Given the choice, GMA-7 leading ladies Iza Calzado and Marian Rivera would love to be paired with ABS-CBN actors Piolo Pascual, John Lloyd Cruz, and Jericho Rosales.
Napakalaki ng ginawa ng tambalang Richard Gutierrez at KC Concepcion, lalo na sa mga kasabayan nilang young stars. Dahil napagtambal sila sa dalawang pelikula kahit magkaibang TV networks ang pinagtatrabahuhan nila, open na rin ang ibang artista sa pagsagot kung sino ang gusto nilang makapares sa kabilang station.
Bumisita ang PEP (Philippine Entertainment Portal) sa first-day shooting ng One True Love ng GMA Films at Regal Entertainment kahapon, September 24. Pagkatapos ng tsikahan sa dalawang female leads ng pelikula na sina Marian at Iza, habang hinihintay ang pagbabalik ni Dingdong mula sa doktor, nabanggit namin kay Marian na interesado ang Kapamilya actor na si John Lloyd Cruz na makatambal siya.
Naibalita—ngunit pinabulaanan ng parehong kampo—na si John Lloyd ang ni-request ng Regal Entertainment sa Star Cinema kapalit ng hindi na pagpigil kay Angel Locsin sa kanyang unang pelikula para sa film arm ng ABS-CBN opposite Piolo Pascual.
Sa presscon ni John Lloyd para sa kanyang Maaalala Mo Kaya episode na ipinalabas noong nakaraang Sabado, September 20, sinabi niya na interesado siyang makatambal si Marian, given the chance.
"Ako rin," sabi naman ni Marian sa set ng One True Love. "Siyempre, exciting yung makasama mo ang ibang artista na hindi mo katrabaho sa TV. Si John Lloyd, ever since, gusto ko talagang maka-partner."
Maging si Iza man ay gusto ring makatrabaho si John Lloyd, pati na si Jericho Rosales.
"Magaling kasi si John Lloyd, may lalim umarte," sabi ni Iza.
Si Piolo naman ay nakasama na raw kasi ni Iza sa isang pelikula, ang Milan, although "that was just two days work." Kaya si Echo ang second choice niyang makasama.
Idinagdag naman ni Marian ang pangalan ni Piolo sa gusto niyang makapreha na taga-ABS-CBN.
Nagkasama na rin daw sina Marian at Piolo, pero sa isang print ad lang. May isang ikinuwento si Marian na wala pang nakakaalam. Ayon sa kanya, nagkasama na raw sila ni Piolo sa isang dinner ngunit may kasama pa silang iba.
"Nasa Subic kami noon, shooting [ng Dyesebel]. ‘Tapos tinawagan ni Piolo si Direk Joyce [Bernal] na nasa paligid lang daw sila, baka gusto nitong mag-dinner. Sabi ni Direk, kung puwede kaming isama ni Dong, okay daw. Pagdating namin doon, nandoon din sina Erik Santos at Mark Bautista. Ang ganda ng bonding, di ba?" masayang kuwento ni Marian.