Nagpapasalamat si Jhong Hilario sa GMA Pictures sa pag-restore ng Muro-Ami, ang classic Filipino film na nagbigay sa kanya ng una niyang acting award.
Ito ang ipinahayag niya sa press sa advanced screening ng pelikula noong Martes, May 19, 2026, sa SM North, Quezon City.
Noong 1999 pa ipinalabas ang Muro-Ami, na isa sa mga masterpiece ng namayapang direktor at National Artist na si Marilou Diaz-Abaya. Bida sa pelikula si Cesar Montano at tampok din sina Pen Medina at Amy Austria.
Dahil 27 years ago na ito, dumaan sa mabusising restoration ang pelikula para ma-preserve ito.
Sa June 3 ipapalabas sa mga sinehan sa buong bansa ang remastered version ng Muro-Ami. Hiling ni Jhong, sana raw ay mapanood ito ng kabataan.
“Sobrang grateful na mapapanood ng mga Gen Z, ng next generation, kasi nga, dahil siyempre, pinaganda pa ang film. Mas malinaw, digital. Binuhay ng GMA yung legacy ni Direk Marilou-Diaz Abaya,” saad niya.
Sa pelikula, gumanap si Jhong bilang Botong, isang mangingisda na nagre-recruit ng mga mga bata para sa muro-ami, o ang ilegal na uri na pagsira sa mga coral reefs upang maglabasan ang mga isda.
Nanalo ang Streetboys dancer ng Best Supporting Actor award sa PMPC Star Awards for Movies noong 2000 para sa role na ito.
Matapos ipalabas ang pelikula noong 1999 ay agad na umaksyon ang gobyerno upang ipagbawal ang muro-ami at palakasin ang mga batas laban sa child labor at exploitation.
Read: Catriona Gray on rumored foreigner boyfriend: “I’m happy.”
JHONG HILARIO ON ADVOCACY OF MURO-AMI
Sa pagpapalabas muli ng Muro-Ami ngayong taon, nais ni Jhong na magkaroon muli ng parehong impact ang pelikula upang mapangalagaan ang mga karapatan ng kabataan.
“Siyempre yung government natin, sana mapanood din nila 'to, ng lahat, please, di ba? Kasi para alam nila kung gaano kahirap ang buhay, kung gaano ginagawa ng mga tao na gumawa ng masama dahil sa hirap.
"So, I think siguro kailangan natin ng maayos na Pilipinas para naman sa future ng mga bata,” saad niya.
Umaapela ang TV host na matigil na ang awayan sa pamahalaan upang matutukan na ang mga importanteng issue tulad ng child labor.
“Wala naman tayong ibang hinihiling kundi maging maayos, kasi ang gulo ng gobyerno natin. The government natin, hindi nila maayos yung problema ng Pilipinas.
"So napaka-importante na magkaroon ng maayos na pamamahala kasi dun mag-uugat yun, e. Kasi tayo naman, susunod lang tayo sa batas kung anong mga pinapatupad dito.
"So kung merong maayos na batas, kung merong maayos na government, sure sunud-sunod na yan. Yun lang naman hinihingi natin and sana makita nila 'to, maramdaman nila kung bakit nagkakaroon ng ganitong mga child labor."
Read: KC Concepcion preparing for comeback, wants to regain screen look
ON DAUGHTER SARINA
Sa parte niya, tinitiyak ni Jhong na hindi daraan si Sarina sa parehong issue.
Si Sarina ang anak ni Jhong at ng asawa niyang si Maia. Kahit four years old pa lang ito, sikat na siya sa social media dahil maraming natutuwa sa kabibohan niya. Paminsan-minsan ay lumalabas din siya sa It’s Showtime.
Nangangako si Jhong na hindi niya pipilitin si Sarina na magtrabaho agad kung hindi siya kumportable.
“Sinisiguro ko na hindi ko ipu-push si Sarina dun na magtrabaho. Kaya ang ginagawa talaga namin, yung pagiging bata niya, talagang pina-feel namin, kung ano yung gusto niya bilang bata binibigay namin,” saad niya.
Aniya, nais niya lamang na ine-enjoy ng anak ang pagpapakita ng sariling talent.
“Bonus na lang yan na gusto rin, ginagawa niya sa dancing, sa singing. So bonus na lang yun. Pero as a father talaga, sabi ko hindi ko ipu-push yung anak ko na... talagang magtatrabaho siya. As long as na-e-enjoy niya naman, ok lang.”