Pumanaw na ang dating Sampaguita Pictures contract star na si Pepito Rodriguez ngayong Huwebes ng madaling-araw, Pebrero 26, 2026.
Siya ay 83.
Inanunsiyo ng pamilya ni Pepito, Jose Maria Morena Rodriguez (Oktubre 18,1942-Pebrero 26, 2026) sa tunay na buhay, ang pagpanaw ng dating aktor dahil sa pneumonia.
Read: Former actor Joseph Sytangco passes away at 71
PEPITO RODRIGUEZ WAS PART OF STARS OF '66
Nag-umpisa ang acting career ni Pepito noong 1962 bilang contract star ng Sampaguita Pictures, isa sa pinakamalaking film company noon.
Kasama siya sa mga artistang inilunsad at tinawag na "Stars of ’66" noong 1965.
Ang aktres na si Rosemarie Sonora ang ka-loveteam ni Pepito sa Stars of ’66, na kinabibilangan din nina Blanca Gomez, Dindo Fernando, Gina Pareño, Loretta Marquez, Shirley Moreno, Edgar Salcedo, Bert Leroy Jr., at Ramil Rodriguez.
Si Ramil ay nakatatandang kapatid ni Pepito at naunang namayapa noong 2014.

Ang unang pelikula ni Pepito ay ang Siyam na Langit noong 1962.
Ganap siyang ipinakilalang aktor sa Abarinding (1963).
Nagbida rin si Pepito sa Mga Batang Iskuwater noong 1964.
Ang Danny Boy ang kanyang unang title-role project na ipinalabas noong 1969.

Si Pepito ay itinanghal na Prinsipe ng Pelikulang Pilipino noong 1965.
Nanalo naman siyang best supporting actor sa 4th Manila Film Festival noong 1969 para sa Stop Look Listen.
Noong May 2024, ipinagkaloob kay Pepito sa 72nd Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) ang parangal na Iconic Movie Actor of the Philippine Cinema dahil sa kanyang mga kontribusyon sa industriya ng pelikulang Pilipino.