Naaresto na ng pulisya ang pangunahing suspek sa pamamaril sa isang condominium complex sa Parañaque City, kunsaan dalawa ang nasawi at apat ang sugatan.
Nangyari ang insidente sa basketball court ng Azure Urban Resort Residences sa Parañaque noong gabi ng Miyerkules, Marso 4, 2026.
Kabilang sa mga nasawi si Arjay Gonzales, isang 29-year-old commercial model, aspiring actor, at co-host sa online game show na Bingo Plus. Nasawi rin ang isa pang biktima na kinilalang si alyas “Edwin,” 57.
Read: Hustisya, panawagan ng pamilya at mga kaibigan ni Arjay Gonzales
Parehong residente ng condominium complex ang dalawang biktima.
Sa isang press statement na ibinahagi ng Southern Police District sa kanilang official Facebook page, kinumpirma nilang naaresto ang suspek bandang 8:30 p.m. noong Marso 6, 2026, o mahigit 48 oras matapos ang pamamaril.

Ayon sa news reports, kinilala ang suspek bilang si William Maik de Guzman, 59, na residente rin ng Azure Urban Resort Residences.
Kabilang sa na-recover mula sa suspek ang dalawang 9mm pistols, ilang magazines, live ammunition, at iba’t ibang personal na gamit na hinihinalang may kaugnayan sa krimen.
Kinilala rin si William ng ilang biktima at saksi, na agad nagtungo sa himpilan ng pulisya nang mabalitaang naaresto na ito.
Iprinesinta si De Guzman sa media ng mga awtoridad ng Southern Police District (SPD)—kasama si PMGen. Anthony Aberin, National Capital Region director—sa isang press briefing sa Taguig City nitong Sabado, Marso 7, 2026.
SUSPECT'S MOTIVE FOR SHOOTING THE VICTIMS
Sa ulat ni Von Aquino ng GMA Integrated News, sinabi ng suspek na naiirita umano siya sa ingay na nagmumula sa isa sa mga biktimang nakatira sa itaas ng kanyang unit.
Ayon sa kanya, ilang ulit na niya itong inireklamo ngunit hindi raw tumigil ang abala.
Dagdag pa niya, tila inaasar umano siya ng mga biktima, kaya raw siya napuno na.
"Nag-iingat ho, tapos nag-iinuman sila run, e. Nagtatawanan tapos kung anu-ano na ho ang sinasabi," depensa ng suspek.
Patuloy nito, "Kasi ho paulit-ulit na sinasabi nila sa akin na yung [redacted] company namin ang pumatay sa nanay mo."
Nang tanungin kung bakit nito dinamay ang iba pang nasa basketball court, sinabi ng suspek: “Kasi ho, inisip ko noon na baka pagbabarilin na rin nila ako.
"Parang nag-cover ako sa loob ng basketball court, para kung yung tagaroon ay barilin ako, at least may depensa ako.”
Dagdag pa niya: “Nagsisisi ako, at hindi ko naman ho ginusto yon. Na-provoke lang ako dahil sobrang nakakainis talaga ang ginagawa nila.”
CASES AGAINST GUNMAN
Dagdag pa sa ulat ni Von, isinailalim na sa inquest proceedings si William para sa dalawang bilang ng murder at ilang bilang ng frustrated murder.
Ayon naman sa Facebook post ng Southern Police District, sasampahan din ang suspek ng paglabag sa Republic Act 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, dahil sa mga nakumpiskang baril at bala sa kanyang unit.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad kung paano nakakuha ng lisensya ang suspek para sa isa pang baril kahit mayroon na siyang kasong homicide noong 2023.
Ayon sa NCRPO, sinubukan nang i-serve ng Taguig City Police ang warrant of arrest laban kay William noong Marso 2024, ngunit hindi sila nagtagumpay na maaresto ang akusado.
Ngayon ay naisilbi na sa wakas ang umiiral na warrant of arrest laban kay William, na matagal nang nakabinbin bago pa nangyari ang pamamaril sa Parañaque.
Samantala, pinuri naman ni PBGEN Randy Y. Arceo ang mabilis at koordinadong pagtugon ng iba’t ibang yunit ng pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Ayon sa kanya, “Within just over 48 hours from the commission of the crime, our personnel were able to identify, locate, and arrest the suspect through determined investigation and coordination among police units.
"The Southern Police District will continue to act swiftly to ensure accountability and protect our communities.”
READ MORE:
