Puno ng lungkot, hirap, at sakit ang personal na buhay ng TikToker na si Arman Salon.
Ito ang ibinahagi niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at piling entertainment reporters sa sidelines ng grand finals ng Sing Galing Sing-lebrity Edition 2025.
Isa si Arman sa celebrity contestants ng TV5 reality singing competition na nagtapos noong March 22, 2026.
Kilala si Arman bilang content creator na gumagawa ng acting skits sa kanyang TikTok account na may 548,000 followers.

Ayon kay Arman, inspired ng personal niyang karanasan ang mga skit niyang kadalasan ay tungkol sa hirap ng buhay at mga isyu sa pamilya.
Kinukunan niya ang kanyang mga video sa munting bahay niya o kaya ay sa salon kunsaan siya ang hairstylist.
Hindi raw niya akalaing darating ang araw na mapapansin siya ng netizens at mapapanood din sa telebisyon.
"Masayang-masaya ako. Parang feeling ko, naging tao ako.
"Feeling ko noon kasi para walang nagmamahal sa akin. Feeling ko isa akong basura na hindi pinapansin," tila dialogue sa teleseryeng saad ni Arman.
Read: Lara Quigaman on abusive ex-boyfriend: "I'm living in sin."
not loved by his own family
Sabay inamin nitong hindi raw niya naramdaman ang pagmamahal mula sa sariling pamilya.
Balik-tanaw ni Arman: "Sinasaktan ako ng stepfather ko. Nakikita ng nanay ko. Parang hindi inaawat, hindi man lang pinagsasabihan.
"Pag nagsusumbong pa ako sa nanay ko, papaluin pa ako ng nanay ko. Ang kakampi ko lang sarili ko.
"Bata pa ako, nung elementary pa lang ako nun."
Kahit ang ina niya raw mismo ay mabigat ang kamay, kaya dumating sa puntong naglayas siya.
Aniya, "Hindi nila ako hinanap. Parang feeling ko, kahit mawala ako, hindi nila ako mami-miss."
Sa paglalaboy ni Arman, may nakilala raw siyang lola na taga-Marikina na naawa sa kanya.
"May nagtinda ng tsinelas, yung matanda. Sabi ko, 'Lola, pwede bang ano, nagugutom na ako, wala akong makain.'"
Nang pakainin siya ng lola, inamin daw ni Arman dito na lumayas siya sa kanyang pamilya.
Mabuti raw ang puso ng lola na nakilala niya dahil kinupkop siya nito. Pero hindi rin ganun kaganda ang naging karanasan ni Arman sa poder nito.
Balik-tanaw ni Arman: "Tumira naman ako doon, nagselos naman yung anak.
"Pag walang yung lola, dahil naglalako siya ng tsinelas, inaaway naman ako ng anak.
"Hindi ako pinapakain. Nakakakain lang ako pag dumating yung matanda."
Marami raw pagsubok na dinaanan sa buhay si Arman.
Paano siya nagkaroon ng breakthrough?
Sagot ni Arman: "Sa tulong ni God. Basta masipag ka.
"Kapag alam mong mali, huwag mong gawin. Katulad ng pagbibisyo, pagsusugal.
"Hindi ako umiinom ng alak, hindi ako naninigarilyo."
Nagsikap daw si Arman na magtrabaho at magpundar ng munting salon at sari-sari store sa Rizal.
Sabi pa ni Arman tungkol sa pinakabisyo niya noon: "Siguro boyfriend, pero ngayon hindi na kasi nababawasan yung pera ko diyan, e.
"Tama na yung pag mahal ko na ako lang nakakaalam. Kasi pag sinabi ko mahal ko siya, nandiyan na yung GCash, di ba?
"Kaya ako, tamang kilig na lang. Pag may nararamdaman ako, hindi ko na sinasabing mahal ko. Hahaha!"

Read: The Aguinaldos: from jobless architect to earning 6 digits
ARMAN SALON ON MOTHER'S PASSING
Kuwento pa ni Arman, pumanaw na ang kanyang ina.
Hindi man daw niya naranasan ang pag-aaruga nito, sa huli ay hinanap daw siya ng ina.
Pagbabahagi niya: "Patay na [ang] nanay ko. Matagal na. Pero bago namatay ang nanay ko, ako ang unang hinanap.
"Kasi, hindi ko [siya] binibigyan ng sakit sa ulo. Hindi ako nanghihingi ng baon noon.
"Paggising ko sa umaga, maglalako ako ng gulay, mga kamatis, mga gulay-gulay, para may pera nanay ko.
"Naglalako ako ng tinapa. Ta's nagtitinda nanay ko ng mga karinderya [na ulam].
"Pag di naubos ang karinderya, naawa ako sa nanay ko. Bago masira [yung ulam], ilalako ko sa ospital sa QI [Quezon Institute in Quezon City]. Nilalako ko para may pangpuhunan siya kinabukasan."
Nakaramdam man siya ng galit noong kabataan niya, pinatawad pa rin daw ni Arman ang kanyang ina.
Sabi niya, "Nang dahil sa nanay ko naging matibay ako. Nang dahil sa stepfather ko naging matapang ako.
"Hindi ko alam ang pinagdaanan ng nanay ko, pero mahal ko ang nanay ko."
Inaalay raw ni Arman sa kanyang namayapang ina ang ginhawa sa buhay na nararanasan niya ngayon, pati na ang paglabas niya sa telebisyon.
Bukod sa Sing Galing, nakapag-guesting na si Arman sa Eat Bulaga! at It's Showtime.
"Para sa kanya ito," ani Arman, na naaalala pa rin ang namayapang ina.
Sabay nangangarap na sabi niya, "Kasi hindi niya ako pinagyayabang [noon], e. Siguro dahil beki ako, hindi pa matalino, wala pang talent.
"Kaya parang allergic siya sa akin. Yung parang hindi siya proud sa akin.
"Kaya minsan, nangangarap ako para may ipagyabang ang magulang ko. 'O, ito'ng anak ko.'
"Parang gusto kong pinapalakpakan ng magulang, kaya lang wala na ang magulang ko."

Read: Jellie Aw airs her side on rift with siblings; clarifies real score with Jam Ignacio
ARMAN SALON ON BLESSINGS
Sa huli, nagpasalamat si Arman sa oportunidad na ibinigay sa kanya ng TV5 nang kunin siyang contestant sa Sing Galing.
Ang nanalo sa kakatapos na Sing-lebrity edition ay ang dating child actor na si CJ Navato.
Ayon kay Arman: "Wala, sobrang saya. Kahit wala akong tiwala at hindi ako bilib sa sarili ko. Naggagaling-galingan, nagtatali-talinuhan, dinadaan ko sa skit para mapansin...
"Basta nagpapasalamat ako sa Sing Galing. Nagtiwala sila sa akin kahit hindi naman ako talentadong tao, kahit maraming magagaling, maraming mahuhusay."
Nagpasalamat din si Arman sa Diyos sa mga biyayang tinatanggap niya ngayon.
"Mabait talaga si God. Kapag sinasaktan ka, kapag maraming pagsubok na dumating sa iyo, kapag alam mong mabuti ang kalooban mo, kapag wala kang sinasagasaang tao at mapagmahal ka sa pamilya, gagawa si God kung anong nasa isip at nasa puso mo," pagtatapos niya.
@pepalerts Sing Galing Sing-lebrity edition 2025 contestant @ARMANSALON, ginawang kabatuhan sa eksena ang halaman! #PEPNews #EntertainmentNewsPH #NewsPH #PEPRachelle #PEPVideo ? original sound - PEP.ph
