Minsan pang napatunayang totoo ang kasabihang "Sa hinaba-haba ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy" para sa aktres na si Bea Alonzo at sa negosyanteng si Vincent Co.
Matapos ng mahaba at masalimuot na kuwento sa likod ng kanilang relasyon, natuloy na rin ang kasal nina Bea at Vincent sa wakas.
Hindi nga lang sa simbahan sila tumuloy kundi sa tanggapan ni Makati City Mayor Nancy Binay, na siyang nag-officiate ng kanilang civil wedding.
Naganap ang pribado at sikretong pagpapakasal nina Bea at Vincent nitong Lunes ng gabi, Hulyo 13, 2026.
Ngayong Martes ng umaga, Hulyo 14, sumambulat sa social media ang blind item tungkol sa isang babae at isang lalaki na nagpakasal nang pribado.
Isa lamang daw ang kasama ng lalaki, habang wala naman umanong kasama ang babae.
Nagsimula raw ang seremonya ng 7:30 P.M. at natapos ng 8 P.M.
Kanya-kanyang espekulasyon ang netizens sa katauhan ng couple na nagpakasal.
Karamihan sa kanila ay humula na ang mga ito ay sina Bea at Vincent.
Ilang sources ang pinagtanungan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa balitang ito.
Ayon sa isang source na malapit na malapit sa aktres, wala siyang alam kung totoo ngang nagpakasal ang aktres.
Ngunit kung sakali man daw na totoo, wala siyang nakikitang masama dahil nasa hustong edad na sila at pareho nang may narating sa kani-kaniyang larangan.
Naniniwala naman ang isa pang source na "true love" ang namayani kina Bea at Vincent dahil sinunod nila ang nilalaman ng kanilang puso, sa kabila ng pagtutol ng ilang taong malapit at importante sa kanila.
Read: Bea Alonzo-Vincent Co Wedding: Is it on or is it off?
BEA-VINCENT WEDDING CONFIRMED
Hanggang nitong Martes ng gabi ay nakumpirmang totoo ngang nagpakasal na sina Bea at Vincent.
Isang PEP source ang nagsabing kinumpirma sa kanya mismo ng kapatid ni Mayor Nancy Binay na si Anne Binay Alcantara na kasal na nga ang dalawa.
Naglabas din ang Abante ng larawan nina Bea at Vincent kasama si Mayor Binay na kuha matapos ng seremonyas kagabi.

Dagdag pa rito ang ipinost na larawan ni Mayor Binay, kasama si Bea, sa kanyang Instagram account.
Maikling caption ni Mayor Nancy sa kanyang post: "Coffee w/ coffemate"
Ngunit mas nakapukaw ng atensiyon ang ginamit na hashtag ng alkalde: "#onemorechance."
Wala nang iba pang ibinigay na detalye ang alkalde.
View this post on Instagram
Kalaunan ay si Mayor Nancy na mismo ang nagkumpirmang ikinasal niya sina Bea at Vincent.
Sabi niya sa kanyang Facebook post: "Kinasal ko na po sila... Congratulations & Best wishes Vincent & Bea."
Kalakip nito ang nakatalikod na larawan nina Bea at Vincent na magkayakap.

Read: WHAT PEP KNOWS: Bea Alonzo and Vincent Co's wedding date
THE BEA-VINCENT LOVE STORY
Gaya ng mga teleserye at mga pelikulang ginawa ni Bea Alonzo, naging makulay ang kuwento ng pagmamahalan ng aktres at ng negosyanteng si Vincent Co.
Bago natuloy ang payak na kasal—nakasimpleng barong ang groom, nakasuot ng suit at short skirt ang bride—ay naging malaki at kaabang-abang na balita ang hindi pagkakatuloy ng magarbong kasal sana ng dalawa sa Sevilla, Spain, nong Mayo.
Ayon sa nakalap ng PEP, isa sa pangunahing rason kung bakit hindi natuloy ang kasal ay ang isyu ng prenup agreement. May ilang probisyon umano ang prenup na hindi napagkasunduan ng magkabilang kampo. Minsan sinasabing may pinapadagdag ang bride, minsan naman ay may pinapadagdag daw ang ina ng groom.
Ngunit ang lumalabas na pinakarason ay hindi raw talaga boto ang mga magulang ni Vincent, na kabilang sa mga pinakamayamang pamilya sa Pilipinas, kay Bea, na isang high-profile movie and television actress at top celebrity endorser.
Iniulat ng PEP noong June 16 na tuluyan nang kinansela ang kasal at nag-break na sina Bea at Vincent, ayon sa iba't ibang sources.
Ngunit kung tinuldukan ng magsing-irog ang kasal, kahit marami sa malalapit sa kanila ay nakakuha na ng ticket papuntang Spain at ang ilan sa kanila ay itinuloy na rin ang biyahe roon, mukhang hindi nila hinayaang magtapos doon.
Gaya ng ginamit na hashtag ni Mayor Binay—ang "#onemorechance"— binigyan nina Bea at Vincent ng isa pang pagkakataon ang kanilang pagmamahalan at itinuloy ang matagal nang planong pagpapakasal.
Ginulat nina Bea at Vincent ang lahat—kasama na ang kani-kanilang pamilya, kaibigan, katrabaho, at ang media, kasama na ang PEP—nang tahimik silang nagpakasal sa isang simpleng seremonya.
Ang mga dating imbitado sa kasal, kasama na ang mga ninong, ninang, at abay, ay wala sa seremonyang naganap at tila wala ring kaalam-alam sa nangyaring kasalan.
Dahil wala rin ang mga magulang ni Bea at ni Vincent sa kanilang intimate wedding, may mga nag-iisip na hindi pa rin tanggap ng mga magulang ng negosyante ang aktres bilang asawa ng kanilang tanging anak na lalaki.
Read: WHAT PEP KNOWS: Bea Alonzo and Vincent Co break up for good
