Ibinahagi ni Ateneo de Davao basketball coach Jess Linus Evangelio ang nakakaantig na pangako ng Palarong Pambansa 2025 MVP na si Rene Clert Baterbonia.
Ipinarating daw ito ni Baterbonia sa kanya bago lumipad ang 19-year-old basketball player papuntang Maynila para sa kanyang opisyal na pagsali sa Ateneo Blue Eagles ng Ateneo de Manila University (ADMU).
Mensahe ni Rene sa wikang Bisaya na ibinahagi ni Evangelio sa Facebook nitong Martes, June 9, 2026: "Coach dili sa ko mubalik mga 5 years sa Davao kay gusto nako pag madato ko ma ahon nako ako pamilya sa ka pobre."
Kapag isinalin sa Tagalog: "Coach hindi muna ako babalik ng mga 5 years sa Davao dahil gusto ko na magtagumpay para maiahon ko ang pamilya ko sa kahirapan."
May matitindigan ang mga salita ni Baterbonia. Siya ay hinirang na Most Valuable Player (MVP) sa katatapos lamang na Palarong Pambansa 2025.
Ngunit binawian siya ng buhay noong Lunes ng hapon, June 8, 2026. Ayon sa mga unang report, nalunod ito habang nagti-training sa Dipaculao, Aurora.

Kasama niyang nasawi ang kapwa ring player, ang Nigerian na si Divine Adili, 21.
Ayon sa initial findings ng Police Regional Office 3 (PRO-3), naliligo umano ang dalawa nang tangayin sila ng malakas na agos patungo sa mas malalim na bahagi ng karagatan.
Naisugod pa raw sina Baterbonia at Adili sa pinakamalapit na ospital, ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay.
Wala rin umanong foul play at "pure accident" ang pagkasawi ng dalawang basketbolista.
Read: PNP Aurora rules out foul play in deaths of two Ateneo players
COACH JESS EVANGELIO: "ang iyong pamana ay mananatili magpakailanman."
Hindi pa rin makapaniwala ang longtime coach ni Baterbonia na wala na ang pinakaiingatan nilang MVP ng Davao.
Malaki raw ang naging impluwensiya ni Baterbonia sa mga batang atleta doon na katulad niya ay nangangarap ding magtagumpay.
Madamdaming mensahe ni Jess Evangelio sa kanyang post: "Hindi pa rin namin matanggap na wala ka na. Napakabata mo pa at napakarami mo pang pangarap na gustong maabot.
"Mula sa Agusan, naging inspirasyon ka ng napakaraming kabataang atleta na nangangarap ding makilala at magtagumpay sa larangan ng basketball."
Hitik din daw sa disiplina at kababaang loob ang puso ni Baterbonia.
Hindi raw lumaki ang ulo nito kahit maraming pumupuri sa kanya bilang mahusay na atleta.
Sa salita ng Ateneo de Davao coach: "Hindi ka lang isang mahusay na manlalaro. Isa kang atleta na may puso, disiplina, at kababaang-loob.
"Palarong Pambansa MVP, Ateneo standout, at isa sa mga pinakamahuhusay na batang talento sa Philippine basketball. Alam naming lahat na napakalayo pa sana ng mararating mo."
Malinaw na mahirap lamang ang pamilya ni Baterbonia. Ito nga raw ang nagsisilbing motibasyon niya sa pagpupursige nito sa basketball.
Dagdag ni Evangelio: "Masakit isipin na sa isang iglap, natapos ang isang kwentong nagsisimula pa lamang.
"Ang batang dating nangangarap para sa kanyang pamilya, para sa Agusan, at para sa kanyang kinabukasan ay nag-iwan ng bakas na hindi kailanman mabubura."
Sa isang post sa X, makikita ang kasimplehan ng buhay ni Rene at ng kanyang pamilya noong siya ay paalis na sa kanilang tahanan para tuparin ang pangarap para sa kanyang pamilya.
Makikita rin ito sa isang Facebook post.
Payak lamang talaga ang kanilang pamumuhay.

Read: Who is Rene Clert Baterbonia?
"Pahinga ka na, MVP."
Sa pagtatapos ng kanyang post, pinaulanan ni Evangelio ng papuri ang pumanaw na atleta sa gitna ng kanilang pagluluksa.
Kahit daw nilisan na ni Baterbonia ang entablado ng baskteball, kung saan siya nagningning, nakatatak naman daw ang pangalan nitong mananatiling buhay sa kanilang alaala at inspirasyon ng mga atletang nangangarap katulad niya.
Saad ni Evangelio: "Ngayon, hindi lang namin ipinagluluksa ang pagkawala ng isang mahusay na atleta. Ipinagluluksa rin namin ang pagkawala ng isang mabuting anak, kaibigan, kakampi, at inspirasyon sa napakaraming tao.
"Hindi ka na namin muling makikitang tumakbo sa court, makipaglaban sa bawat laro, at habulin ang mga pangarap na alam naming kayang-kaya mong abutin. Ngunit ang iyong pangalan, mga tagumpay, at alaala ay mananatiling buhay sa puso ng bawat taong iyong naantig at nabigyang-inspirasyon.
"Napakasakit, Rene. Hindi pa sana dito nagtatapos ang iyong kwento. Napakarami mo pa sanang pangarap na dapat matupad at tagumpay na dapat makamit.
"Pahinga ka na, MVP.
"Maaaring natapos ang iyong laro nang mas maaga kaysa sa inaasahan, ngunit ang iyong pamana ay mananatili magpakailanman.
"Padayon, Rene. Hangtod magkita ta puhon. [So long, Rene. Hanggang sa muli nating pagkikita]."
Read: Dennis Padilla accepts daughters' decision to remove his surname
"This is RENE CLERT BATERBONIA... signing off."
Usap-usapan naman ang Facebook post ni Baterbonia noong May 31, 2026.
Tila may halo raw itong premonisyon dahil ang huling linya ng kanyang post ay nakakatindig ng balahibo.
Tribute ito ni Baterbonia sa sarili sa paghirang sa kanya bilang MVP sa nakaraang Palarong Pambansa.
Nagbunga raw kasi ang lahat ng paghihirap niya para sa timpalak.
Mensahe ni Baterbonia: "From dreams and sacrifices to unforgettable memories, my Palarong Pambansa journey has been one of the greatest chapters of my life. Every training session, every challenge, every victory, and every setback helped shape me into a stronger athlete and person."
Isang proud moment daw sa kanya ang maging kinatawan ng kanilang rehiyon sa Palaro na ang layunin ay lalo pang payabungin ang kanyang talento, makakakilala ng mga bagong kaibigan, at matuto ng mga bagong leksiyon sa buhay.
"Representing Davao Region on the national stage was an honor that I will always carry with pride. This journey was never just about medals—it was about growth, friendships, lessons, and the people I met along the way.
"Thank you, Off-Campus. Thank you, Ateneo. Thank you, Davao Region. Thank you to my coaches, teammates, family, and everyone who supported me throughout this journey."
Saad niya sa huli: "As this chapter comes to an end, I leave with a grateful heart and memories that will last a lifetime.
"This is RENE CLERT BATERBONIA, Jersey #2 of the DAVRAA Eagles is signing off. Thank you for everything."
Samantala, hustisya ang sigaw ng ina ni Rene na si Rovelyn Baterbonia sa pagkamatay ng anak.
Read: Mother of Rene Baterbonia suspects foul play in son’s death
