Walang plano si Sachzna Laparan na kasuhan ang ex-boyfriend na si Mark Pascual kahit umabot na umano ng PHP50 million ang pagkakautang nito sa kanya.
Sinabi ito ni Sachzna nang makapanayam siya ng entertainment press, kabilang ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), nang ilunsad siyang endorser ng PNGB Precious Asher Jewellers, noong July 8, 2026, sa PNGB headquarters sa Imus, Cavite.
"Wala naman. Kahit dun sa iba, kasi nakakausap naman daw niya nang maayos, at unti-unti na naman niyang nababayaran.
"Sa akin, alam ko na hindi niya mababayaran," saad ni Sachzna.
Ayon kay Sachzna, ginamit daw ni Mark ang perang inutang sa kanya para mag-invest sa crypto o digital assets na inaasahang tataas ang value o makapagbibigay ng financial returns habang tumatagal.
Paano lumobo ang perang inutang sa kanya?
Paliwanag niya: "Ganito kasi yun, di naman agad PHP50 million yung binigay ko, paunti-unti.
"Two years ago, nasabi ko na, una, PHP40 million lang kasi bago kami nag-anniversary [yun], hanggang naging plus PHP10 million.
"Sa crypto, ganito kasi yun, kung mag-i-invest ka, mag-e-expect ka na palagi na may balik or may tubo.
"Nung una naman, naging okay naman talaga yung pag-invest ko sa kanya. Tapos nung sumunod na, nandun na yung PHP40 million tapos PHP10 million, wala talagang nangyari."
Umabot daw sa puntong may ibang tao pang nag-invest kay Mark.
At noong magkarelasyon pa sila, tinulungan daw niya ito sa pagbayad ng utang sa investors nito.
Kuwento ni Sachzna: "Siyempre naawa ako dun sa tao.
"So, yung sinasabi kong betrayal, every time na may nalalaman ako... Hindi ko kasi alam na may pinapa-invest pa pala siya. Hindi ko alam na hindi pa pala siya tumitigil.
"Kasi pinatigil ko na siya, yun yung another PHP10 million na ako na lahat sumasalo sa mga nagawa niya.
"Siyempre umaasa ako na magiging okay, kasi siyempre pag partner mo, di ba, kahit sa pinakadulong-dulo o pinaka-low na down niya, tutulungan mo siya, e."
Tingin ni Sachzna, ginawa niya ang lahat para tulungan si Mark na makabangon sa mga pagkakautang nito.
"Siguro dun yung akala ko matutulungan ko pa, mase-save ko pa.
"Kasi mayroon ako, kaya kong i-share yung kung ano ang mayroon ak. Kasi nung time na walang-wala siya, ako ang mayroon.
"Hindi ko alam kung mali ang nagawa ko. Binigay ko lang yung makakaya ko dun sa partner ko."
Read: MVP, Ramon Ang tease possible collaboration, mum on ABS-CBN rumors
MARK ALSO BORROWED MONEY FROM SACHZNA'S FRIENDS
Ayon pa sa vlogger-actress, maraming nautangan si Mark, kasama na ang ilang influencers na kaibigan niya.
Lahad niya: "Mayroon siyang inutangan na influencer na kakakita ko pa lang, kaka-friend ko pa lang sa influencer.
"Biglang, 'Bakit inutangan mo?' Maliit lang naman, PHP100K. Pero kahit na.
"Tapos marami ring mga pending na mga investors na natatakot na rin ako. Siyempre binuild ko ang pangalan ko, yung credibility ko na kahit piso, wala talaga akong utang. Takot ako sa ganyan."
Hindi raw gusto ni Sachzna ang umano'y pangungutang ni Mark pati sa mga kaibigan niya.
"Yung mga close sa akin, actually sila din naman nautangan din, yung mga kaibigan ko na hindi ko alam.
"Sabi nila, respeto na lang sa akin na hindi sila magsalita [or] mag-post, kasi ako na lang ang tinitingnan nila.
