Naging viral sa social media ang video ng dalawang Pilipinong nakipagsuntukan sa mga hinihinalang dayuhang pickpocket sa loob ng Metro Subway Train sa Rome, Italy.
Ang insidente, na naganap noong July 13, 2026, ay unang ibinahagi ng vlogger na si DJ Media at mabilis na kumalat online.
Dahil sa ipinakitang tapang ng dalawang Pinoy, marami ang tumawag sa kanila bilang mga "bayani" at "Filipino vigilantes."
Sila ay sina Mervin Dayagro, 45, ng Dasmariñas, Cavite, at Jordan Tamayo, 43, ng Antipolo City.
Mahigit isang taon pa lamang naninirahan at nagtatrabaho sa Rome ang dalawa.
Housekeeping staff sa isang hotel si Mervin, habang nagtatrabaho si Jordan bilang all-around maintenance personnel sa isang law firm sa umaga at caterer naman tuwing hapon.
Read: Viral: “Pinoy” hits back at "pickpocket" in Rome; celebs react
FILIPINO PICKPOCKET HUNTER
Hindi lingid sa mga sumusubaybay sa kanyang vlog ang ginagawa ni Mervin laban sa mga pickpocket sa Rome.
Tinatawag niya ang sarili bilang "Filipino pickpocket hunter," at sa kanyang vlog na Mervin D. Hunter, ibinabahagi niya ang kanyang mga engkuwentro sa mga kilalang mandurukot upang magsilbing babala sa mga turista.
Sa viral video, si Mervin ang lalaking nakapulang T-shirt at may suot na salamin, habang si Jordan ang naka-baseball cap.

Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa pamamagitan ng WhatsApp, nitong madaling-araw ng Biyernes, Hulyo 24, 2026 (Philippine time), ikinuwento ni Mervin kung paano nagsimula ang viral na insidente.
“Nangyari po yung insidente sa Metro noong July 13, between 4 and 5 P.M.
“Ako po talaga ang nanghuhuli ng mga pickpocket dito sa Roma. Bale isinama ko lang si Jordan para mas malakas ang loob ko.
“Si Sir John ng DJ Media, pumunta siya rito sa Rome para makipag-collab sa akin at magdala sa kanya sa location ng mga pickpocket at scammer.
“Itinuro ko sa kanya ang lugar ng mga pickpocket at oras na lumalabas sila," lahad niya.

Ayon kay Mervin, iba't ibang nasyonalidad ang sangkot sa mga grupong nambibiktima ng mga pasahero sa Metro.
“Ang mga lahi po ng pickpocket ay mga Romanian, Bosnian, Armenian, Peruvian, Puerto Rican, Mexican, halo-halo po.
“Kilala ko po ang mga pickpocket dahil araw-araw namin silang nakikita sa Metro.”
Read: Bea Alonzo's tarot reader reacts after 2021 wedding prediction comes true
HOW MERVIN STARTED HIS ADVOCACY AGAINST PICKPOCKETS
Hindi bago ang problema ng pickpocketing sa Rome, lalo na sa mga tourist hotspot at Metro stations.
Madalas na target ng mga mandurukot ang mga turista sa mga lugar tulad ng Termini Station, Colosseum, Trevi Fountain, Vatican, at mga linya ng Metro A at B.
Dahil dito, regular na nagsasagawa ng anti-pickpocket operations ang Rome Carabinieri, na halos linggu-linggo ay nag-uulat ng mga naarestong suspek sa mga istasyon ng tren at iba pang matataong lugar.
Ibinahagi ni Mervin sa PEP.ph na bago pa siya gumawa ng vlog ay matagal na niyang minamanmanan ang mga pickpocket.
Lahad niya: “Bago po ako nagsimulang mag-vlog, nakadalawang buwan na po ako dito, nakakita ako ng dinudukutan nang harapan pero wala akong ginawa.
“Hindi kinaya ng konsensiya ko.
“Mula noon, sa tuwing sumasakay ako sa Metro, tatlong buwan kong minatyagan ang mga kilos nila. Hindi pa ako nagba-vlog noon.
“Kinilala ko sila, pati social media accounts nila. Nakisama ako sa ibang collaborators na mga pickpocket hunter din.
“Dun ko nalaman kung sino yung mga pickpocket, ang mga mukha nila, bahay nila.
“Nakilala rin nila ako. Kapag nakikita nila ako, tumatakbo na agad sila.”
Ayon sa kanya, ilang beses na silang nagkaroon ng kumprontasyon bago ang viral na insidente.
“Nagkaroon na kami ng tatlong beses na encounter sa Metro.
“Binabastos na nila ako kaya nung nagkita kami, sinubukan ko na i-trigger sila na sila yung unang mananakit sa akin kasi pagpasok pa lang namin sa Metro, nagpakita na agad sila ng ari nila.
