Inalala ni Willie Revillame na itinayo ang Wil Tower property sa Quezon City noong kasagsagan ng kasikatan ng noontime show niyang Wowowee.
Ang Wil Tower high-rise condo building at commercial complex ay matatagpuan halos tapat ng audience entrance ng ABS-CBN compound sa Eugenio Lopez Drive.
Sa presscon ng Wilyonaryo noong January 20, 2026, ikinuwento ni Willie na ang lupang kinatitirikan ng Wil Tower ay dating tatlong loteng magkakadikit na iba-iba ang may-ari.
Bago nagkaroon ng Wil Tower, isa sa tatlong may-ari noon ay si Freddie M. Garcia (FMG), presidente ng ABS-CBN mula 1997 to 2003. Ang dalawa pang lote ay pag-aari ng dalawang private individuals.
Balik-tanaw ni Willie: "Yung tatlong lupa na yun, bakit ko binili isa-isa? Dinemanda kami nun, e. Pinapahinto yung Wowowee sa ABS-CBN.
"Why? Kasi sobrang dami ng taong nakapila. Doon nagka-camp, doon tumitira. Doon na lahat.
"So, lagi kaming binabarangay."
Si Willie raw ang nakaisip na bilhin ang mga property sa tapat ng audience entrance ng ABS-CBN para kahit marami ang taong nakapila para sa Wowowee ay hindi mairereklamo ang dati niyang home network.
Noong panahong iyon ay libu-libo raw kasi ang pumipilang aspiring contestants na gustong maglaro sa sikat na segment na "Pera o Bayong."
"So, ang ginawa ko, nakipag-usap ako sa mga may-ari. And then, it's a good thing naman yung time na yon, e, ready na silang magbenta," ani Willie.
Mabilis daw napapayag si FMG pati ang isa pang property owner.
Pero nagkaproblema si Willie sa ikatlong property owner dahil bandang huli ay ayaw na raw nitong magbenta.
Tiyempong na-meet ni Willie ang anak ng owner na 34-anyos at mayroon daw special needs.
"Inakap ako. Nung pagyakap sa akin, binigyan ko ng jacket. Dinala ko sa ABS, nanood ng show.
"Kinabukasan, tinawagan ako nung asawa [nung may-ari]. 'Gusto mo ba itong lugar na ito?' And then right there and then, binenta sa akin.
"Because yung anak nilang [may] special [needs], parang sumaya raw at napasaya ko. So, kaya nabili yung tatlong lupa na yun."
Ayon kay Willie, si dating Senator Manny Villar ang bumili ng mga lote at nagpatayo ng commercial complex na ipinangalan sa kanya.
Inendorso kasi ni Willie si Villar noong 2010 elections, kunsaan ang nanalo ay si late former President Benigno "Noynoy" Aquino III.
"At yun lang ang naging deal naman namin ni Senator Villar during the time na tumatakbo siyang presidente.
"Sabi ko, 'Huwag niyo ho akong bayaran. Patayuan niyo lang ako ng maliit na parang studio ng Wowowee.' Parang maliit na Araneta Coliseum. Kaya binili ko yun. Yun ang konsepto talaga noon.
"And then after that, hindi naman siya pinalad maging presidente, pero ipinagkaloob niya sa akin yung Wil Tower. Kaya nagkaroon ako ng Wil Tower because of the Villars."
Umere ang Wowowee sa ABS-CBN mula 2005-2010.
Taong 2013 nang unang buksan sa publiko ang Wil Tower. Noong panahong iyon ay nasa GMA-7 na si Willie at ang show niyang Wowowin.
Sinasabing ibinenta ni Willie ang Wil Tower Mall kay Villar noong 2015.
Noong 2019, nailathala na ang natitirang pag-aari ni Willie sa Wil Tower ay ang penthouse, 39th floor na nagsilbing office niya, at ang events place sa building.
Related stories:
- Willie Revillame confirmed to leave GMA-7
- Willie Revillame turns penthouse of Wil Tower into an events place
- Richest Pinoy Manny Villar takes over ABS-CBN channels: A Timeline
- Willie Revillame reaches agreement to terminate contract with AMBS
WILLIE REVILLAME ON TRANSFERRING FROM GMA-7 TO ALLTV
Samantala, ikinuwento rin ni Willie na ang utang na loob niya kay Manny Villar ang dahilan kung bakit umalis siya ng GMA-7 noong February 2022.
