Dismayado ang maraming Overseas Filipino Workers (OFWs) kaugnay ng tulong pinansiyal na galing sa Department of Migrant Workers (DMW) para sa mga apektado ng krisis sa Middle East.
Sa mismong araw ng schedule ng online registration, ang himutok ng mga kapwa Pinoy sa Dubai at Northern Emirates: Bakit nagsarado agad ang application link?
Ang DMW ay government agency na nangangalaga sa mga karapatan at kapakanan ng mga OFWs.
Ang mga reklamo ay idinaan sa Migrant Workers Office (MWO) – Dubai and Nothern Emirates.
Nakasaad kasi sa panuntunan na hanggang midnight ang oras para sa registration. Pero natapos daw agad.
Ano raw ang nangyari?
Read: Tips: How to prepare for your retirement
MWO-DUBAI ANNOUNCEMENT
Sa Facebook announcement ng MWO-Dubai para sa one-time aid na DMW Financial Assistance noong April 18, 2026, in-upload din ang mga panuntunan.
Para sa mga land-based OFWs na nasa United Arab Emirates (UAE), may allocation na $200 o tinatayang PHP12,000 na financial assistance.
Pero ang mga recipients ay yung mga naapektuhan ang trabaho dahil sa krisis sa Middle East.
Nakatala rito ang mga requirements, kabilang ang Request for Assitancre (RFA), IDs, passport, employment certificates, affidavit, at iba pa.
Mangyayari ang online application sa mga sites ng MWO-Dubai, pati na rin sa website at Facebook page ng ahensiya.
Ipapadala via money transfer ang tulong pinansiyal na matatanggap ng mga aplikante.
Pagsapit ng April 27, muling gumawa ng post ang MWO-Dubai sa Facebook page nito para sa update at mga karagdagang detalye.
Kalakip pa rin ng announcement ang panuntunan.
Dito binanggit na ang online application ay gagawing dalawang beses sa isang linggo: tuwing Martes at Miyerkules, simula 8:00 A.M.
Nakasaad dito na automatic magsasara ang application pagsapit ng 11:59 P.M. ng parehong araw o “once the daily limit is reached, whichever comes first.”
Sa isa pang inilabas na panuntunan, nakasaad na 820 slots lamang kada araw ang available. Ito ay para magkaroon ng sapat na evaluation sa mga applicants.
Nangyari ang unang araw ng application nitong April 28, 2026, Martes.

Subalit lumalabas na makalipas lamang ang 20 minuto mula nang magbukas ang online application, nagsara agad ito.
Maraming OFWs ang umasa na maaabutan sila ng tulong kaya kinuwestiyon nila ang bilis ng pagkaubos ng slots?
Read: From "Name Withheld" to Top 1: Erwin Parchaso’s 10-year journey
OFWs EXPRESS DISMAY
Pagbabahagi ng ilang nag-apply, mabilis ang mga pangyayari. Kinukumpleto pa lang daw nila ang mga requirements, napuno na agad ang slots.
Halata sa comments ng iba ang sama ng loob.
May isang nagtanong kung mave-verify ba nang maayos ang mga aplikante at baka mapunta raw ang slots sa may mga fake accounts.
Ang iba ay nagsabing “paasa” ang ahensiya.
Ang iba naman ay nanakaranas ng glitches.


Subalit may mga nagtanggol at kinontra ang mga nagreklamong hindi nakapasok through the online application link.
Sabi ng isang OFW, gabi pa lamang ay inayos na niya ang ibang requirements at sinigurong nasa PDF format ang isang document na ni-require.
Hindi na raw siya natulog para makasiguro na makakakuha siya ng aid.
Katwiran ng isa pa, kumpleto naman sa information at instruction kung ano ang gagawin, subalit may iba raw na tila hindi inunawa ang panuntunan.


Pagsegunda ng isang nag-comment, sana ay binasa ang kabuuan ng announcement at sinamahan ng reading comprehension.
Napuno raw agad ang slots bandang 8:23 A.M. kaya ang praktikal niyang payo sa mga hindi nakakuha ng slots, subukan nilang muli sa May 1, Labor Day.

Ayon sa 2025 report ng news site na Khaleej Times, tinatayang 700,000 OFWs ang nasa UAE, at 450,000 dito ay nasa Dubai.
Nagpadala naman ng email ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa MWO-Dubai upang kunin ang reaksiyon nito sa mga hinaing ng OFWs.
Agad ilalathala ang anumang pahayag na manggagaling sa ahensiya.
