Naaresto ang tatlong suspek matapos nilang nakawin mula sa fish pond ng isang resort ang isang arapaima fish.
Natukoy sila bilang mga trabahador sa pinangyarihan ng insidente, ang Costa Solano Resort and Leisure Park, sa Barangay Bantigue, Pagbilao, Quezon, noong July 6, 2026.
Palihim na dinala ng tatlong suspek ang isda sa kanilang tinutuluyan sa resort.
Ang masaklap: kinatay ito at balak paghati-hatian para lutuin.
Hindi nila namalayan na isang saksi ang nakakita sa kanila at dali-daling ipinaalam sa foreman at sa security guards.
Ang arapaima na ito ay 25 years old, at may habang 6.7 feet at bigat na 90 kilos.
Tumataginting na PHP7 million ang halaga.
Attraction din ito sa naturang resort.
SUSPECTS workers at resort
Matapos mai-report sa pulisya, na-recover ang ilang bahagi ng kinatay na isda.
Dinakip ang mga suspect at dinala sa Pagbilao Municipal Police Station.
Umamin ang mga ito at idinahilang hindi nila alam kung anong klaseng isda ang ninakaw.
Nahaharap ang tatlo sa reklamong qualified theft.
Read: IN FOCUS: Meet "Mr. Freeze" and his ice empire
INTERESTING INFO ABOUT ARAPAIMA FISH
Ang arapaima ay tinatawag ding pirarucu.
Isa sa mga dahilan kung bakit mahal ito ay dahil isa itong exotic fish.
Sa isang vlog ay binanggit na nagiging extinct na ito kahit sa pinanggalingan nitong South America.
Sa isang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) noong 2020, inilarawan na ang arapaima ay isa sa pinakamalaking uri ng freshwater fish sa buong mundo.
Puwede itong humaba mula anim hanggang labinlimang piye, na kasinghaba ng isang kotse.
“Itong isdang ito ay nahahalintulad sa mga balyena,” ani Alejandro Belen, marine biologist, sa KMJS.
“Sila ay humihinga sa ibabaw ng tubig every five to 15 minutes."
Umaabot naman ng 15 hanggang 20 years ang lifespan nito.
Inihalintulad din ni Belen ang arapaima sa buwaya na kinakain ang anumang kaya nitong kainin at patayin.
Ipinakita rin sa KMJS report ang isang taga-Malabon na may alagang dalawang arapaima.
Gumagastos ang owner ng PHP3,000 kada linggo para sa pagkain, pero balewala ang gastos dahil dumating daw ang maraming suwerte sa kanya simula nang mag-alaga ng arapaima.
Read: Mpox case in Mandaluyong confirmed--should we be worried?
PETA'S STATEMENT
Agad namang nagpadala ng statement ang PETA (People for the Ethical Treatment of Animals) Asia tungkol sa nangyari.
Isang paalala ito na itrato ang mga hayop gaya ng pagtrato sa mga tao.
"Anuman ang halaga na itinatalaga ng tao sa buhay ng isang hayop—PHP7 milyon man o PHP7—ang katotohanan ay isa pa rin itong buhay na nilalang na may kakayahang makaramdam at may sariling halaga.
"Ang paglagay ng presyo sa isang 25 gulang na hayop o pagluto nito bilang pagkain ay nagpapakita kung gaano kadaling maisantabi ang habag kapag mas pinahahalagahan ang halaga sa pera kaysa sa buhay.
"Ang mga ganitong sitwasyon ay hinihikayat ang lahat na tignan ang mga hayop bilang mga indibidwal, at hindi gamit, kasangkapan, o produkto, at piliin maging veganat hayaan ang mga hayop na mabuhay nang malaya."
