Matapos ihatid ang latest news ukol kay Filipino tennis star Alex Eala, nagsalita ang 24 Oras anchor na si Mel Tiangco para pasinungalingan ang akusasyong ininsulto niya umano si Alex.
Nitong Biyernes, January 23, 2026, si Mel ang bumungad para sa balitang dumating na sa bansa si Alex para sa pagsisimula ng WTA Philippine Women’s Open sa Lunes, January 26, 2026.
Matapos ilatag ang balitang ito ng GMA news reporter na si JP Soriano, bumungad muli si Mel at nagbigay ng kanyang pahayag ukol sa alegasyong binatikos niya ang 20-anyos na Filipina international tennis player.
Simula ng 70-anyos na anchor: “Naku, e, baka po sakaling nakita niyo yung mga pekeng post na ininsulto ko raw si Philippine tennis star Alex Eala. Naku, tahasan ko pong sasabihin, fake po ang mga post na iyan.”
Read: Meet Alex Eala: Pinay tennis player and history-maker at 2025 Miami Open
FAKE POSTS
Sa paghahanap ng PEP, nakitang mayroong Facebook accounts na nag-post na pinagsalitaan daw ng masasama ng veteran TV anchor ang rising international tennis star.
Diumano, may pahayag si Mel na kinonkontra si Alex sa pahayag ng huli na ang karangalang nakakamit niya ay para sa Pilipinas.
Sinabi pa umano ni Mel na "despicable" at “selfish person” si Alex.
Nanganak pa ang kuwento dahil sinagot umano ni Alex si Mel. Idinawit pa sa kuwento ang isang tanyag na foreign tennis star.
Pagpapatuloy ni Mel sa kanyang pahayag: “Sabi pa sa mga pekeng post sumagot pa raw si Eala gamit ang mga maaanghang na salita.
“Uulitin ko po fake news po iyan,” paglilinaw ni Mel.
Ganito tinapos ni Mel ang kanyang pahayag: “Wala po akong sinabing anumang negatibo laban kay Alex. Hindi ko rin siya ininsulto kailanman. Bagkus, ipinagbubunyi ko siya at ipinagdarasal pa. Salamat po.”

