Pormal na sinampahan ng Office of the Ombudsman ng kasong plunder at dalawang bilang ng graft si Senator Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan.
Kaugnay ito ng diumano'y pagkasangkot niya sa maanomalyang flood control projects sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kapwa niya akusado si dating Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan.
Dawit din sina Manny Bulusan, Arturo Gonzalez Jr., at Denryl Caesar Cortuna—na pawang district engineers ng DPWH National Capital Region (NCR).
Sa ulat ng GMA News Online noong Huwebes, May 28, 2026, ipinaliwanag ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na nag-ugat ang mga kaso sa "intricate mechanism" sangkot ang "illegal budgetary insertions and project allocations" para sa DPWH projects noong 2025.
Base umano sa "case records" mula sa imbestigasyon, umabot ng PHP573 million ang kabuuan ng "illicit payouts" na sistematikong nai-deliver umano kay Estrada.
"Our evaluation shows that substantial public funds were deliberately funneled into designated infrastructure projects in exchange for predetermined commission fees or kickbacks," sabi pa ni Clavano.
Wala raw bail na inirekomenda ang Office of the Ombudsman.
Samantala, hindi kasama sa inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) na makasuhan sina DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, dating NCR Director Gerard Opulencia, at dating DPWH Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara.
Matatandaang kasama sila sa mga naipatawag noon sa Senate Blue Ribbon Committee na nag-imbestiga sa flood control controversy.
Sila ngayon ay itinuturing na mga state witness.
Read: Jinggoy Estrada, inireklamo ng perjury si Brice Hernandez
JINGGOY ESTRADA OFFICIAL STATEMENT
Itinanggi ni Estrada ang mga paratang sa kanya.
Sa kanyang opisyal na pahayag, sinabi niyang nakatakdang iapela ng kanyang mga abogado ang aniya'y "iregularidad sa naging proseso" pati na ang hindi pagkonsidera sa mga ebidensiyang magpapatunay na hindi totoo ang alegasyon sa kanya.
HIndi raw siya nabigyan ng pagkakataong maghain ng mosyon sa DOJ bago isinampa ang kaso sa Sandiganbayan.
Pag-alma niya, hindi siya nabigyan ng tamang "due process."
Katuwiran pa ni Estrada, nag-isyu ang Senate Legislative Budget Research and Monitoring Office ng certificate na nagsasabing walang record na naglagay siya ng insertion sa 2025 national budget.
Nagpatutsada si Estrada na napabilis umano ang pagsampa ng kaso sa kanya matapos ang pagbabago sa liderato sa Senado.
Si Estrada ay kasama sa kasalukuyang majority bloc ng mga senador.
Sabi naman ni Clavano, hindi sapat ang certificate mula sa Senado para masabing walang naganap na insertion.
Aniya, "This certificate does not capture all stages of the budgetary process wherein insertions may be made in a layered method."
Read: Robin Padilla faces backlash over "force majeure" argument
