Nag-guest kahapon, September 10, sa SiS ang cast ng pelikulang I.T.A.L.Y. (I Trust And Love You), ang co-production venture ng GMA Films at Viva Films. Ang cast dito ay sina Dennis Trillo, Jolina Magdangal, Rufa Mae Quinto, Mark Herras, at Eugene Domingo. Ito ang ikalawang pagkakataon na nag-guest si Eugene sa SiS; ang una ay para sa promotion ng My Monster Mom at itong ikalawa ay para naman sa promo ng I.T.A.L.Y.
Tinanong sila ng hosts ng SiS na sina Janice de Belen, Carmina Villarroel, at Gelli de Belen kung saan sa pinuntahan nilang three continents, five countries, and 13 cities ang hindi nila malilimutan.
Narito ang mga sagot nila:
JOLINA: Sa Venice sa Italy. Matagal ko na talaga itong gustong puntahan dahil tuwing may mapapanood akong mga love story movies, ang ganda-ganda niyang location. Saka doon pala, kapag may ikinakasal, pinapalakpakan nila. Kaya nang naka-wedding gown akong sumakay sa gondola at naglakad sa street ng Venice, pinalakpakan nila ako, akala nila totoong bride ako."
DENNIS: Sa Barcelona in Spain. Napaka-romantic ng lugar, ang gaganda ng mga churches nila doon. Yung mga architectural structures nila, iba talaga, lalo na ‘yong Sagrada Familia church nila.
RUFA MAE: Tunisia in South Africa. Ibang-iba pala ang culture doon, napaka-conservative nila. Kaya nagulat talaga ako nang pagkaguluhan ako doon dahil nang bumaba kami ni Dennis sa Costa Magica para mag-shoot ng ilang scenes, naging unruly sila! Yun palang mga babae doon, balot na balot sila; ako, naka-shorts and shirt lang. Kaya pala ganoon. To the rescue naman sa akin si Dennis at niyakap niya ako!
DENNIS: Niyakap ko siya para ma-secure siya, kasi kahit mga male vendors, lumalapit sa kanya. Kaya hindi rin kami nagtagal, bumalik kami agad sa barko na kami na lang ang hinihintay kasi magse-sail na ulit ito sa next destination.
Isa rin sa napansin nina Dennis at Rufa Mae sa Tunisia, iisa raw ang kulay ng bahay doon—white lahat, at ang gate naman ay blue.
MARK: Sa lahat po ng lugar na pinuntahan namin sa Italy. First time ko lang po doon, wala akong nakitang pangit, lahat maganda—mga tao, lugar—basta lahat maganda talaga!
EUGENE: Sa Milan in Italy. Ang mga tao kasi doon, puwedeng maghalikan ng ganoong-ganoon lang. Napaka-romantic talaga ng lugar.
If ever na makabalik siya sa Milan, sino ang gusto niyang dalhin doon?
"Si Mark!" natatawang wika ni Eugene. "Hindi, biro lang. Basta, yun lang ang napansin ko doon!"
SOUVENIRS FROM THEIR SHOOTING. Nagpabanggit din ang SiS sa cast ng mga souvenirs nila mula sa pagsu-shooting nila ng I.T.A.L.Y.
Si Rufa Mae ay accessories, at binigyan niya pa ang hosts ng SiS. Si Mark daw ay walang nabili masyado dahil ang mamahal daw. Si Dennis, isang mask na binili niya sa Tunisia at naka-decorate daw sa room niya. Si Eugene, ang blazer at tie ng uniform niya bilang isang cabin attendant.
"Very significant sa akin ng uniform na ginamit ko sa movie," paliwanag ni Eugene. "Wala naman kaming dalang uniform at doon na kami binigyan sa barko. Pero kailangang kami ang maghanap ng uniform na gagamitin namin kaya pumunta kami sa ibaba ng barko, nandoon pala lahat ng mga OFWs na nagtatrabaho doon, iba-ibang nationality.