"Nakakahiya lang sa part ko. Kung nakita niyo yung conversations namin, hiyang-hiya na ako.
"Bakit ganito? Akala ko pagsubok lang na malalagpasan ko, pero ang tagal naman na pagsubok ito "
Pinayuhan pa raw niya ang noo'y nobyo na humanap ng ibang trabahong mapapasukan.
Pagbabahagi pa ni Sachzna: "Sinabi ko kasi sa kanya habang nasa relationship kami, mag-business siya. Kahit hindi siya mag-business, yung normal na work basta mag-work siya.
"Kahit sa corporate, tapos naman siya ng pag-aaral. Pero yun nga, ganyan siguro ang gusto niyang trabaho."
Nalalaman na lang daw kasi ni Sachzna ang pangungutang ni Mark kapag tapos na o kapag kailangang may sumalo na rito.
"Maraming beses na nakakapangutang siya... Actually, lahat ng utang niya, di ko talaga alam, as in zero.
"Never kasi ako kumuha ng phone, never akong nakialam sa phone niya.
"Sobrang busy ko, may kanya-kanya kaming buhay. May privacy siya, may privacy ako.
"So, nagtiwala ako na di na niya gagawin, pero paulit-ulit niyang ginagawa."
Nagbigay pa raw siya ng ultimatum na kung hindi ito hihinto sa ginagawa ay makikipaghiwalay siya.
"Nag-promise siya sa akin na hindi niya gagawin. Binigyan ko siya ng six months, 'Pag ginawa mo ito, hihiwalayan na talaga kita. Di ko na talaga kaya.'
"Yung six months, akala ko talaga walang nangyayari, hindi siya nangungutang.
"Lahat yun naitago niya sa akin, hangga't unti-unti lumalabas na mayroon pa rin pala."
Ang masaklap daw ay napipilitan siyang saluhin si Mark kapag may naniningil na rito.
"Oo, at ako ang nagbabayad talaga. Baka magkagulo, naaawa ako.
"May mga nabayaran ako. Ako ang nagbayad ng utang niya.
"Pero di ko kasi alam lahat ng utang niya, mayroon for sure na hindi pa.
"Tinigil ko na kasi break na kami. Pero kung kami pa, I'm sure ako ang magbabayad."
Read: Winnie Cordero opens up about husband's death, life after loss
SACHZNA LAPARAN ON HER EARNINGS
Sa netizens na kumukuwestiyon kung saan nakuha ni Sachzna ang PHP50 million, nilinaw niyang lehitimong pera raw niya ang ipinautang kay Mark.
Si Sachzna ay vlogger na may 2.67 million subscribers sa YouTube at 9.1 million followers sa Facebook, at 8.8 million followers sa TikTok.
Saad niya: "May mga nagtatanong saan ko raw nakuha ang pera ko, 15 years na ako nagtatrabaho.
"Saka katulad nito na may mga endorsements, like itong PNGB, may mga promotions din, yun.
"Kumbaga, sa akin, ilang taon ko yun pinagtrabahuhan, 15 years ko pinagtrabahuhan yung 50 million na yun.
"Saka may company naman ako. Siguro ang naging pinaka-okay sa akin ay naka-build na ako kumpanya, ng mga businesses, mga resort, AirBNb, dun ako kumukuha talaga ng mga income.
"This month, naka-six endorsements ako, kasama nga itong PNGB.
"And I'm so happy and proud to be part of PNGB family kasi bago nila ako naging endorser, bumibili talaga ako ng alahas sa kanila.
"Wala nga akong Hermes kasi maalahas akong tao."
BREAKUP THROUGH PHONE CALL
Nilinaw ni Sachzna na isinasara na niya ang posibilidad na magkabalikan pa sila ni Mark.
Aniya: "Kanina nagkausap kami. Nagmamakaawa na ayusin [yung relationship namin].
