Humingi ng tawad si Janno Gibbs kay Manilyn Reynes dahil sa heartbreak na idinulot ng singer-actor sa dating ka-loveteam at kasintahan
Ito ay makalipas ang napakaraming taon matapos ang kanilang breakup na hindi na nila napag-usapan.
Ngayon na lamang ito nahalungkat nang maging guest si Manilyn sa YouTube channel ni Janno at asawang si Bing Loyzaga.
Naging sikat ang tambalang Janno at Manilyn noong dekada '80.
Pumasok sa eksena si Bing at naging karelasyon niya si Janno. Pero nag-break din sila.
Matapos nito ay niligawan ni Janno si Manilyn, at naging magkarelasyon sila.
Pero sa huli, nagkabalikan sina Janno at Bing.
MANILYN-JANO LOVE TEAM
Nagsimula ang love team nina Janno at Manilyn sa dating youth-oriented show na That’s Entertainment.
Unang nakilala at naging tanyag si Manilyn dahil nagsimula siyang child star.
Pag-amin ni Janno, sumikat siya dahil nahila siya ni Manilyn nang maging love team sila.
Naging parte sila ng napakaraming pelikula bilang love team at gumawa ng napakaraming music duets.
Read: WHAT PEP KNOWS. Bea Alonzo-Vincent Co Wedding: Is it on or is it off?
BING ENTERS THE SCENE
Sa kasagsagan ng kanilang patok na teamup, pumasok sa That’s Entertainment si Bing.
Naipareha si Janno kay Bing sa pagpe-perform ng song duets, na noong mga panahong iyon ay nagiging daan sa pagbuo ng love team.
Doon daw nagsimula ang “tsismis” na nagkakamabutihan sina Janno at Bing.
Inusisa ni Janno si Manilyn kung ano ang naramdaman niya noon.
Pag-amin ni Manilyn, nakaramdam siya ng “konting kurot.”
Ibig niyang ipunto na nasaktan siya dahil invested siya sa love team nila ni Janno noon.
“When you’re young, you feel na ito na yon. But then, it was not. Yung ganun,” sabi ni Manilyn sa YouTube channel nina Janno at Bing noong May 6, 2026.
Ipinaliwanag ni Janno ang setup nilang tatlo noon.
Magka-love team sila ni Manilyn, pero ang napabalitang girlfriend ni Janno ay si Bing.
Nang mag-break sina Janno at Bing, niligawan ni Janno si Manilyn.
Sinabi ni Janno na nagtagal lamang ang kanilang relasyon ng ilang months.
Sundot naman ni Manilyn, “Sobrang saglit lang, kasi alam mo when you’re young, akala mo yun na, e. Bata talaga.”
Si Manilyn ay 16 anyos lamang noon, habang si Janno ay tinatayang nasa disinuwebe.
“Kaya din hindi ko makuhang magalit kay Bing. Kasi alam ko…” hindi itinuloy ni Manilyn ang pagpapaliwanag.

THE TIMING OF “SAYANG NA SAYANG”
Isa sa hit song hits ni Manilyn ay ang breakup song na “Sayang na Sayang” noong 1988.
Tumaon pa ang paglabas ng kanta noong maghiwalay sila ni Janno.
Kuwento pa ni Janno, habang umaani ng awards si Manilyn para sa kantang iyon, inaani naman niya ang galit ng fans.
“Pag dumaan ako sa tindahan, biglang papatugtugin yung 'Sayang na Sayang,'” kuwento ni Janno.
“’Tapos alam mo ba na dinuduro ako ng mga tao nun? ‘Niloko mo si Manilyn!’ ginaganun ako.”
Ikinuwento naman ni Bing na nang ma-link siya kay Janno, binabato raw siya ng candy sa That’s Entertainment.
“May mga nakaabang sa labas. Pag lalabas yung kotse, may mga naka[hawak ng] kutsilyo,” aniya.
Dahil daw sa labu-labong sitwasyon na iyon, at nagsama na sina Bing at Janno, naging balakid ito sa teamup nina Janno at Manilyn.
