Ilang araw matapos isiwalat na tatlong taon na ang relasyon nila ng kanyang Thai boyfriend na may initials na J.I. ang pangalan, naglabas ng lengthy post sa Facebook si Kim Domingo bilang sagot sa malisyosong paninira sa kanya ng isang controversial social media personality.
Kahit hindi naman kailangan, magalang na nagpaliwanag at nagkuwento si Kim sa publiko tungkol sa kanyang madalas pagpunta sa Thailand at ang mga nangyayari sa personal na buhay niya dahil marami umano ang nagtatanong.
Saad niya (published as is): “Madaming nagtatanong sa akin kung totoo ba or hindi.
"Isa lang po ang isasagot ko, kayo na ang bahala dahil kung itatanggi ko, meron at meron pa ding masasabi.
“Kung sasabihin ko naman na totoo, meron at meron pa ding masasabi. Madami na ang tao ang humatol sa akin agad.
“'Bakit ngayon mo lang nilabas boyfriend mo kung kailan may issue?'"
Hindi direktang tinukoy ni Kim kung anong isyu ang itinatanong sa kanya, ngunit ilang araw nang usap-usapan ang social media post ng online personality tungkol kay Kim na nag-uugnay sa kanya sa isang politiko.
Sa loob ng tatlong taon ay inilayo raw ni Kim sa mata ng publiko ang pribado niyang buhay, bunsod ng aral na natutunan niya nang isapubliko niya noon ang dating pakikipagrelasyon na hindi naging maganda ang kinalabasan.
Sabi pa niya sa nagdaang relasyon, “Nasira ang kanya-kanya naming buhay. Iskandalo dito, iskandalo doon. At yun ang iniiwasan ko ng maulit.
Read: Kim Domingo speaks up on breakup with boyfriend Mark Acuna
SUPPORTIVE BOYFRIEND
Nitong mga nakalipas na taon ay naging pangalawang tahanan ni Kim ang Thailand, kung saan naninirahan ang kanyang Thai boyfriend.
Kung hindi man daw siya makalipad sa Thailand ay ang boyfriend niya ang nagpupunta rito sa Pilipinas.
Lahad ni Kim: "Kahit may trabaho ako, lumilipad ako doon para makahinga.
"Doon ko nahanap ang peace and safety na hindi ko mahanap-hanap dito sa Pilipinas.
"Doon simpleng tao lamang ako. Hindi po ako si Kim Domingo doon.
“Kung hindi man ako makapunta ng Thailand, partner ko ang pumupunta dito sa Pilipinas."
Ibinahagi rin ni Kim na maraming pagkakataon na sinasamahan siya ng kanyang boyfriend sa trabaho niya, ngunit tahimik lamang daw itong sumusuporta sa kanya.
Minsan nga raw ay nasa loob lamang ng sasakyan ang boyfriend at ilang oras na naghihintay na matapos ang taping ni Kim.
Pagmamalaki pa ng aktres: “Ganun ka-supportive ang partner ko pero tahimik lang kami. Ganoon namin iningatan ang relasyon namin dalawa."
Ngunit dahil sa malisyosong balita na nag-uugnay kay Kim sa isang politiko, napilitian daw siyang isapubliko ang kanyang relasyon.
Ito ay bilang respeto na rin daw sa boyfriend niya at sa pamilya nito.
Sabi pa ni Kim, "At tingin ko na dapat malaman ninyong lahat na ang current partner ko po ay isang Thai national. We’ve been together for three years.”
Read: WHAT PEP KNOWS. Bea Alonzo-Vincent Co Wedding: Is it on or is it off?
KIM DOMINGO'S MESSAGE TO ONLINE PERSONALITY
Nagbigay rin ng pahayag si Kim tungkol sa kontrobersiyal na online personality na naglabas ng malisyosong balita tungol sa kanya.
Ayon kay Kim, nakita pa raw niya ang nasabing personalidad sa isang music festival sa Thailand.
Pagbabahagi niya: "Actually, last September, nakita namin siya ng boyfriend ko sa isang Music Festival sa Thailand.
"Nagkatinginan lang kami. Nahiya lang ako batiin siya pero alam kong siya yun.
“Kasama namin ang mga Thai friend ng partner ko. At siya din ay mga kasama. Lahat kami ay nag- e-enjoy nung gabi na iyon."
Nilinaw ni Kim na wala raw siyang galit sa taong tinutukoy niya.
Saad niya: “Wala akong galit sa yo.
"Ikaw lang ang nakakaalam ng rason kung bakit mo yan ginagawa. Or kung bakit mo yan kailangan gawin.
“Hindi ko sasabihin na sinungaling ka, hindi ko din sasabihin na nagsasabi ka ng totoo.
"Hindi ko din sasabihin na masamang tao ka. Bahala na ang mga tao ang humusga sa atin.
"Hindi din ako maghahangad sa yo ng masama. Bagkus, hinihiling ko na magkaroon ka ng peaceful life, more blessings at more happiness pa sa buhay mo.
"After ng lahat ng ito, respeto pa din po ang ibabalik ko sa yo.”
Read: Kim Domingo hard-launches boyfriend of three years
MESSAGE TO BASHERS
Bukod sa online personality na naglabas ng mapanirang balita laban sa kanya, may mensahe ring ipinarating si Kim para sa mga taong hinusgahan siya.
Karamihan daw sa mga ito ay mga kapwa pa niya babae.
Ani Kim: “At sa mga taong nanghusga, bumatikos sa akin, at mga taong hinila ako pababa na ang karamihan ay mga kapwa ko babae pa.
“Maraming salamat pa din sa inyo. You are all forgiven.
"At gusto ko malaman nyo, kahit anong ipukol nyo sa akin, nakayakap ang nasa Itaas sa akin.
"Pinagdasal ko na din po kayong lahat na sana mahanap nyo din ang peace at tunay na kasiyahan sa mga buhay nyo.
“Dahil sa pag-uugali na pinakita nyo, alam ko na hindi kayo totoong masaya at may kulang sa buhay nyo.
“Iba ang taong walang kaaway, kagalit or sama ng loob sa kahit sino man. Kahit gaano pa kasama at kasakit ang ibalik sa yo ng mundo.
“Kapag may grateful and forgiving heart ka, napakasaya at napakapayapa ng isip at puso mo. Yun ang hinding-hindi mabibili ng pera.
“I’m truly grateful sa Panginoon kung nasaan man ako ngayon. Minsan mahirap ang dadaanan ko pero alam ko after nun, may naghihintay sa akin na napakagandang pangyayari.
“Everything happens for a reason. Kasama ko ang pamilya ko, mga tunay kong kaibigan at ang taong pinakamamahal ko.
“Masayang masaya kami. We are truly blessed. Wala man kaming P400-500 million pero masasabi ko na daig pa namin ang mga bilyonaryo sa peace of mind at grateful heart na meron kami.
“Thank you sa mga tunay na nagmamahal, sumusuporta at sa mga taong patuloy na nagtitiwala sakin. God bless po sa ating lahat.”
Read: Gil Cuerva opens up about trauma, double standard after scandal