"Never kasi akong nakipag-usap ulit nung nakipaghiwalay ako. Through phone lang, pero never na akong nakipag-usap sa kanya in person.
"Baka kausapin ko rin siya in person, pero hindi para makipagbalikan."
Gusto raw niyang may maayos na closure.
"Pero siyempre may pinagsamahan kami, three years kami," sabi ni Sachzna.
"Tao lang sa tao, confront ko lang yung mga dapat i-confront, kung ano pa ba ang dapat kong malaman.
"Mamaya may maningil na naman sa akin na hindi ko kilala. Sabihin mo na lahat, ilatag mo na."
Sagad na raw kasi ang naibigay niya sa dating nobyo.
Malungkot na pag-amin niya: "Actually, nung nasa relasyon kami, nauubos na rin talaga ako. Hindi lang pera ko yung naubos, pati pagmamahal ko, tiwala.
"Tapos yung pain, kasi paulit-ulit yung nangyayari. Hindi lang isang beses, sobrang dami.
"Yung love nawala yun, nawawala siya eventually.
Sabi pa ni Sachzna: "Hindi ko na siya babalikan pero alam ko na may care ako sa kanya.
"Siyempre naman, nakasama ko siya ng tatlong taon, araw-araw ko siya nakikita.
"Care na lang ang natitira saka respect na lang din."
Bago pa siya nakipaghiwalay ay nararamdaman na raw niya na doon mauuwi ang relasyon nila.
"Nararamdaman ko na kung saan papunta. Nararamdaman mo yun pag nasa relasyon ka, 'Okay, hindi ito ang makakatuluyan ko.'
"Twenty-eight na ako, at hindi naman habang buhay na magbabayad ako ng utang ng iba.
"Dun na ako sa pa-settle down na ako, na may peace of mind na ako."
Pagpapatuloy ni Sachzna: "Sabi ko, 'Wala nang patutunguhan ito.' Gusto ko namang ikasal, gusto kong magkaanak.
"Hindi ko dream na yumaman nang sobra-sobra. Ang gusto ko lang talaga magkaroon ng family, at alam ko na hindi ko yun sa kanya makukuha."
Read: Matthew Lhuillier "crazy" about girlfriend Jolie, answers question about split with Chie
LESSONS ON LOVE
Nang tanungin si Sachzna kung anong natutunan niya sa pakikipagrelasyon, natatawang hirit niya, "Huwag nang mag-lesson, ganun din naman. Hahaha! Di natututo."
Sabay sabi rin niya, "Siguro kung magkakaroon ako ng next na karelasyon, siguro yung talagang mas mayaman sa akin."
Ipinaliwanag niya na bigay-todo siya masyado pagdating sa karelasyon.
"Kasi ganun yung mga nakakarelasyon ko dati, ako ang laging gumagastos, mga travel namin, ako lagi ang nanlilibre.
"Yung mas stable. Gusto ko lang yung stable kasi nahihirapan na talaga ako. Nauubos ko rin naman talaga.
"Siguro kung magkakaroon ako ng next na relationship, yung totoong tao, yung totoo na hindi na ako ibe-betray. Stable na talaga yung income niya.
"Mahirap kasi babae ako, hindi palagi na sobrang lakas ko. Mukha lang talaga akong strong, independent woman, pero napapagod din talaga ako."
Mas alam na rin daw ni Sachzna ang limitasyon niya ngayon.
Pagbabahagi pa niya: "Saka mahirap din maging masyadong mabait kasi aabusuhin ka nang aabusuhin.
"Pero yun nga, hindi ko pa rin babaguhin kung sino ako. Siguro mas magiging wise lang ako. Hindi ko babaguhin yung pagiging genuine ko na tao, pure-hearted ko na tao.
"Pero mas magiging mautak lang ako. Hopeless romantic kasi ako, nag-aano pa rin ako na baka may mas better pa, or baka mas maayos pa."
Bukas daw siya sa bagong pag-ibig.
