Maraming netizens ang naantig at nagalit kasunod ng viral video ng isang bedridden na senior citizen sa Quirino.
Isinakay kasi ito sa "pattuki" o improvised kariton at isinuong sa liblib, maputik, at mabatong lugar para lang makuha ang kanyang PHP3,000 social pension mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Pahayag ng anak ng beneficiary, sinabihan sila na kailangang personal na kunin ng kanyang nakaratay na ama ang pension sa payout center sa bayan.
Pero ang paliwanag ng DSWD, miscommunication umano ang nangyari dahil karaniwang pinupuntahan na lamang daw sa bahay ang mga bedridden beneficiaries, ulat ng GMA Integrated News.
Nang malaman daw ng mga opisyal ang sitwasyon, sinalubong nila ang senior citizen nang maibaba ito mula sa bundok.
Ano nga ba ang nangyari at bakit nagkaroon ng miscommunication?
Sa ulat ng Reginal News Group o RNG Luzon, napag-alamang ang nakaratay na beneficiary ay nakatira sa Dibibi, isa sa mga liblib na barangay sa Cabarrogouis, Quirino.
Nangyari raw ang insidente noong March 10, 2026.
Tinatayang 30 minuto o higit pa ang biyaheng susuungin para makarating sa bayan.

Read: Tips: How to avail of DSWD social pension for indigent seniors
lgu says MISCOMMUNICATION is the cause
Lumalabas na ang instruksiyon na dalhin ang senior beneficiary sa bayan ay nagmula sa treasurer ng Senior Citizen Association ng barangay.
Iyon daw ang naisip na paraan ng treasurer para mabilis na makuha ng beneficiary ang kanyang social pension, paliwanag ni Whitney Dongiahon, punong barangay ng Dibibi, sa RNG Luzon interview.
“Kasi ang nangyari, hapon na ang payout, hindi pa umaakyat ang mga mag-door-to-door. Yung nasa kalsada, mabilis ma-reach, e. Yun [patukoy sa Barangay Dibibi], aakyatin pa.
“Kaya yun yung naisip niya [treasurer] na isalubong na lang sa kakayanin ng sasakyan.”
Inamin ni Dongiahon na may pagkukulang sa kanilang panig.
“Medyo may pagkukulang din ang lahat kasi, hapon po yung payout, nung nakausap ko si Roldan [treasurer], sabi niya, ‘Uulan ng hapon. Alam mo naman yung mga senior excited sila kahit na kaunti na ayuda, hinihintay nila.’”
Pahayag naman ni Geraldine R. Pugong, department head ng Municipal Social Welfare Development Office, Cabarrogouis, walang instruksiyon ang kanilang local government unit o DSWD na personal na magsadya ang bedridden beneficiary sa kanilang tanggapan para sa payout nito.
“Ang akala daw po kasi nila is yun yung best way. Hindi po best way yun dahil may guidelines po talaga ang DSWD na kapag bedridden due to disability ay hindi na papuntahin sa site, ito po ay talagang pupuntahan nila.”
DSWD SOCIAL PENSION GUIDELINES
Tinalakay rin sa report ang Memorandum Circular No. 06 Series of 2024, o ang Enhanced Omnibus Guidelines in the Program Implementation of the Social Pension for Indigent Citizen ng DSWD.
Akma sa mga naunang nabanggit, nakasaad sa memo na hindi kailangang pisikal na pumunta ang beneficiary sa payout center kung ito ay bedridden.
Maaari raw itong magpadala ng authorization letter sa kanyang representative, o kaya ay tauhan ng DSWD ang maghahatid ng payout sa beneficiary.
Dagdag na ulat ng GMA, hanggang tatlong beses lamang maaaring gumamit ng authorization letter.
Makalipas daw ang tatlong beses, mismong taga-DSWD na ang tutungo sa tahanan ng beneficiary.
