Hinahangaan ng marami ang “kabayanihan” ng estudyanteng pumanaw sa malagim na shooting incident sa San Jose National High School sa Tacloban City, Leyte, kahapon, January 22, 2026.
Ngunit labis namang nagdadalamhati ang kanyang ina dahil sa sinapit ng anak.
Kinilala ang estudyanteng nasawi bilang si Chris Lorenz Fabian, 15, Grade 10 student.
Isa siya sa tatlong naiulat na nasawi habang marami ang sugatan sa school-shooting incident.
Dalawang estudyante rin ng eskuwelahan ang mga suspek.
Ang mga suspek ay kinilala ng mga awtoridad bilang Alias Nash, 14, Grade 9, at may hawak 9mm gun; at Alias Rod, 15, Grade 10, na may hawak na .38 caliber.
Si Chris ang estudyanteng nakunan ng video na pinipilit isara ang pinto ng kanilang classroom matapos ang mga narinig na putukan sa labas.
May pinapasok din daw itong kaklase sa loob ng classroom para makaligtas.
Pinaputukan ng mga suspek ang nakasaradong pinto, at tinamaan si Chris sa may balikat.
Binawian siya ng buhay kalaunan.
Read: Lotlot de Leon, Dina Bonnevie reveal how they cope with the pain of losing loved ones
VICTIM’S MOTHER LAMENTS SON'S DEATH
Isang guro mula sa San Jose National High School ang nag-post sa social media ng aniya'y “kabayanihan” ni Chris dahil inuna raw nito ang kapakanan ng kanyang mga kaklase kesa sarili.
Ibinahagi rin ng guro ang pahayag ng mga estudyante na ligtas sila, pero hindi nakaligtas si Chris.
May mga testimonya rin ang mga estudyante na nagpapatunay sa sinasabing kabayanihan ni Chris.
Nakarating sa ina ni Chris na si Erbea Fabian ang ginawa ng anak na itinuturing na “student hero.”
Ngunit tila hindi ito matanggap ng ina ng biktima.
“Sabi po nila hero yung anak ko, pero Ma’am Winnie, nasaan ang hero? Nasa kabaong,” umiiyak na pahayag ni Erbea sa interview ni Winnie Cordero sa DZMM TeleRadyo.
Sa hiwalay na panayam ng News 5, labis pa rin ang paghihinagpis nito sa sinapit ng anak:
Saad ni Erbea: “Ang kabutihan ng puso mo ang nagdala sa iyo sa kamatayan.
“Hindi ko sinasabing hindi maganda yung ginawa mo. Okay. Pero kami naman ang iniwan mo.
“Ang bata-bata mo pa sinakripisyo mo ang buhay mo para sa iba.”
Lakas loob ding sinabi ni Erbea sa interview na hindi na-bully ang dalawang menor-de-edad na suspek.
May hangad din si Erbea pagdating sa mga supek: "Isa lang, kung hindi makukulong ang mga bata, kailangan magulang ang managot.
“Kung di mapanagot ang mga bata, managot ang mga magulang.”
INVESTIGATION UNDERWAY
Samantala, ipinag-utos ng ilang ahensiya ng pamahalaan ang masusing imbestigasyon sa krimen na bihirang mangyari sa Pilipinas.
Pahayag ng Department of Justice: “The Department of Justice has already coordinated with the Office of the Regional Prosecutor of Region VIII to determine the facts surrounding the tragic shooting incident in Tacloban City.”
Saad naman ng Department of Education: “The Department of Education expresses its gravest concern over the tragic shooting incident… The Department considers this as a high alert situation.
“To address the immediate emotional toll of this tragedy, the Department is working hand-in-hand with relevant government agencies to deploy critical medical assistance and appropriate psychosocial interventions for the affected learners and personnel.”
Other sources: https://www.youtube.com/watch?v=hPow24zUFQw