Mayroon silang pelikulang naantala ang shooting, ang Feel na Feel.
Kalaunan, itinuloy ang kanilang tanyag na love team kahit “magulo.”
Nag-resume ang shooting ng Feel na Feel (1990), subalit hindi sila nag-uusap noon.
Read: Bea Alonzo-Vincent Co wedding faces delays amid prenup, family issues
JANNO ASKS FOR MANILYN’S FORGIVENESS
Sinabi rin ni Manilyn sa isang punto ng interview na nasaktan siya dahil nagkaroon sila ng relasyon ni Janno at hindi dahil love team lang sila.
Humingi naman ng sorry si Janno kay Manilyn.
Ito raw ang unang beses na pinag-usapan nila ang bahaging iyon ng kanilang nakaraan.
Sabi ni Janno, “I think I’ve never said this publicly or even to you na, I’m sorry if I hurt you. Sorry for the hurt I caused you.”
Ayon pa kay Janno, bagamat matagal na silang nagkabati at naging magkaibigan, hindi raw niya inihingi ng tawad na nasaktan niya si Manilyn.
“Kahit magkaibigan na tayo nang matagal, hindi ko pa nasasabi sa iyo,” aniya.
Sagot ni Manilyn, “Okay na iyon.”
Saka sila nagyakap ni Janno.
MANILYN TELLS BING: “HINDI AKO GALIT SA YO.”
May mensahe rin si Manilyn kay Bing sa interview.
“Ngayon niyo lang siguro maririnig, ‘no,” ani Manilyn, bago niya hinarap si Bing.
“Hindi ako galit sa yo. Hindi ako galit sa yo. Totoo.”
Nagpasalamat si Bing kay Manilyn matapos itong marinig.
Sabi pa ni Manilyn, “Kasi akala ng tao talaga parang [ang] sama, sama, sama ni Bing. Hindi. Para lang maklaro ko lang.”
Giit ni Manilyn, “Hindi ako galit sa iyo, kahit kailan.”
Dito na rin umamin si Bing.
Sabi niya, “Kasi isa iyon sa mga sinabi ko kay Janno, na gusto kong tanungin sa yo, kung nasaktan ba kita.”
Tiniyak muli ni Manilyn na wala siyang naging galit kay Bing.
Matapos kasi ang pangyayaring iyon, lumipas ang mga taon at nagkukrus ang kani-kanilang mga landas at nagkakasama sa mga proyekto.
Subalit hindi nila pinag-usapan ang nangyari.
“We never had any confrontation,” sabi ni Bing.
“Wala kaming usap, at never about what happened,” sundot ni Manilyn.

MANILYN REVEALS WHY JANNO RECONCILED WITH BING
Sa interview sa kanya ni Snooky Serna sa YouTube noong May 1, inihayag ni Manilyn ang rason kung bakit kahit magkarelasyon sila ni Janno, mas pinili nito si Bing.
Nang mag-break noon sina Bing at Janno, naging magkarelasyon sina Manilyn at Janno.
Hindi nagtagal, natuklasang buntis pala si Bing.
“Sabi ko, mas kinailangan ni Bing at magiging baby nila ni Janno, more than kailangan ko siya nung time na yon,” sabi ni Manilyn sa interview sa kanya ni Snooky.
“Ang tawag doon pakiramdam, puso sa puso, babae sa babae, lalo na’t magiging nanay.
“E, sino ako para pigilan yon, di ba? Hadlangan ko ba iyon?”
Pagpapatuloy ni Manilyn: “Masakit? Oo. Mas madaling sabihin kesa gawin? Oo.
“Pero laking ginhawa ng naramdaman ko nung nalaman ko, nung ginawa ko iyon na wala akong pinigilang chance na magkasama at mabuo sila.”
Si Manilyn ay ikinasal sa dating aktor at dating kasamahan sa That's Entertainment na si Aljon Jimenez.
Nabiyayaan sila ng tatlong anak.
