Plano ni Senator Robin Padilla na maghain ng ethics complaint laban kay Senator Kiko Pangilinan sakaling hindi ito humingi ng tawad sa kanya sa plenaryo ng Senado.
Ito ang pahayag ng actor-politician tungkol sa tensiyonadong engkuwentro nila ni Kiko sa Senate plenary session kahapon, May 12, 2026.
"Mag-apologize siya. Kailangan sa plenary niya gawin, kasi sa plenary niya ako sinigawan, e," sabi ni Robin, ayon sa ulat ng GMA News Online.
Kinuwestiyon niya kung nasa rules daw ba ng Senado na maaaring sigawan ang kapwa senador.
“Hindi ko matatanggap yung natural ang sigawan. Not me. Sila, kung gusto nila magsigawan sila. Hindi ako kasama dun," saad ni Robin.
Read: Robin and Kiko clash during heated Senate exchange
KIKO PANGILINAN STATEMENT
Agad namang naglabas ng opisyal na pahayag si Kiko hinggil sa isyu.
Sa kanyang Facebook post, ipinaliwanag ng beteranong senador na hindi niya ginusto pero hindi raw maiiwasan sa isang mainit na debate ang magkataasan ng boses.
"Kung laban sa ethics yun, marami na sanang mga senador ang sinampahan at pinarusahan," depensa ni Kiko.
Sabi pa niya: "Huwag maging balat sibuyas.
"Walang legal na basehan at walang kwenta ang ethics case complaint na yan.
"Hintayin na lang natin yung reklamo nya."
Handa raw si Kiko sakaling ituloy ni Robin ang paghain ng reklamo sa kanya.
Binanggit din niyang "pa siga siga" si Robin noong nagkausap sila habang recess ng plenary.
Iyon yung insidenteng sinubukan niyang makipagkamay pero tumanggi si Robin.
Sa mga kumalat na video ay hindi gaanong dinig kung ano ang takbo ng usapan nila.
Pagsisiwalat ni Kiko (published as is): "Kung sakali man, sasagutin ko ng kontra-reklamo sa Ethics Committee sa kanyang paglabag sa parliamentary rules at pagiging out of order at sa kawalan ng proper decorum, ang pagbabanta sa akin, pananakot at paninindak sa akin sa plenary session kanina habang naka recess.
"Hindi uubra ang pambubully at pa siga siga sa akin.
"Mas may basehang kasuhan yang pasiga-siga, pambabastos at ang kawalan ng proper decorum sa kapwa senador sa Senado. Lahat on record.
"Ayaw ko ng away. Hindi ako palaaway pero hindi ko aatrasan ang sinuman kung ang gusto ay ganitong walang kwentang kasuhan."
Read: Agot Isidro slams 13 senators who voted for Alan Peter Cayetano
WHAT HAPPENED?
Noong plenary session, naghayag si Robin ng simpatiya sa kaalyadong si Senator Bato dela Rosa na may nakaambang warrant of arrest mula sa International Criminal Court.
Sabay umapela siya sa mga kapwa senador na magkaisa sa pagprotekta kay Dela Rosa na nasa kustodiya ng Senado ngayon.
Nagpaalala naman si Kiko na hindi na dapat takalayin sa plenary ang isyu dahil may hiwalay na komite na para rito.
Hindi pa tapos magsalita si Kiko nang sinubukan ni Robin na sumingit nang bahagyang tumaas ang boses.
Hindi naman pumayag si Kiko na basta na lang siyang i-interrupt ni Robin, kaya tinaasan din niya ang boses at idiniing hindi pa tapos ang oras niya para magsalita sa plenary.
