Katarungan at katotohanan.
Ito ang sigaw ng mga magulang ng Grade 4 student na pumanaw sa Trece Martires, Cavite, matapos siyang painumin ng pampapurga ng kanyang class adviser.
Nagsagawa ng deworming activity ang Hugo Perez Elementary School – Annex noong July 2, 2026.
Kasunod nito, nakaranas ang batang si Rex, 8, ng pagsususuka at pagdurugo ng ilong noong araw ding iyon. Nilagnat din umano siya.
Isinugod ang estudyante sa ospital kinabukasan, July 3, subalit binawian ito ng buhay.
Inirereklamo ngayon ng mga magulang kung bakit hindi sila inabisuhan na paiinumin ng pampapurga ang bata nung araw na iyon.
Naniniwala silang na-overdose umano sa gamot ang kanilang anak.
Nais nilang ma-autopsy ang mga labi ng bata upang malaman ang tunay na dahilan ng pagpanaw nito.
Read: Tips: How to enroll in UPOU's 25 free online courses
mother blames class adviser
Ayon sa ina ni Rex na si Rutchie Mission, malusog at maliksi ang kanyang anak kaya’t masakit sa loob niya ang biglaang pagpanaw nito.
Sinabihan pa raw siya ng anak na magha-half day ito matapos painumin ng pampapurga. Sumama raw kasi ang pakiramdam nito.
Pagdating sa bahay, umabot daw sa 39.2 degrees ang lagnat ng bata, nagsuka, at inatake umano ng seizure, at dumugo ang ilong—ulat ng Nation on the Move, isang digital news platform.
Nakasaad sa death certificate ni Rex na septic shock ang dahilan ng pagkasawi nito dahil sa central nervous system infection.
Ang sinisisi ng ina ay ang class adviser dahil hindi raw ito nakipag-ugnayan sa kanila na paiinumin ng pampapurga ang bata.
Sa mga nakalipas na taon, ang ginagawa ay ipinapadala ng school sa mga bata ang pampapurgang gamot at sa bahay nila ito iniinom.
Totoo ring pumirma ng consent form ang mga magulang, subalit wala raw silang natanggap ng abiso kung kailan paiinumin ng gamot ang bata.
Katwiran ni Rutchie, kung naabisuhan siya, nabantayan sana niya ang anak at natiyak na busog ito bago uminom ng gamot.
Noong araw ring iyon ay may sipon daw si Rex.
Binanggit sa report na bagama’t lumagda ng consent form ang mga magulang, nakasaad nang paulit-ulit sa guidelines para sa deworming activity ng Department of Education (DepEd) ang pagsasagawa ng orientation sa mga magulang.
Nakasaad din ditong pinapayagan lamang ang mga guro na magsilbing mass drug administration provider (MDAP) kung sila ay may kasamang health personnel mula sa DepEd, Department of Health, o Local Government Unit “who has the capacity and background in health, administration of deworming drugs, and management of adverse events.”
Sabi pa ng ina: “E, ang iba daw tinapon nila kasi hindi malunok ng anak nila, kasi malaki, saka dinura daw ng iba kasi nabubulunan...
“Yung iba daw, hinati nila, ginawa nilang dala-dalawa, hati-hati nga daw…”
Dagdag ng tiyahin ng bata na si Rosanie Galero, sa iba raw ay iniabot sa mga magulang ang pampapurga at sila na ang nagpainom sa mga anak nila.
Sana raw ay ganoon na lang ang ginawa ng class adviser.
Kasama rin sa guidelines na kapag nakaramdam ng side effects ang bata, obligado ang teacher na i-report ito sa nurse o health worker ng school para mai-refer agad ang bata sa ospital kung kinakailangan.
Dagdag na sabi ni Rutchie, nang ipinaalam daw nila sa class adviser ang masamang pakiramdam ni Rex, hindi raw ito nagpakita ng simpatya.
Ang sabi naman ng principal na eskwelahan na si Efrenaida Lumagui, hindi pa raw nag-report sa paaralan ang adviser dahil sa anxiety simula nung nasawi ang estudyante.
Humihingi ngayon ng tulong ang mga magulang sa National Bureau of Investigation para ma-autopsy ang mga labi ni Rex.
Pangako naman ng ina sa kanyang pumanaw na anak: “Kahit anong mangyari, kahit mahirap tayo, lalaban tayo, Rex. Kasi ang mga pangarap mo, hindi mo na [matutupad], e.
"Gusto kong malaman ang katotohanan kaya lalaban tayo, Rex. Kahit mahirap tayo.”
DEPED REACTS
Naglabas na rin reaksiyon ang DepEd Cavite Province at ang Hugo Perez Elementary School-Annex kaugnay ng pangyayari.
Ikinalulungkot daw nila ang pangyayari at makikipagtulungan daw sila sa mga awtoridad para sa pag-usad ng kaso.
Maging ang DepEd mismo ay nag-post ng pahayag.
Sila man ay nalulungkot sa nangyari sa Grade 4 student at nakikiramay raw sila sa pamilyang naiwan.
Nakikipagtulungan daw ito sa pamilya ng biktima.
"We are committed to understanding fully what happened, and are working closely with the health authorities as they investigate,” parte ng kanilang statement.
Additional reports from:
