In two years time, flourishing ang career ni Joem Bascon na puwedeng sabihin na hindi naman intentional talaga ang pagkakapasok niya sa showbiz. Natatandaan pa namin na sa bahay nila noon sa may Antipolo nagkaroon ng location shoot ang isang teleserye ng ABS-CBN nang maispatan siya ng direktor na si Jerry Sineneng at makitaan ng potential.
The rest, as they say, is history.
Ilang independent films na rin ang ginawa ni Joem, pero kahit baguhan pa lang siya ay masasabing nagmamarka na agad sa mga manonood ang kanyang pagganap. Sa kasalukuyan ay kasama siya sa cast ng I Love Betty La Fea, kung saan ginagampanan niya ang role na chickboy-best friend ni John Lloyd Cruz.
Pero nilinaw naman ni Joem na malayong-malayo sa totoong buhay ang character na ginagampanan niya.
"Chickboy kami talaga lalo na noong before pa siya ma-in-love kay Marcella, which is played by Megan Young. Maganda naman yung role ko, yun nga lang, total opposite talaga ng personality ko. Masyado kasing loud si Mario. Siya yung feeling niya, God's gift to women!" natatawa niyang paglalarawan sa kanyang character.
INDIE FILMS VETERAN. Ayon kay Joem, bago ang presscon para sa kanila ng Star Magic kahapon, September 23, kagagaling lang daw niya sa shooting ng Walang Hanggang Paalam, an independent film directed by Paolo Villaluna. Silang dalawa ni Lovi Poe ang magka-partner dito.
Feeling ni Joem, bukod sa Batanes, isa ang Walang Hanggang Paalam sa maipagmamalaki niyang pelikula.
"First day of shooting ngayon. Actually, after nga nitong presscon, babalik ulit ako sa shooting. It's a story of Maria and Ryan, which is Lovi and me. Mag-boyfriend, parang thrill seekers kami, doon tatakbo yung kuwento," lahad niya.
Nalilinya si Joem sa indie films, enjoy ba siya sa ganitong genre?
"Enjoy, enjoy," sambit niya. "Actually, medyo hirap nga ako sa Betty. Yun nga, medyo heavy yung mga ginagawa ko. Kailangang ma-distinguish talaga yung commercial from indie films character. Medyo mahirap, pero kailangang gawin."
Kung si Joem daw ang masusunod, mas gusto niyang makilala talaga bilang aktor more than as a heartthrob or just being popular.
"More on acting talaga ang gusto ko. Kasi kung magiging matinee idol, I think for a while lang yun, di ba? Darating din sa point na kailangan mong gumawa ng different characters. So for me, mas maganda kung simulan na natin ngayon.
"Tingnan na lang natin kung saan madadala at kung ano ang plans sa akin ng mga bossing, kung magiging matinee idol or the actor, Joem Bascon. Basta sa ngayon, happy ako, I'm working. Ang daming experiences na nagagawa ngayon," pahayag ng young actor.
PIOLO LOOK ALIKE. Kung may mapapansin agad kay Joem, ito ay ang madalas sabihin sa kanya na "kamukha" niya ang co-Star Magic talent niya na si Piolo Pascual. Pero unti-unti, nakakawala na siya sa ganoong pagkakakilala sa kanya ng mga tao.
How does he feel about it?
"Actually, hindi ko na lang iniisip yun," sabi ni Joem. "Work na lang ako nang work. Pero kung matanong man yun, I'm very happy rin na, at least, nakawala na rin. Feeling ko naman, kahit paano, nakawala naman dahil sa mga ginagawa ko.
"Pero yun nga, ang tagal nang sinasabi... Sa two years ko, palagi nilang sinasabi yun. So for me, hindi ko na lang iniisip yun. Basta ako, trabaho na lang nang trabaho. Kung makilala rin as me, okey lang sa akin. Kung hindi pa rin for some, okey lang din. Basta nandito ako at nagwo-work."
Hindi naman daw intentional na binabago niya ang looks niya, like his hairstyle, para hindi siya masabihang kamukha palagi ni Piolo.
"Hindi naman, ito na talaga ako," paglilinaw niya. "Hindi ko binabago, actually, this is me. At saka sa tingin ko, the more na iniisip ko palagi si Piolo, the more na nalalapit, e. So, sabi sa akin, just be yourself. Maging ikaw. So, yun nga, nagpe-pay-off naman."
Sa palagay niya, wala naman problema kay Piolo kung may nagsasabi man na kamukha siya ni Joem.
"Noong magkita kami, itinuturo niya ako, ‘Parang ako, ikaw; ikaw, ako.' Parang ganoon. Wala lang, lokohan lang. Siyempre, it's flattering na kahit paano, nire-recognize naman niya. Pero honestly, puro biruan lang talaga."
NO TO SHOWBIZ GIRLFRIEND. Tungkol naman sa kanyang lovelife, he's very much single daw. Kung lalagyan man daw ito ng kulay, it's more on date-date lang talaga.
"No time for serious relationship, e," sambit niya.
Natatawa nitong sinabi na natatakot siya sa isang showbiz relationship.
"Never pa, never ko pang na-experience na magka-girlfriend ng showbiz. Ewan ko, natatakot ako, e. Takot ako."
May mga nagagandahan at may crush naman daw siyang artistang babae, pero hanggang doon lang daw talaga.
"Ayoko, e, takot ako. Pero siyempre, tingnan din natin. Kapag hindi mo na mapipigilan, di ba? Baka naman kasi minsan, bigla n'yo na lang ako makita with showbiz girl, so tingnan natin, di ba?"
Kung si Joem daw ang tatanungin, sina Roxanne Guinoo and Anne Curtis ang "pretty girls" sa showbiz. Pero halatang nailang ito at natigilan nang i-reveal ng mga kasamahan niya sa I Love Betty La Fea, sina Megan Young at Kristel Moreno, na crush nila si Joem.
"Talaga lang, crush nila ako? Pretty ‘yang dalawang ‘yan. Kakuwentuhan ko sila palagi. Ngayon ko lang nalaman. Ewan ko, sana hindi magkailangan kapag nalaman.
"Single ba? Single ba si Megan?" natatawa niyang tanong. "Si Megan kasi, mas matagal ko nang kaibigan. Mas close ko si Megan. Siguro sa susunod na taping, mas kukuwentuhan ko nang kukuwentuhan si Kristel para maging close pa kami," natatawa niyang sabi.
