Itinanghal na awtomatikong nanalo si Princess Palti sa back-to-back tapatan nila ng defending champion na si Eula Bautista sa "Tanghalan ng Kampeon" ng TiktoClock.
Inanunsiyo ito ng punong inampalan na si Renz Verano sa live episode ng Kapuso program ngayong umaga ng March 11, 2026.
Ipinaubaya ng host na si Kim Atienza kay Renz ang pag-anunsiyo ng desisyon nila.
Ayon kay Renz: "Kuya Kim, unang-una, nakahinga na kami nang maluwag dahil okay naman si Eula at walang seryosong nangyari sa kanya.
"Sa rules po ng ating competition, dahil nakapag-perform naman ang challenger na si Princess Palti, at dahil hindi nakapag-perform ang champion na si Eula Bautista, automatically po, si Princess ang idinideklara naming panalo."

Sabi ni Kim, "Congratulations, Princess. Ikaw ang champion ngayon."

Si Eula ay seven-time defending champion ng segment at pangwalong araw sana niyang paglaban sa titulo kahapon, March 10.
Ngunit sa kalagitnaan ng kanyang performance ay bigla na lamang siyang nawalan ng malay kaya hindi natapos ang kanyang performance.
Read: "Tanghalan ng Kampeon" contestant collapses during performance
"TANGHALAN NG KAMPEON'S" EULA BAUTISTA HEALTH UPDATE
May isa namang video na ipinalabas sa TictoClock page sa Facebook kung saan ipinakita ang mabilis na pagresponde ng medical personnel kay Eula matapos nitong mahimatay.
Dito rin nagkuwento si Eula sa nangyari sa kanya.

Lahad niya: "Kumakanta po ako, e, tapos bigla na lang nag-blackout. Ang sabi po noong medic, yung case na nangyari sa akin is lack of oxygen.
"And, number one cause is yung corset po ng gown na suut-suot ko."
Mensahe pa ni Eula sa viewers ng show: "Hello po sa mga nanonood po, mga Kapuso. Okay lang po ako. Kaya huwag po kayong mag-alala at patuloy naman po ang laban po natin."
