Usap-usapan ngayon sa social media ang isang dalagang contestant sa “Laro Laro Pick” segment ng It’s Showtime noong March 12, 2026.
Ito ay matapos mabigo ang contestant, na nagngangalang Rein, na ma-identify ang larawan ng Malacañang Palace.
Para sa elimination round ng game segment, kailangang i-identify ng mga contestant ang larawan ng bagay o konsepto na nagpapakita ng Philippine culture.
Mayroon lamang limang segundo ang bawat 12 contestants para sumagot.
Nang si Rein na ang sasagot, nag-flash ang larawan ng Malacañang.
Walang naisagot ang contestant sa host na si Vice Ganda.
Halata rin sa mga sumunod na hulang sagot niya, gaya ng "Munisipyo" at "Malabon," na hindi nito talaga alam kung ano ang tawag sa tirahan ng Pangulo ng Pilipinas.
Hindi tinukoy kung ilang taon na si Rein at kung nag-aaral pa ba ito.
Read: Phoenix addresses Hidylyn Diaz unrealized "fuel for life" prize; calls criticisms "unfair"
VICE GANDA DISMAYED BY CONTESTANT'S LACK OF KNOWLEDGE
Dinig sa studio ang tawanan ng audience sa mga maling hula ng contestant, pero bakas sa mukha ni Vice Ganda ang kanyang pagkadismaya.
Sabi ni Vice sa contestant, “Hindi mo nakikita ang larawan na yan? Diyan namamalagi ang Pangulo.”
“Ay ano… munisipyo?” hula ng contestant, at naghiyawan ang audience.
Kitang-kita sa telebisyon na hindi natuwa si Vice.
Nagpatuloy sa pagbibigay ng clue si Vice ukol sa larawan. Sa lugar daw na ito ginaganap ang events, tulad ng meetings at pres cons ng Pangulo.
Dinig ang pagko-coach ni Jhong Hilario sa contestant.
Sabi ni Jhong, “Mala… Mala…”
“...Malabon,” sagot ng contestant na natawa pa.
Nagkaroon muli ng tawanan, pero hindi pa rin tumatawa si Vice.
Pagsita ni Vice sa contestant: “Naku, natatawa ka pa, ha. Di mo kilala yung picture na yan?”
Bakas sa mukha ng contestant na clueless talaga ito.
“Mala…” muling maririnig na pag-coach ng ibang host sa contestant.
“Malacañang,” sagot ng contestant sa wakas.
Hirit ni Vice sa contestant, “Wag puro blush on at highlighter sa Tiktok, ha?”
Sa pagpapatuloy ng laro, nagbitaw ng pahayag si Vice tungkol sa estado ng edukasyon ngayon sa Pilipinas.
Aniya, “Alam mo, minsan iniisip ko, yung mga itinuro ba sa amin sa school dati itinuturo pa rin ngayon?”
Ayon kay Vice, ang mga larawang ipinakita sa laro noong araw na iyon ay mga bagay na itinuro na sa grade school.
Sa 12 contestants, pito ang nagbigay ng maling sagot at lima lamang ang nakasagot nang tama.
Kabilang sa mga tamang sagot ay Bahay-Kubo, sisig, Chocolate Hills, at bayanihan.
Tama rin ang sagot ng co-host na si Lassy Marquez na palo-sebo.

NETIZENS REACT, QUESTION THE CURRENT EDUCATION SYSTEM
Naging mainit ang talakayan ng netizens ukol sa pinag-uusapang tagpo sa It’s Showtime.
Marami ang dismayado sa contestant na hindi nasagot ang Malacañang.
Kinuwestiyon nila kung ano ang itinuturo ngayon sa mga eskuwelahan.
Sabi ng isa: “Deped/Ched ito na ang proof na meron talaga education crisis.”
Katuwiran ng isa pang netizen, nasa estudyante na rin kung gusto nitong matuto o hindi.
Sabi nito, “To think na readily available na ang mga sources sa internet. Si ate mukha namang nakakapaginternet.”
Paninindigan ng naunang netizen: “pero mapapa question ka lang talaga kung ano ba ang method of teaching nila ngayon.”

Ang iba naman, hindi maiwasang ikumpara ang pagkakaiba ng sistema ng pagtuturo ngayon at noong '90s at early 2000s.
Dati raw ay namamahiya at hindi nangingiming mambagsak ng estudyante ang mga guro.
Published as is comment ng isang netizen: “Ngayon taina, bawal mamahiya ng studyante, bawal mambagsak, jusko. Daming bawal. Sa dami ng bawal, madami ding studyanteng 8080."
Ang "8080" ay slang sa salitang "bobo".

Hirit ng isa (published as is): “This segment is lowkey exposing kung gano na kapanget education system natin sa bansa…”
Saad ng isa pa, hindi lamang daw sa sistema kundi nasa tao na rin mismo ang pagkakamali.
“True nasa tao pa din talaga. Sa totoo lang ang dami nang distractions ngayon,” katuwiran nito.


BRAIN ROT
Ang ilan, nakikitang malawak ang problema sa edukasyon sa bansa.
Hindi lang sistema ng edukasyon, pati na rin mismo ang guro, ang mga magulang, at estudyante na nabibiktima raw ng “brain rot.”
Brain rot ang current phrase na tumutukoy sa loss of intelligence daw dahil sa overconsumption o pagbababad online.
Sabi ng isang nagkomento: “Napanood ko yan kanina, napaisip nalang talaga ako ano na ba tinuturo sa school ngayon at hindi alam ang Malacanang.”
Sagot ng isa: “Kids are drowning from brain rots content.”
Sabi ng isa pa: “Teachers posting Tiktok videos, parents eating up AI content. We are so cooked.”

Pero hindi rin nakaligtas sa mapagmasid na netizens na bagamat hindi nasagot ng contestant ang Malacañang, marami ring ibang contestants ang hindi nakasagot o mali ang sagot sa mga ipinakitang larawan.
Mayroong hindi nakasagot sa Mount Mayon, arnis, San Juanico Bridge, at terno.
Mali ang sagot ng Koreanong co-host ng It's Showtime na si Ryan Bang sa larawan ng luksong tinik.
Hindi rin nasagot ng partner ni Vice na si Ion Perez ang dahon ng anahaw, at ang ibinigay niyang sagot ay "payung-payungan."
Humirit pa ang isang netizen kung bakit daw hindi kinuwestiyon ni Vice si Ion na hindi nakasagot nang tama.



May mga nangatuwiran ding marahil nagkamali ang ibang contestants dahil sa pressure at five-second limit, tulad ng babaeng contestant na hindi nasagot ang Malacañang.
Pero katuwiran naman ng iba, ilang ulit nang binigyan ng clues ang dalaga pero hindi pa rin niya ito nasagot.
