Classy at elegante sa unang tingin, hindi aakalaing dumaan sa hirap sa buhay ang legendary movie icon na si Hilda Koronel, 69.
Sa panayam niya sa PEP Spotlight, diretsong ikinuwento ni Hilda na nagsumikap siya bago niya naabot ang maayos na pamumuhay.
"We were very poor. I grew up in the slums. So, siyempre mahirap din ang buhay ko noon, pero meron akong natutunan," bungad niya.
Nang tanungin ng PEP ang trabaho ng mga magulang niya, sinabi ni Hilda na Amerikano ang kanyang ama na dating nadestino sa Clark Airbase sa Angeles City, Pampanga.
Filipina ang kanyang ina.
Read: Hilda Koronel, isiniwalat ang sikreto para maging stress-free
Nang natapos ang trabaho rito sa Pilipinas at pabalik na ng Amerika ang ama, hindi raw sumama ang ina ni Hilda.
"Tapos na yung tour niya dito. But my mother, parang sinsusulatan siya ng mga kaibigan niya na taga-Amerika na, 'Hay nako, pag pumunta ka dito sa Amerika, ikaw lahat.'
"Sabi ng mother ko, 'Ayoko naman, para namang magiging katulong lang ako diyan.'
"So iyon, hindi na kami sumunod. Hindi kami sumama.
"So, hindi ko na nakita ang father ko," lahad ng aktres.
Pero hindi rin daw naging maganda ang buhay nila ng kanyang ina.
"Ang nagpalaki naman sa akin yung tiyahin ko, my nanay, kapatid naman ng mother ko. So, iyon ang talaga na nagpalaki sa akin.
"Medyo mahirap talaga yung childhood ko, complicated."
Walang pait na sabi pa ni Hilda sa trabahong-bahay na kinalakihan niya: "Nag-iigib ako ng tubig, dalawang balde, naglalaba ko, nagpaplantsa ako, nag-aaral ako, naglalakad ako papuntang palengke...
"Tagasibak pa ako ng kahoy nung araw. Tsaka ang pang-plantsa ko pa yung mabigat na bakal, [yung ginagamitan ng] coal.
"Sosyal, di ba?"
Sa kabila ng mga pagsubok, itinuring ni Hilda na motivation ang mga pinagdaanan niya.
"I mean, I did everything, but in a sense, I'm grateful kasi andami kong natutunan.
"Pag nag-hire ako ng katulong, alam ko kung anong itatanong ko. Mahusay akong magluto. Mahusay akong mamalantsa," masiglang sabi pa niya.

Read: Hilda Koronel, kinaya ang mga hirap sa shooting ng Sisa
HILDA KORONEL AS A PROTEGÉ OF LINO BROCKA
Nadiskubreng artista si Hilda noong siya ay 12 taong gulang lamang.
Una siyang nagkamit ng acting award, bilang best supporting actress, mula sa FAMAS noong siya ay 13 years old para sa pelikulang Santiago! (1970).
Bida sa Santiago! si Fernando Poe Jr., at ang direktor ay ang yumaong National Artist na si Lino Brocka.

Paglalarawan ni Hilda sa role niya: "And walang dialogue yun kasi pipi't bulag, e. So it's kind of hard for somebody who's new to do something like that.
"And with the King, Fernando Poe Jr., you know, so medyo nakakatakot."
Tukoy naman niya sa mentorship ni Lino: "But andun si Lino and he guided me all the way up to the time na, you know, tuluy-tuloy na yan.
"And I did the Hilda [TV] show with him for almost six years. So, training ground ko yun talaga. Yun ang mentor ko, kaibigan ko, tatay ko."
Si Lino ang naghikayat kay Hilda na magpokus sa pagiging dramatic actress kaysa teenybopper roles.
"Yung mga story na ginagawa ni Lino, hinuhugot niya sa personal stories ko. Pinapalaki na lang niya.
"Like Insiang [1976] and Hello, Soldier [1974], definitely part of my, you know, life story."
Read: 1976: The Golden Year of Philippine Cinema

