa Widows’ War bilang semi-regular cast member.
In between daw kapag wala siyang show ay abala siyang maging tatay.
Dalawa ang anak ni Mike, si Victoria, 7, at si Empress Priscilla, 6.
