Ilang araw matapos ibasura ang reklamong child abuse laban kay Rob Sy at sa partner nitong si Jovelle Bacosa, umalma na naman ang aktor laban sa mga "maling paratang" na muling ipinupukol sa kanyang pamilya.
"Nais naming ipaalala sa publiko ang isang simpleng katotohanan, na ang akusasyon ay hindi kailanman magiging kapalit ng tunay na mga ebidensya kahit na paulit ulit pa na sinasabi sa media," giit ni Rob sa kanyang Facebook post nitong Linggo, May 31, 2026.
Pagpapatuloy pa niya, "Mariin din naming itinatanggi ang alegasyon na kumakalat o pinapakalat ng umano’y 'paulit-ulit na bullying.' Nais po naming linawin na ang aming anak ay HINDI bully."
Noong Abril 13, 2026, naghain ng reklamong Paglabag sa Section 10(a) ng Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination ang mag-asawang Alfred Vargas at Yasmine Espiritu-Vargas laban kina Rob at Jovelle sa Office of the City Prosecutor ng Manila.
Base sa isinumiteng affidavit nina Alfred at Yasmine, may ilang insidente na binully diumano ng anak ni Rob ang anak ng mag-asawa.
Parehong menor de edad ang mga bata.
Binalewala umano nina Rob at Jovelle ang makailang-beses na pakiusap nina Alfred at Yasmine na ayusin ang isyu.
Nagdesisyon umano sina Alfred at Yasmine na maghabla dahil sa sumunod na insidenteng naganap noong February 2026.
Read: Alfred, Yasmine file complaint vs parents of son's alleged bully
Sa resolusyong inilabas ng Office of the City Prosecutor ng Manila noong May12, 2026, ibinasura ang mga reklamong inihain nina Alfred at Yasmine laban kina Rob at Jovelle.
Wala raw sapat na basehan ang alegasyon laban kina Rob at Jovelle.
Read: Child abuse complaint vs Rob Sy and partner junked
COURT DECISION SAYS IT ALL
Ayon kay Rob, patunay na walang kasalanan ang kanyang anak ay ang pagpanig dito ng piskal base sa desisyong ibinaba noong nakaraang buwan.
"Ang ganitong paratang ay nananatiling walang sapat na ebidensyang sumusuporta rito," sabi ni Rob sa pagpapatuloy ng kanyang Facebook post.
"Higit pa rito, malinaw ang nilalaman ng 10-pahinang public document na Resolution ng Tanggapan ng City Prosecutor's Office of Manila na maingat na sinuri ang mga alegasyon at naglatag ng mga dahilan kung bakit hindi ito nakitaan ng sapat na batayan upang umusad at mabasura ng hindi man lamang umabot sa korte."
Naiintindihan daw ni Rob ang karapatan ng kabilang kampo na tutulan ang naunang desisyon sa pamamagitan ng pag-file ng appeal.
"Gayunman, hindi namin hahayaan na muling manaig ang Trial by Publicity o ang pagpapakalat ng mga maling naratibo sa social media laban sa aming pamilya," himutok ni Rob.
"Kung kailangan na kami ay imbitahan ng sino man na nais hingan kami ng reaksyon para magsalita ng direkta sa mga nangyari, kami ay handang magsalita sa larangan ng katotohanan at bilang reaksyon sa mga paratang laban sa amin sa social media."
Read: Alfred Vargas to "pursue legal remedies" vs Rob Sy and Jovelle
ROB SY: "public office is a public trust"
Pinasaringan din ni Rob ang mga opisyal ng gobyerno na huwag abusuhin ang kanilang kapangyarihan at estado para sa pansariling interes.
"Ang mga halal na opisyal ay inaasahang maging huwaran ng paggalang sa batas at sa karapatan ng mga ordinaryong pamilya, lalo na ng mga kababaihan at mga bata," sabi ni Rob.
"Nakalulungkot isipin na may mga pagkakataon kung saan ang mga mismong may pampublikong tungkulin ay tila mga nang-aabuso sa mga walang kalaban-labang indibidwal."
Bagamat hindi pinangalanan, hindi mahirap isipin na ang pinatatamaan ni Rob ay si Alfred na kasalukuyang nakaupo bilang councilor sa Quezon City.
"Nananatili kaming kalmado at kampante sapagkat nasa aming panig ang mga opisyal na dokumento, mga clinical validation, at higit sa lahat ay ang katotohanan," sambit ni Rob.
"Sa puntong ito, hindi na namin nais makisali sa ingay ng kontrobersiya. Ang prayoridad namin ay ang kapakanan, katahimikan, at paghilom ng aming anak."
Mananatiling bukas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa panig ng lahat ng sangkot sa isyung ito.