"Fabricated" at walang rational basis.
Ito ang matinding paglalarawan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa pag-aangkin ng China na bahagi umano ng teritoryo nito ang Batanes.
Sa isang mahabang Facebook post nitong Biyernes, July 10, 2026, isa-isang pinabulaanan ng NHCP ang mga pahayag ng ilang Chinese scholars sa isang symposium sa Jinan University noong June 30, 2026.
Ang Batanes ay nasa pinakahilagang bahagi ng Luzon at kabilang sa Cagayan Valley Region.
Bilang opisyal na ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa sa pangangalaga at pagsusulong ng kasaysayan ng Pilipinas, iginiit ng NHCP na walang batayan ang mga argumento ng Chinese scholars.
Read: Exotic fish worth PHP7M butchered at Quezon resort; suspects arrested
NHCP REJECTS CHINA'S CLAIMS
Isa sa mga pangunahing pahayag ng Chinese scholars ay ang umano'y pagiging "natural geographic extension" ng Taiwan ng Batanes.
Ayon sa kanila, "the Batan [sic Batanes] Islands constitute a natural geographic extension of Taiwan, and that China should exercise sovereignty over the same."
Mariin itong sinagot ng NHCP.
Saad ng ahensiya: "[C]urrent satellite and oceanographic data by the Philippines and other nations clearly show a continuous shelf extending from Northern Luzon through the Babuyan & Batanes Islands, and into parts of the Taiwan archipelago. The Philippines claims a greater right over the subject territories from this perspective."
Sinagot din ng komisyon ang pahayag ng dean ng Jinan University's School for International Studies na ang Batanes ay nasa ilalim umano ng Taiwan Prefecture noong panahon ng Ming at Qing Dynasties.
Giit ng NHCP: "The earliest known extensive documentation of the Batanes Islands by British explorer William Dampier in 1687 noted no trace of Chinese governance over the islands."
Dagdag pa ng komisyon, matagal nang naninirahan ang mga Ivatan sa kanilang mga komunidad at aktibong nakikipagkalakalan sa iba't ibang maritime trading nations.
Ayon sa NHCP: "This is clear in the archeological and historical evidence produced by more than a hundred years of research."
Binigyang-diin din ng komisyon na matagal nang bahagi ng Pilipinas ang Batanes.
"Since 1783, the Philippine government and its legal predecessors have held continuous and undisputed sovereignty over Batanes.
"During the 1896 Philippine Revolution and the First Philippine Republic, Batanes was already recognized as an integral part of our country’s territory with Ivatans rising up once again and claiming independence against the Spanish."
Read: Three ways Alex Eala honored her Filipino roots with sampaguita
TREATY OF PARIS ARGUMENT REJECTED
Isa pa sa mga ipinunto ng Chinese scholars ay hindi umano isinama ang Batanes sa Treaty of Paris (1898) at sa Treaty of Manila (1946).
Ang Treaty of Paris ay peace agreement na pinirmahan noong December 10, 1898 para tapusin ang Spanish-American War. Sa bisa ng treaty na ito, isinuko ng Spain ang control nito sa Cuba, Guam, at Pilipinas sa U.S. sa halagang $20 million.
Ang Treaty of Manila naman ay nilagdaan noong July 4, 1946. Dito ay ipinagkaloob sa Pilipinas ang soberenya nito at kinilala bilang Republic of the Philippines.
Dahil dito, iginiit nilang kabilang umano ang Batanes sa mga teritoryong dapat ibinalik ng Japan sa China matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ngunit ayon sa NHCP, wala itong batayan.
Pahayag nito: "On the claim that the Batanes Islands were part of the territory that was to be returned to China by Japan following the end of the Second World War, Japan cannot give to China what clearly belongs to the Philippines.
"Furthermore, the people of Batanes had already liberated themselves from Japanese rule by early 1945. This only proves beyond any doubt that Batanes has always been Filipino."
Sa pagtatapos ng pahayag ng NHCP, nagpahayag ito ng pakikiisa sa mga taga-Batanes.
Mensahe nito: "...the People of Batanes in proclaiming their right of allegiance to the Philippines, faithful to our constitution and the flag that continues to proudly fly over our northern provinces."
Nagbigay rin ng hamon ang NHCP sa mga akademikong institusyon at mananaliksik na pairalin ang katotohanan sa kanilang pag-aaral.
Mistulang kinuwestiyon din ng komisyon ang kredibilidad ng "certain scholars" na nagsulong ng naturang mga pahayag.
"Knowledge can only be true if grounded on good faith. No amount of fabrication will erase the truths of our past," sabi ng NHCP.
EXPERT: "CHINESE PROPAGANDA"
Naniniwala naman ang political analyst at international studies expert na si Renato Castro na bahagi lamang ito ng mas malawak na propaganda ng China.
Sa panayam ng ABS-CBN News, sinabi niyang malabong maisagawa ang naturang symposium nang walang pahintulot ng gobyerno ng China.
Aniya: "Tsaka ang institution na yan hindi magagawa, mako-conduct yang symposium na yan at tema na yan kung wala yan approval mula sa Communist Party of China."
Ayon pa kay Castro, may malinaw na strategic importance ang Batanes at ang Luzon Strait sa mas malawak na geopolitical ambitions ng China.
Saad niya: "Nakikita naman natin na ang strategic relevance ng Taiwan sa gitna ito ng Luzon at ng Taiwan.
"Balak talaga ng China na hindi lang sakupin ang West Philippine Sea, South China Sea… baka pati na ang Luzon Strait, kasi ang Luzon Strait, kumbaga, nasa southern part yan ng Taiwan, at alam naman ng lahat ang binabalak ng China sa Taiwan by 2027."
Read: Brave 12-year-old girl in Antique swims for two hours after motor banca capsizes