“Pagkasabi niya ng 'Filipina,' idinikit ko na agad sa kanya ang mukha ko.”
Kinumpirma ni Jordan ang naging salaysay ni Mervin.
“Parang na-bad trip agad kami. Sabi ko, 'Sige lang, Pareng Mervin. Hayaan mo lang.'
“Inaalog nila sa harap namin yung ari nila.
“Ipinakita pa nila sa amin yung video sa cellphone nila na may taong sinasaksak. Parang sinasabi nila na ganoon ang gagawin nila sa amin.”
Read: Erik Matti to Neil Daza: "Diretsuhin mo ako. Diretso akong tao."
NO SECURITY DURING THE INCIDENT
Ayon kina Mervin at Jordan, walang naging aksyon ang mga security personnel kahit lantaran na ang panggugulo ng mga hinihinalang pickpocket.
“Kadalasan pong nangyayari sa Metro na walang ginagawa yung mismong tagarito saka yung mga pulis. Para silang mga takot. Takot silang madamay.
“E, ako naman, bago ko ginawa yon, pinapakiramdaman ko ang paligid ko kung may security. Pero kung wala, mangbabalahura kami.
“That time, walang security. At kung meron man, wala silang pakialam. Takot sila,” ani Mervin.
Nang mauwi sa suntukan ang kumprontasyon, ikinuwento ni Jordan ang kanyang nasaksihan.
“Yung lalake ang unang nanuntok kay Mervin," sabi ni Jordan.
“Nung sinuntok na siya, nakita ko yung kasama ng lalake na naglalabas ng ari, pabunot na siya [ng patalim]. So, ang ginawa ko po, inunahan ko na siya.
“Pagkasuntok ko sa kanya, bumagsak na siya.
“Nalaglag ang salamin ni Mervin, akala niya nawala, ako rin po yung nakakuha.”
Dagdag naman ni Mervin: “Pagkatapos mangyari ang suntukan, lumabas na sila ng Metro kasi nakita nila na yung isa, ini-spray-an ng isang kasama namin ng pepper spray.
“Lumabas na lang sila ng Metro kasi sayang yung raket nila. Papauwiin lang nila yung isa pero babalik yung isa. Ganoon sila kagarapal, sobra ho.”
Read: Robin Padilla questions "one-sided" prosecution in VP Sara Duterte impeachment trial
NOT AFRAID OF RETALIATION FROM PICKPOCKETS?
Nang tanungin kung nangangamba silang balikan ng mga pickpocket, sinabi ni Jordan na hindi sila nababahala.
“Hindi naman po nag-aalala kasi sa sobrang dami ng turista dito sa Roma, ang Metro, very crowded. Parang sa Pilipinas lang po, siksikan, tayuan.”
Ayon naman kay Mervin, araw-araw siyang handa sakaling muli silang magkita.
“Nangyari po yung insidente na yon, sa lugar ng train na sinasakyan ko araw-araw,
"So, ang ginagawa ko po, kapag sumasakay ako, palagi akong nakatingin sa lugar na pinapasukan ng mga pasahero kaya lagi po akong handa.”
Hindi rin umano siya natatakot kung sakaling kasuhan sila.
Paliwanag ni Mervin: “Puwede naman nila kaming kasuhan, pero wala silang lakas ng loob kasi puwede namin silang balikan dahil pickpockets sila, e.
“Kung sakaling magrereklamo sila, meron ako mga witness at pagkukunan ng source. Dito sa Italya, nasa social media ang mukha ng mga pickpocket."
Dagdag ni Jordan, “Saka parang dumepensa lang kami.”
MERVIN SAYS HE WILL NOT STOP HIS ADVOCACY
Sa kabila ng panganib, sinabi ni Mervin na wala siyang balak tumigil sa kanyang adbokasiya laban sa mga pickpocket.
Saad niya: “First time na may Asian na lumaban sa mga ganyan, pero ako po talaga, araw-araw akong nakikipag-away.
“Makikita naman sa mga content ko, ini-spray-an ko, binubuhusan ko ng sukang Paombong, ihi…
“Wala akong pakialam. Basta kapag identified kang pickpocket, gagawa agad ako sa yo na hindi mo magugustuhan. Sigurado yon.”
Sa tanong kung hindi ba siya natatakot pagkaisahan ng mga pickpocket sa Italy, matapang ang naging tugon ni Mervin.
Aniya: “Hindi po. Ako nga na mag-isa, pinagkakaisahan.
“Actually, ang mga yan, puro mga duwag naman, pero siyempre dapat mag-ingat tayo.
“Pero tayong mga Pilipino, napakagulang sa mga ganyan.
“Sabi nga, imbes na ikaw ang bantayan nila, ikaw ang magbantay sa kanila para safe ka.”
Read: James Graham says moving to the U.S. helped him come out