"In fact, to be honest with you, para malaman niyo lang ho, meron akong existing contract with GMA [noon]."
Ang tinutukoy niya ay ang contract renewal sana niya noon sa GMA-7.
Balik-tanaw ng beteranong TV host: "Hindi ko siya pinipirmahan for three months. Why? Kasi nagpaalam ako nang maayos sa kanila. Naluha ako sa sobrang bait sa akin ng GMA.
"Kasi gusto kong tulungan yung AllTV na si Senator Villar."
Ayon kay Willie, malaki ang kita niya noon sa GMA-7.
"In fact, nagpa-increase pa ako ng kinikita ko sa kanila. So, ang bayad sa akin doon daily.
"Hindi ko na sabihin kung magkano, pero siguro, sobrang blessed ko sa ibinigay sa akin ng GMA."
Halos pitong taon nang umeere sa GMA-7 ang variety show ni Willie na Wowowin, bago siya lumipat ng AllTV.
Enero 2022 nang ipagkaloob ng National Telecommunications Commission (NTC) sa Advanced Media Broadcasting System, Inc. (ABMS) ang pansamantalang kontrol sa dalawang channels na dating ginagamit ng ABS-CBN: ang Channel 2 at Channel 16.
Kalaunan, tinawag na AllTV ang AMBS.
Read: Willie Revillame explains why Wilyonaryo will not air on TV5
WILLIE REVILLAME ON SHORT STINT ON ALLTV
July 2022 nang unang umere ang Wowowin sa AllTV.
Kuwento pa ni Willie: "Kasi para malaman niyo lang, kami [ni Villar] yung unang nag-usap diyan sa AllTV.
"And yung time na yun, dahil nagkaroon ako ng Wil Tower, parang ito yung pagbabalik-bigay ko ng pasasalamat sa kanya.
"So, binigyan ko si Senator Villar ng mga tao na magagaling. Nandoon pa hanggang ngayon sa kanya, na talagang magagaling naman, napapakinabangan ng AllTV."
Pero wala pang isang taon ang nakalipas, noong April 2023, inere ang huling broadcast ng Wowowin sa AllTV.
Nagpa-release si Willie sa kanyang exclusive contract sa All TV habang naka-pause ang mga programa ng network noon dahil inaayos ang reach at signal ng TV station.
Balik-tanaw ni Willie: "So, after that, medyo hindi naging maayos yung takbo ng ratings kasi nga walang transmitter.
"Hindi dahil yun sa programa, e. Mahirap kasi during that time yung AllTV, di ba't ABS-CBN yan, so nawala yung mga transmitters.
"Para alam niyo na lahat bakit... Hindi ako nawala sa AllTV.
"Nawala yung AllTV, naintindihan ko dahil hindi pa talaga... ayaw mag-manage at mag-produce ng mga shows kasi mabigat talaga ang production.
"So, medyo yun ang naging problema nun."
Read: Willie Revillame owns Grand Hyatt penthouses, 3 choppers, yacht
THANKFUL TO ALL TV NETWORKS
Iginiit ni Willie na malaki ang utang ng loob niya sa lahat ng TV networks na naikutan niya kabilang na ang ABS-CBN, GMA-7, AllTV, at TV5.
"Siguro mapapansin niyo, hindi naman ako siguro masamang tao.
"Sa sinasabi niyo, 'Mayabang yan.' Kasi, hindi ako tatanggapin ng mga big stations kung masama akong tao, e.
"Hindi ako pagbibigyan ng ABS-CBN. Hindi ako pagbibigyan ni MVP sa TV5 ng sariling show, primetime.
"Hindi rin ako bibigyan ng GMA—Miss Annette Gozon, Mr. Gilberto Duavit Jr., at Mr. Felipe Gozon—na primetime show. Binigyan pa ako ng sariling studio ng GMA."
Sa ngayon, ang bagong game show ni Willie na Wilyonaryo ay umeere sa WilTV o Channel 10 ng Cignal TV.
Ang Cignal TV ay subsidiary ng MediaQuest Holdings, kunsaan ang chairman ay si Manny V. Pangilinan.
