Pumanaw na ang beteranong action director na si William Mayo.
Kinumpirma ng anak ni Direk William na si Jerome Mayo sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang malungkot na balita.
Ayon kay Jerome, binawian ng buhay si Direk William nitong Martes ng gabi, January 27.
Siya ay 70.
Lahad niya sa PEP ngayong Miyerkules, January 28, 2026: "Kagabi lang siya namatay, around 10 P.M.
"Nagkaroon siya ng problem sa colon, and dahil dun bumagsak ang katawan niya and humina na ang mga organs... organ failure."
Read: Award-winning actor Raoul Aragon dies at 78
Samantala, nagbigay-pugay rin si Jerome sa yumaong ama sa pamamagitan ng Facebook.
Kalakip nito ang larawan ng isang nakasinding kandila na may itim na background.
Maikling caption niya: "End na ng script Daddy, Pack up na. Pahinga kana po. We love you. Direk William Mayo."
Ibuburol ang mga labi ni Direk William sa Loyola Memorial Chapel and Crematorium sa Commonwealth, Quezon City, simula sa January 31 hanggang sa February 2.
Ihahatid naman siya sa kanyang huling hantungan sa Serenity Memorial Garden, Caloocan North, sa February 3.
WILLIAM MAYO: THE ACTION DIRECTOR
Si Direk William ay isinilang noong December 3, 1955.
Nagsimula ang kanyang karera bilang writer at direktor sa TV at pelikula noong dekada '80.
Base sa datos ng IMDB, ang una niyang idinirek na pelikula ay ang action-comedy na Tulume Alyas Zorro, pinagbidahan nina George Javier at Carmi Martin, noong 1983.

Ngunit mas nakilala siya bilang direktor ng action films.
Kabilang sa action stars na naidirek niya sina Jess Lapid Jr. (Diablo Force, 1986); Lito Lapid (Aguinaldo, 1993; Lapu-Lapu, 2002); Rommel Padilla (Col. Billy Bibit RAM, 1994); Patrick dela Rosa (Batas ang Katapat Mo, 1995); at Ian Veneracion (Parehas ang Laban, 2001).


Pero lumalabas na siya ang paboritong direktor ni Jeric Raval sa dami ng ginawa nilang action films.
Kabilang dito ang Bunso: Isinilang Kang Palaban! (1995), Tawagin Mo Ang Lahat ng Santo (1997), Sagot Ko Ang Buhay Mo (2000), Anghel Dela Guardia (2000), Eksperto: Ako Ang Sasagupa! (2001); Pistolero (2002); at Manila's Finest (2015).

Isa sa mga huling pelikulang ginawa ni Direk William ay ang Gangster Lolo (2014) na pinagbidahan ng veteran actors na sina Leo Martinez, Bembol Roco, Pen Medina, at Rez Cortez.

Itinanghal si Direk William bilang Best Director sa 21st FAP Awards noong 2003 para sa pelikulang Lapu-Lapu.
Read: James Jimenez, former Comelec spokesperson, passes away at 52
