Isa na namang foreign vlogger ang inaresto ng mga awtoridad kasunod ng reklamong harassment at inappropriate behavior para lamang sa content ng kanyang YouTube channel.
Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang Estonian vlogger na si Siim Roosipuu, 34, sa Dumaguete City, Negros Oriental, noong January 15, 2026.
Idinetalye ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang mga paglabag na ginawa ni Roosipuu.
Kabilang dito ang “complaints of harassment, unauthorized filming, offensive remarks, and online content that demeaned Filipinos,” bahagi ng report sa website ng BI.
Sa ilang nag-viral na video content sa social media, maririnig si Roosipuu na tinawag niyang mukhang unggoy ang mga nakikitang Pilipino na nakatingin sa kanya.
Makikita rin siyang hinikayat ang mga batang lalaki na humithit sa kanyang vape.
Mismong ang lungsod ng Dumaguete ang naglabas ng resolution na iniendorso sa national agencies para maisagawa ang pag-aresto sa vlogger.
Tinukoy ang pangha-harass ni Roosipuu sa mga Pilipino kabilang ang mga menor de edad.
Makikita rin sa kanyang channel ang videos kung saan sinusundan niya at tinatanong ng “inappropriate questions” ang babaeng minors.
Kung pagbabasehan ang kanyang videos, may asawang Pilipina si Roosipuu at mayroon silang anak. Isinasali rin niya minsan sa kanyang video content ang mag-ina niya.
Matapos maaresto, humingi ng paumanhin si Roosipuu sa mga naging asal niya.
THE FATE OF THE ESTONIAN VLOGGER
Ang ibang netizens, tinawag ang Estonian vlogger bilang “Vitaly Jr.”
Ang Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy ay inaresto noong April 2025 dahil sa pangha-harass at pambabastos sa mga Pilipino para rin sa kanyang content.
Matapos ang ilang buwang pagkakakulong, ipina-deport na si Vitaly sa Russia nito lamang Sabado, January 17.
Read: Russian vlogger arrested, detained for disruptive behavior in BGC
“This is another Vitaly case — different person, same behavior,” pahayag ni Immigration Commisioner Viado.
“A foreign vlogger comes here, disrespects Filipinos, violates our laws, and thinks he can hide behind a camera and a social media following. That ends here."
Nagpahayag din ng babala ang opisyal sa posibleng sapitin ni Roosipuu at sino pang banyagang content creator na gagayahin ang kanyang inasal.
“The Philippines is not a content playground,” ani Viado.
“We welcome tourists and legitimate creators, but anyone who exploits our people for views, clicks, or profit will face arrest, deportation, and blacklisting,” he stated.
Sinabi rin nitong serious violations ang harassment, panggugulo sa mga pampublikong lugar, at pambabastos na gagawin sa ngalan ng vlogging.
Idineklara nang persona non grata sa Dumaguete City si Roosipuu.
