Nalagay sa alanganin ang buhay ng senior news reporter ng GMA Integrated News na si Bam Alegre nang mahulog siya sa gilid ng barko at lumubog sa dagat sa gitna ng kanyang coverage.
Si Bam ang naatasang mag-ulat tungkol sa pagkakaligtas ng Chinese Coast Guard sa Pinoy sailors sa West Philippine Sea.
Lumubog ang cargo vessel na kinalulunan ng 17 Filipino sailors—kung saan 15 ang nailigtas at dalawa ang namatay—sa bandang Scarborough Shoal noong nakaraang linggo.
Kabilang si Bam sa miyembro ng media na pumunta sa Port Area, Manila, Lunes ng madaling-araw, January 26, 2026, upang iulat ang pagdating ng Filipino crew ng M/V Devon Bay na lulan ng BRP Teresa Magbanua.
Read: Award-winning actor Raoul Aragon dies at 78
BAM ALEGRE RECALLS ORDEAL
Sa pamamagitan ng Facebook, ibinahagi ni Bam ang karanasan niyang muntik nang ikasawi ng kanyang buhay.
Lahad niya: "10 feet. 18 feet. Hindi ko alam paano sukatin.
"Basta nang mahulog ako sa gilid ng barko, tila isang segundo akong nakalutang sa ere bago bumulusok sa dagat.
"Madaling araw. Madilim. Aksidente sa pier.
"Habang nakalubog, hindi ko makapa ang ilalim. Malalim. Hindi pa ako handa na mag-flashback ang buong buhay ko. May ilang segundo pa ako para mag-isip:
"'Kung hindi ko kaya lumutang, baka hindi nila ako makita agad. Lulutang na lang ako mamaya bilang bangkay.'
"Tinandaan ko ang training. Lutang = langoy aso. Muscle memory. Padyak. Padyak. Gumana! Nakakapit. Nakaligtas.
"Nang muli akong makahinga, sabi ko pa: Help! Help!
"Nakakatawa na lang ngayon habang sinusulat ko ito: English ang paghingi ng tulong. Pero seryoso, nagpapasalamat sa mga tumulong.
"Sa taas ng tumba, kung may tumama sa ulo ko, o kaya nawalan ako ng malay, wala na ako.
"Pero may himala. May wake-up call din. Hindi pa oras.
"Dapat bigyang saysay ang panibagong buhay."
Kalakip ng kanyang salaysay ay ilang larawang kuha nang dalhin siya sa ospital.
Read: Mel Tiangco speaks up about her alleged insult of Alex Eala
BAM ALEGRE STILL WANTED TO GO LIVE IN UNANG HIRIT
Ngayong Martes ng madaling-araw, January 27, muling nag-post si Bam sa Facebook upang magpasalamat sa mga nag-alala at nagdasal para sa kanya.
Aniya: "Nagising ako ngayong alas-kwatro ng madaling araw. Parehong oras mula mangyari ito kahapon.
"Salamat nang marami sa lahat ng nagpaabot ng pag-alala at mga panalangin."
Ibinahagi rin ng Kapuso reporter na gusto pa raw sana niyang mag-live sa Unang Hirit upang iulat ang pagdating ng mga na-rescue sa West Philippine Sea.
Pero inuna raw ng GMA News na ipatingin siya sa ospital.
"Nang maiahon ako, sabi ko sa opisina, kaya ko pang mag-LIVE sa Unang Hirit at ibalita ang mga na-rescue sa West Philippine Sea na dadalhin sa Maynila. Pero inuna ng GMA News na matignan ako sa ospital," lahad niya.
Dahil na rin sa adrenaline, hindi raw napansin ni Bam na duguan pa ang kanyang mga kamay.
Ngunit ngayon daw ay nalinis na ang kanyang mga sugat. Nakaligo na rin siya at nakauwi.
"Duguan na rin ang mga kamay ko. Hindi ko napansin. Adrenaline.
"Nalinis na ang mga sugat ngayon. Nakaligo na rin para maialis ang mala-burak na tubig mula sa gilid ng barko. Nakauwi na. Unang araw."
Sambit pa ni Bam: "Makapangyarihan ang Panginoon."
Kalakip ng kanyang mensahe ang isang larawang kuha nang mailigtas siya sa dagat.
Read: Cha Eun Woo apologizes for disappointing fans with his tax evasion issue