"Doon nagsimula ang bonding namin ni Jolina dahil ang hirap niyang ihanap ng uniform, ang liit kasi ng size niya. Kami lang kasi ni Jolens at si Mark ang nagsuot ng uniform ng mga kabinista, at halos maghapon kaming naghanap ng isusuot naming uniform. Tuwang-tuwa naman ang mga kababayan natin doon dahil gagamitin namin ang uniform nila. At pumayag naman sila na gawing souvenir ko yung uniform na ginamit ko.
"Nagtuloy ang bonding namin ni Jolens sa bawat lugar na bumababa kami, lagi kaming naghahanap ng mga churches. Sa La Mallorca sa Spain, ang daming simbahan doon. Nagdasal at nag-wish kami ni Jolina. Kahit pa sarado ang simbahan, kahit nasa gate o nasa steps lang kami ng church, dasal at wish kami na muling makabalik doon, at maging safe ang lahat ng travels namin, at maging successful ang movie," lahad ni Eugene.
DEFENDING JOLINA. Sa hiwalay na panayam naman ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Eugene sa taping ng Ako Si Kim Samsoon, tinanong namin siya kung may pressure ba sa kanya ang pagpapalabas ng I.T.A.L.Y., lalo pa't isa na siya sa mga bida.
"Yes, siguro nga may pressure din at naaawa rin ako kay Jolina," seryosong sagot ni Eugene. "Kapag nagbabasa ako ng mga comments ng ilang Pepsters sa PEP, na sinisiraan nila ang movie at si Jolina, siyempre, hindi mo naman sila masisisi kung ‘yon ang opinyon nila. Pero sana panoorin muna nila ang movie sa September 17 bago sila mag-comment.
"Ako kasi, suwerte sa akin talaga itong movie dahil first time ko lang makapag-cruise aboard a luxury liner na parang lumulutang na SM mall, at makarating sa Europe nang libre, kumita pa ako. At masasabi kong bago naman ang io-offer namin sa mga manonood. It's a treat para sa kanila, na sa murang-murang halaga, para na rin nilang napuntahan iyong mga lugar na pinuntahan namin.
"Saka hindi lang yung mga magagandang lugar ang mapapanood ninyo, yun ding iba-ibang klase ng love na nakapaloob sa story ng movie. Yung love kay God, yung love na hindi matuloy-tuloy, love na natagpuan doon, love sa family. Napaka-wholesome ng movie na puwede ninyong isama ang buong pamilya.
"We are all proud of this movie dahil hindi nagtipid ang mga producers para lang makapagbigay ng isang magandang pelikula. Napakahusay din ni Direk Mark [Reyes] na napaka-cool magdirek, first time ko lang siyang nakasama. Yung cooperation na ibinigay ng buong production staff, na walang nagreklamo sa mahirap na trabaho at sobrang lamig ng panahon noong nagsu-shooting kami roon. Kaya I'm very, very grateful na kinuha ako rito ng GMA Films," saad ni Eugene.
Ayon kay Eugene, pagkatapos ng Ako Si Kim Samsoon ay magku-concentrate muna siya sa dalawang pelikula niya for the 2008 Metro Manila Film Festival (MMFF)—Ang Tanging Ina Ninyong Lahat ng Star Cinema at Desperadas 2 ng Regal Entertainment.
Saang float siya sasakay sa Parade of Stars sa December 24?
"Baka magbakasyon muna ako sa December after the shooting. Medyo nagkasunud-sunod talaga ang trabaho ko at baka bumalik na lang ako sa awards night ng MMFF," wika ni Eugene.
Sa Sunday, September 14, big promo ng I.T.A.L.Y. sa SOP. Bukod sa buong cast, may dalawang very special guests silang makakasama. Sa gabi naman ang red-carpet premiere night ng movie sa SM Megamall Cinema 9.
Trailer courtesy of GMA Films