Nostalgic ang muling pagsasama-sama ng original cast members ng defunct Kapamilya sitcom na Home Along Da Riles sa special screening ng kanilang reunion movie, ang Home Along Da Riles: Da Reunion.
Present sina Nova Villa (Azon), Claudine Barretto (Bing), Vandolph (Baldo), Boy 2 Quizon (Estong), Smokey Manaloto (Bill), Gio Alvarez (Bob), at Maybelyn dela Cruz (Maybelle).
Ginanap ito sa The Metropolitan Theater sa Manila noong June 2, 2026.
Umere ang Home Along Da Riles sa ABS-CBN mula 1992 hanggang 2003, at bahagi na ito ng buhay ng karamihan sa mga batang '90s.
Sa pagsasapelikula nito 23 taon mula nang huli itong ipalabas sa ABS-CBN, inaasahang manunumbalik ang mga paboritong katatawanan, kulitan, at light drama na tatak ng beloved sitcom.
Sa speech ni Vandolph bago ang screening, hindi niya nakaligtaang magpasalamat sa dating home network, ang ABS-CBN, na may copyright ng sitcom.
"Siyempre, hindi magiging totoo ang pangarap na ito kung hindi siyempre dahil sa ABS-CBN at Tita Cory, sa pagtulong sa akin, at sa pagbibigay ng tiwala, at sa pagpapahiram ng franchise.
"Maraming salamat, Tita Cory, at sa buong bumubuo ng ABS-CBN."
Ang tinutukoy niyang "Tita Cory" ay si Cory Vidanes, chief operating officer ng ABS-CBN.
Ang Home Along Da Riles: Da Reunion movie ay iprinodyus ng Riles Production, ang production company na pag-aari nina Vandolph at Boy2.
Si Boy2 ang nagdirek ng pelikula, na ayon kay Vandolph ay two years in the making.
Read: Home Along Da Riles: Da Reunion set as Father’s Day tribute film
VANDOLPH ON HOME ALONG DA RILES CO-STARS
Sa pagpapatuloy ng kanyang speech, nagbigay-pugay si Vandolph sa mga kasamahan sa show na aniya'y naging malaking parte na ng kanyang kabataan.
Siya ay 42 taong gulang ngayon.
"Alam niyo po, itong Home Along Da Riles, dito po ako lumaki. Marami po kaming tumanda dito.
"Andiyan si Maybe, si Gio, dati ang galing pa sumayaw, ngayon masakit na ang likod. Si Tita Nova, siyempre, hanggang ngayon, fresh na fresh. Si Ate Dang, napakaganda pa rin.
"Si Ate Claudine, hindi nagbabago, di ba? Si Boy2, tumanda na lang kasi nag-direct siya ng two years, tumanda na konti, pero pogi pa rin."
At ngayon po, siyempre si Baldo tumatanda na rin. Kailangan mag-asawa. Hindi naman ako si Smokey na palaging basted.
"Kaya andiyan din po ang mahal kong asawa, si Jenny, at si Vito, ang aming anak."
Ang asawa ni Vandolphy na si Jenny at anak na si Vito ay bahagi ng reunion movie.
Batang-bata pa si Vandolph nang gawin niya ang Home Along Da Riles noon.
Pagbabalik-tanaw niya: "Alam niyo po, sa Home Along ako natuto ng mga tamang acting kasi I was, like, six? Five years old?
"Pinapaanod ko lang po ang aking ama kung paano umarte, si Tito Babalu kung paano umarte.
"Parang napakaimportante po ang kanyang ginagawa para sa akin dahil sa simpleng pagpapatawa, napapasaya niya ang taong-bayan o mga manonood."
Sa puntong ito, inalala ni Vandolph ang legacy ng ama at King of Comedy sa loob ng halos pitong dekadang karera nito sa Philippine entertainment industry.
Pumanaw si Dolphy sa edad na 83 noong 2012.
"Isipin niyo po, noong ang tatay ko ay binuburol, may free viewing. May lumapit po sa akin na lola at umiiyak. Ang sabi niya po sa akin, 'Alam mo, mapanood ko lang tatay mo kahit isang oras, nawawala ang gutom ko, nakakalimutan ko ang problema.'
"Kaya po, iyan ang pinakamagandang mapapamana sa yo ng iyong ama. Kaya, Papa, maraming-maraming salamat po."
Read: Boy2 Quizon brings back Cita Astals for Home Along Da Riles movie
IN MEMORIAM
Hindi maiwasang maging sentimental ni Vandolph dahil may ilang cast members ang Home Along Da Riles na pumanaw na.
Bukod kay Dolphy na gumanap bilang Kevin Cosme, ang favorite archnemesis nito sa sitcom na si Babalu, aka Ritchie, ay naunang pumanaw noon pang 1998.
Pumanaw na rin si Bernardo Bernardo, aka Steve, noong 2018; pati na si Tommy Angeles, aka Mang Tomas, noong 2002.
Pero kahit hindi na nila kapiling ang mga ito sa reunion movie, iginiit ni Vandolph na mananatili sa alaala nila ang mga karakter na ito na minahal ng Kapamilya viewers noon.
Ang Home Along Da Riles: Da Reunion movie ay ipalalabas na simula sa June 17.