Aniya, "Hindi talaga ako nagko-close ng doors. Ang pangarap ko lang talaga ay magkaroon ng family."
WORK MODE FOR NOW
Malaking tulong naman daw ang sunud-sunod na mga trabaho para makaya nii Sachzna ang sakit ng paghihiwalay nila ni Mark.
"Sa ngayon, ang ginagawa ko ay magtrabaho. Magtrabaho para maka-move on at mabawi ang mga nawala sa akin.
"Wala namang tutulong sa iyo kundi sarili mo. Hindi ko kasi kayang magmukmok talaga, walang gawin or i-down ko pa ang sarili ko. Papahirapan ko lang ang sarili ko.
"Pag may mga opportunities, may mga blessing, bakit di ko iga-grab?
"Mag-heal paunti-unti while nagtatrabaho. May time na nagtatrabaho ako tapos nakakalimutan ko na, 'Ay, in pain pala ako.'
"Ito siguro ang feeling ko kung paano magiging okay ako."
Matibay na raw siya ngayon.
Diin ni Sachzna:: "Saka matagal na akong nakabangon, okay na ako.
"Kumbaga, hindi ko na iniisip yung nawala sa akin.
"Mas mahal ko ang peace of mind ko kaysa sa nawala sa akin."
MARK PASCUAL'S SIDE OF THE STORY
Noong July 4, 2026, magkasunod na nag-post sa Facebook sina Sachzna at Mark ng open letter tungkol sa kanilang hiwalayan.
Nauna si Sachzna, at pagkatapos ng apat na minuto ay si Mark naman ang naglabas ng pahayag.
Kinumpirma rito ni Mark na nalugi umano siya ng PHP150 million dahil sa investment niya sa "leverage trading" sa crypto.
Ayon sa ig.com, ang leverage trading ay may kinalaman sa "multiplier system" kunsaan ang broker ay nagkakaroon ng "additional buying power" base sa deposit ng investor.
Ang actual investment ay maaaring lumago depende sa "leverage ratio" na tatayaan para lumaki ang posibleng gain o loss mula sa "total market exposure" sa crypto.
Sinabi rin dito na mataas ang "market volatility" sa crypto kaya mas malaki rin ang "risk" sa leverage trading kapag malaki ang tinayaang leverage ratio ng investor.
Sa kaso ni Mark, inamin niyang hanggang ngayon ay hindi pa niya nababayaran lahat ng kanyang pagkakautang.
Pero diin niya, wala raw siyang intensiyong takbuhan ang obligasyon at pilit daw niyang ginagawan ng paraan para mabayaran ang mga nautangan niya, kabilang ang mga "kakilala ni Sachzna."
Humingi rin siya ng paumanhin kay Sachzna, na paulit-ulit daw siyang binigyan ng pagkakataon pero binigo niya ito.
Sa huli, sinabi ni Mark na umaasa siyang balang-araw ay maiahon ang sarili at mabigyan uli ng pagkakataon sa puso ng dating nobya.
Noong July 5, nag-post ulit si Mark sa Facebook ng mga palitan nila ng mensahe ni Sachzna na kinukompronta siya sa ilang pagkakataong nangutang siya ulit nang hindi nalalaman ng nobya sa kabila ng pangakong hindi na ito gagawin.
May nakalagay rin dito na "Lifetime PNL" o lifetime profit and loss na nagkakahalaga ng USD1.845 million o humigit-kumulang PHP113 million base sa USD1 = P61.57 exchange rate.
Nilagyan ito ni Mark ng caption na nagsasabing walang kinalaman si Sachzna sa mga pagkakautang niya.
Ni-repost ito ni Sachzna sa kanyang Facebook noon ding July 5.
Samantala, nitong July 12, sinubukan ng PEP na hingan ng pahayag si Mark ukol sa bagong interbyu kay Sachzna.
Sinabi nitong gusto na lang nitong manahimik hinggil sa isyu.
Read: Brian Poe Llamanzares set to tie the knot; wedding date revealed
