Sa isang bihirang pagkakataon, binalikan ni Dominic Ochoa ang pagpanaw ng matalik niyang kaibigang si Rico Yan.
Pumanaw si Rico dalawampu't apat na taon ang nakararaan o noong March 29, 2002. Siya ay 27 taong gulang noon.
Sa eksklusibong panayam ni Susan Enriquez sa Kay Susan Tayo! Vlogs ng GMA Public Affairs, sinabi ni Dominic na hangga't maaari ay ayaw niya sanang pag-usapan ang pagkamatay ni Rico.
Pero gusto rin daw niyang kunin ang pagkakataong ipaalala sa mga tao na hindi tama ang pagkakalat ng fake news.
Kaugnay ito ng aniya'y mga malisyosong balitang lumabas patungkol kay Rico, bago ito pumanaw at maging noong pumanaw na ito.
Read: A lookback on the life of matinee idol Rico Yan
dominic ochoa on rico yan'S final moments
Ikinuwento muna ni Dominic ang pagbabakasyon nila ni Rico sa Dos Palmas Resort sa Palawan noong Holy Week ng 2002.
Iba sana ang planong puntahan ni Dominic noon, pero bigla raw nagyaya si Rico na magpunta ng Palawan.
Bumili raw si Rico ng plane tickets nila nang walang pasabi, at siya ring nagbayad ng gastos nila sa Palawan dahil gusto raw nitong makasama ang mga kaibigan.
Sumama si Dominic para damayan si Rico na "medyo malalim ang pinagdadaanan nung time na yun" dahil sa breakup nila ni Claudine Barretto.
Kasama rin daw dapat ang Whattamen co-star nilang si Marvin Agustin, pero hindi ito tumuloy.
Noong gabi bago pumanaw si Rico, nag-dinner pa raw sila at nagkasiyahan sa resort.
"We had a few drinks. He drank, definitely. He was depressed," balik-tanaw ni Dominic.
Pero kahit papaano ay naibsan daw kung anuman ang sakit na nararamdaman ni Rico dahil sa mga kasamang kaibigan.
Ani Dominic, "I remember going home, going back to the villa. Sinabi niya na, 'This is the best day of my life. Puwede na 'kong [mamatay]...'"
Hindi naman daw akalain ni Dominic na magkakatotoo yun.
Saad niya, "We didn't take it seriously because, I mean... Meron kasi silang ano, he has sleep apnea. Kaya siya sa loft nung time na yun dahil malakas siya humilik."
Ang sleep apnea, ayon sa Mayo Clinic, ay potentially serious condition na nagiging sanhi ng makailang ulit na paghinto at pagbalik ng paghinga habang natutulog ang isang tao.
Bandang 2 A.M. daw sila umuwi noon sa kanilang villa sa resort.
Ang usapan nila, kinabukasan ay magpupunta sila sa ibang resort na pag-aari ng kaibigan ni Rico para mag-enjoy ng water sports doon.
Una raw nagising si Dominic.
"So, ako yung gumising sa kanya sa taas. Nasa loft siya, e.
"Bababa kami noong isa naming kaibigan. Ten o'clock [in the morning kami] susunduin ng speedboat, e.
"So, when I woke up at 9:45 A.M. and we'll try to wake him up, he was ano na... Well, to go straight to the point, Rico passed.
"When I tried waking him up, wala na," pagbabalik-tanaw ni Dominic.
Ilang oras na raw walang buhay si Rico noon.
Walang nakaramdam na may nangyari kay Rico dahil tulog na raw silang lahat pagkauwi ng villa.
"Kasi parang 2:20 A.M. narinig ko pa siya, e. Bumalik kami ng [villa] mga around 2 A.M., e.
"Parang sabi nung doctor, 5 A.M., doon siya nalagutan ng hininga."
Pagpapatuloy ni Dominic, isa sa pinakamahirap na ginawa niya noon ay ang tawagan ang pamilya ni Rico para ipaalam sa mga ito ang masamang nangyari sa kaibigan.
Ang natawagan daw ni Dominic ay ang nakatatandang kapatid ni Rico na si Bobby Yan.
Good Friday nang pumanaw si Rico dahil sa acute hemorrhagic pancreatitis o biglaang inflammation ng pancreas.
Mabilis na naayos ang pag-uwi sa labi ng aktor pabalik ng Maynila.
Bukod sa eroplanong ipinadala ng ABS-CBN, si Marvin Agustin daw ang kumontak at "nakakuha ng eroplano" na ipinadala sa Palawan.
Read: Rico Yan: Gone too soon
DOMINIC OCHOA ON SPECULATIONS SURROUNDING RICO YAN'S DEATH
Sa puntong ito, nilinaw ni Dominic na walang katotohanan ang aniya'y maling espekulasyon tungkol sa biglaang pagpanaw ni Rico.