Malalalim at karaniwa'y mapapait at mabibigat na karanasan ang pinagdaanan ng mga karakter na pinagbidahan ni Hilda at idinirek ni Lino.
Kaya malaking bagay raw ang hirap na dinanas niya sa tunay na buhay para hugutan niya ng emosyon sa mga eksena.
Naranasan ba niyang mapagalitan noon ni Lino?
"No, hindi yon nagagalit sa akin," sabi ni Hilda.
"He will talk to me sa gilid. Let's say, ginawa namin yung isa na eksena and he will tell me na, 'Maganda yung ginawa mo, pero alam ko mayroon ka pang puwedeng ibigay. We'll do it again, okay?'"
Ilan pa sa ginawang pelikula nina Hilda at Lino ay Tubog Sa Ginto (1971). Stardoom (1971), Tinimbang Ka Nguni't Kulang (1974), Maynila, Sa Mga Kuko ng Liwanag (1975), Angela Markado (1980), PX (1982), at Babangon Ako't Dudurugin Kita (1989).
Read: Park Bom claims being a decoy for Sandara's alleged drug abuse

HILDA ON PUTTING HERSELF TO SCHOOL
Habang nag-aartista, pinagsumikapan din ni Hilda na makatapos ng pag-aaral.
"I taught myself to speak English. I put myself through school. Ako lahat," aniya.
Nagtapos siya ng kursong International Studies sa Maryknoll College (now known as Miriam College).
At kumuha rin siya ng master's degree sa University of the Philippines, pero iyon daw ang hindi niya natapos.
"Actually, pinapahinto na nila ako mag-aral... But I felt that education is always a good foundation for a person. Importante sa akin ang edukasyon, e.
"Noong nasa squatter's ako, ang feeling ko, yun lang ang chance na makaalis dun. Mag-aral ako nang maigi, and that's what I did."
Kuwento pa niya: "Noong araw di uso yung nag-aaral. Pero ayoko naman lumaki nang wala akong alam. Ayokong huminto.
"So, there was a time di ako natutulog.
"Three weeks nagsu-shooting ako sa Quezon Province. Tapos pasok, shooting, pasok, shooting. But gusto ko talagang makatapos."
Masigasig daw siya pati sa pag-aral ng Ingles.
"Yeah! Bumili ako ng dictionary [na makapal], katabi ko pagtulog.
"Up to now, I'm still learning, I'm still studying.
"Pag wala akong alam, ginu-Google ko. If im reading a book and I don't know this particular place, or itong word na ito, hinahanap ko yan.
"Hanggang mamatay ako, mag-aaral ako," diin ni Hilda.

Read: Celebrities call out Bong Suntay over remarks about Anne Curtis
HILDA KORONEL BACK IN PH FOR THE MOVIE SISA
Nakabase na sa U.S. si Hilda, at ang huling pelikula niya ang The Mistress noong 2012.
Nagbabalik-pelikula ngayon si Hilda bilang bida sa Sisa, ang bagong thriller period film na obra ng direktor na si Jun Robles Lana.
Palabas na ito sa mga sinehan ngayong March 4, 2026.
Si Sisa ay espiya noong panahon ng Philippine-American war.

Ayon kay Hilda, pitong taong research ang ginawa ng team ni Direk Jun para mabuo ang pelikula.
"Talagang pinag-aralan niya yung mga tunay na nangyayari na di natin napag-aaralan sa eskuwela, sa ating Philippine History, na hinimay-himay niya talaga.
"Gusto niyang ipakita na hindi lang puro mga treaties or mga infrastructure. Yung mga magaganda lang na bagay na gawa nung mga oppressors natin.
"But talagang gusto niya ipakita kung gaano kahirap ang pinagdaanan ng Pilipinas nung Philippine-American War na yun.
"So, ipapakita po namin, yun po ang backdrop ng aming istorya ni Sisa.
Masasabi raw ni Hilda na naka-relate siya sa strength of character ni Sisa.
Aniya: "I think she was a product of her time and a product of the suppressive regime.
"She's very strong. And she's the embodiment of bravery and of resistance. Di siya bumigay, you know? Talagang ang tapang niya.
"Since namatay yung pamilya niya, isa lang ang focus niya, 'makaganti ako.' Very strong woman."
Ganoon din siya?
"Yeah, I think so. I'm very resilient, I'm very strong. So, nandito si Sisa sa katauhan ko," sabi ni Hilda.
