Umaalagwa na muli ang karera ni Anthony Jennings.
Bukod sa mga bagong TV show at pelikula ay may nagtitiwala uli sa kanyang mga brand para gawin siyang endorser.
Masaya ang Kapamilya actor sa pagbangon muli ng kanyang career matapos masangkot sa cheating scandal, kasama ang kapwa niya Kapamilya star na si Maris Racal, bago matapos ang 2024.
Read: Maris Racal breaks silence after revelations of Anthony's ex
Maliwanag ang aura ni Anthony nang humarap siya sa entertainment press sa launch ng kanyang bagong endorsement sa Kyukyu Ramen 99 kahapon, May 25, 2026.
Tanong ng Philippine Entertainment Portal (PEP), inasahan ba niyang magbu-boom muli ang kanyang showbiz career?
“Hindi, e, actually,” sagot ni Anthony.
“As much as, kung alam mo naman sa sarili mo na be a good person na talaga, and everything will follow. Alam mo yun?
"Uhm, ako, masaya ako sa kung nasaan ako ngayon. And happy and content naman.”
Marami raw natutunan si Anthony sa pinagdaanang pagsubok.
Ngunit diin niya, ang pinakaimportanteng lesson ay ang pagiging mabuting tao.
“Sobrang dami, ang dami kong masasabi talaga.
"Pero siguro ang pinakaimportante na lang... be a good person talaga para sa 'kin.
"Kasi, ayun nga, everything will follow,” paliwanag pa ni Anthony.
NURSE THE DEAD
Isa sa mga bagong proyekto ni Anthony ay ang Nurse the Dead, isang comedy series na kinunan sa Los Angeles, California.
Sa iWant ipalalabas ang English-Filipino show na may pagka-supernatural din.
Kuwento ng Incognito actor, masaya siyang makatrabaho ang mga U.S.-based Filipino actors na sina Ruby Rodriguez, Princess Punzalan, Gigette Reyes, at Tootsie Guevarra.
Co-star din nila ang Filipino-American host na si Jelynn Malone.

“Parang feeling ko nga nasa Manila shoot din ako, e. Alam mo yon?
"Kasi, buti nga, may mga Filipino co-actors ako dun. Kasi kung wala, feeling ko kakabahan ako kapag ako lang mag-isa, e.
"Medyo nakakagaan din ng loob na may kasama akong cast na Pilipino din,” saad niya.
Pinuri ni Anthony ang Pinoy co-actors niya dahil magaling pa rin daw umarte ang mga ito kahit na hindi na sila masyadong active sa showbiz.
“Sobrang galing na sobrang wala akong masabi talaga.
"Like, yung rhythm ng comedy nila dun, yung rhythm ng eksena nila, iba na, American style na, pero nandun pa rin yung pusong Pilipino.”
Kinailangan daw niyang mag-adjust sa American-style comedy.
“Pag American, iba yung humor nila, di ba?" sabi ni Anthony.
"Unlike sa atin, sa atin medyo may pagkaano pa rin, e, yung OA na slapstick, di ba, meron pa tayong konting ganon, e.
"Ngayon, doon na-realize ko na yung pagiging authentic lang, na alam mo yon, normal lang siya kahit binabato nila yan, nagpapatawa sila, parang hindi pa rin sila nagpapatawa.”
Sa huli, ipinahayag ng aktor na excited na siyang mapanood ng lahat ang Nurse The Dead.
“Ipapakita namin doon yung grief, yung lumbay ng isa't isa, yung sakripisyo ng mga nurses natin.
"So, sana panoorin ng mga kababayan nating Pilipino. Sobrang nakaka-proud,” sabi ni Anthony.
Read: Amy Austria explains why she never stresses over "pasaway" co-stars on set