Paliwanag niya: "I'd like to take this opportunity also to... Siyempre yung mga ganyan, they'll speculate that we took something.
"We never take anything, especially si Rico. He's just... He loved the person...
"Paminsan ang nagiging cause is not the real cause of the problem. It's the people around. Yung hearsay.
"So, I must say, it's part of it. Yung mga lumabas na isinulat."
Nang tanungin ni Susan Enriquez si Dominic kung ang tinutukoy nito ay ang balitang nag-drug overdose diumano si Rico, sagot ni Dominic, "Not just that. Even before it happened."
Sabay tinukoy niya ang aniya'y mga malisyosong balita na inuugnay kay Rico matapos ang breakup nito kay Claudine.
"Medyo nakakasama ng loob din yun," sambit ni Dominic.
"Yun yung tinatawag na hindi pa uso ang fake news, may fake news na.
"Yung may mga nagsasabing nananakit siya. He's not the type. I'm not the type too.
"Biling-bilin ko yun sa anak ko, never manakit ng babae, magbuhat ng kamay."
Hindi na raw para ungkatin pa ni Dominic kung sino ang mga nagpakalat ng maling balita tungkol sa pagpanaw ng kaibigang si Rico.
"Si Lord na'ng bahala. I mean, di ba? I'm not here to point fingers or ano.
"Whoever naglabas ng mga sinasabi niyo about him, na nanggugulpi, na he's taking drugs, it's not true.
"Makonsensiya naman kayo sa sarili niyo."
Ayon kay Dominic, dinamdam ni Rico ang masasakit na salitang natamo nito noon.
"The main purpose of this interview is not his death anniversary. But maybe to remind the people to be careful with the words that you say or you post because it can be deadly.
"Iba, marami ang nagsasabi. Real faith, you have to be careful with the words that you use even to your family."
Hindi raw niya lubos maisip kung paano nakayanan ng iba na gumawa ng istorya noong kasagsagan ng pagluluksa ng pamilya at mga kaibigan ni Rico.
"So, amin lang naman, never mind, I mean, we know what really happened and we can sleep up to now na maayos.
"I mean, we're at peace," sabi ni Dominic.
Read: Rico Yan: Revisiting his brief life and career
AFTER RICO YAN'S DEATH
Looking back, tatlong taon daw bago tuluyang naka-move on si Dominic sa pagpanaw ni Rico.
Masakit para sa kanya ang pagpanaw ng matalik na kaibigan dahil pamilya na raw talaga ang turingan nila.
Si Rico raw iyong tipong magugulat na lang daw siya na nasa bahay nila at nakikipagkuwentuhan at umiinom pa ng beer kasama ng kanyang ama.
Pareho rin daw kasi sila ng mga pangarap sa buhay.
Pareho pa raw nag-invest noon sina Rico at Dominic sa Subic Yacht Club at Punta Fuego Yacht Club, respectively, dahil nangarap raw sila na pagtanda nila ay magkasama silang bibili ng yacht.
Pinaplano na raw nila ang kanilang retirement at nai-imagine na ine-enjoy ang kanilang pinaghirapan at nagbabakasyon kasama ng kani-kanilang pamilya.
Kaya "shattered dreams" para kay Dominic ang pagnaw ni Rico.
Saad niya: "We have to move on and accept. And He has a reason why it happened.
"It makes us stronger as a person, more mature to accept things, di ba? But I hope other people will also learn out of it.
"He [Rico] touched a lot of people and siguro, it took a life to touch other people's lives."
Marami ang nagluksa para kay Rico na tinitingalang matinee idol noon.
Naiulat pang may 10,000 katao ang dumalo sa libing niya sa Manila Memorial Park sa Parañaque City.
Sabi pa ni Dominic, kasabay ng pagpanaw ni Rico ay naunsiyami rin ang iba pa sanang plano sa career nilang tatlo nina Marvin.
Noong panahong iyon ay ongoing pa ang sitcom nilang Whattamen.
Co-hosts din sila sa noontime show na Magandang Tanghali Bayan, at may commercial pa sila sa isang telecommunications brand.
Aniya: "Marami kaming plano na... Even ABS, we had plans also. Unfortunately... E, ako naman, I always embrace kung anong ibibigay ng Diyos.
"Hindi ko ipipilit. I have to accept. We need to accept kung anong ibibigay ng Diyos sa atin.
"Kasi, kung ilulugmok lang natin sarili natin, walang mangyayari sa buhay."
Sa huli, sinabi ni Dominic na naaalala at ipinagdadasal pa rin niya ang kaibigang si Rico.
"When I feel that I need to talk to someone, I go to Manila Memorial.
"But I don't take videos. I just go pray. I just go talk to him.
"It's an intimate relationship with a best friend," saad ng aktor.
