Naglabas ng official statement ang MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board) sa pagharap ng pamunuan ng It’s Showtime sa tanggapan ng ahensya, umaga ng Miyerkules, July 29, 2026.
Hinggil ito sa diumano’y “racist at colorist” na hirit ni Vice Ganda kay Johaira Moris, isa sa miyembro ng It's Showtime group na Baby Dolls. Kasama rin sa pinuna ng netizens kay Vice ang pagbuga niya ng tubig sa mukha ng dancer.
Inireklamo rin ang sinasabing suggestive lugaw scene sa pagitan ni Vice at ng mister na si Ion Perez sa parehong episode ng acting segment na "Memerimar" noong July 24.
Read: MTRCB summons It's Showtime over "racist" remark, "lugaw" scene
Ilang oras matapos ang meeting ng magkabilang panig, eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si MTRCB chairperson at CEO Diorella Maria “Lala” Sotto-Antonio sa kanyang opisina.
Lahad ni Sotto-Antonio: "Naging maayos ang aming pag-uusap kaninang umaga.
"Actually, ang Adjudication committee, together with It’s Showtime representative, ang production, together with their legal counsels, ang ALLTV, ang GMA, magkakasama kaming nag-uusap at nagkaharap-harap.
"Nabigyan sila ng pagkakataon na ilahad ang kanilang saloobin at ang kanilang side.
“And of course, ang MTRCB naman, on the other hand, naging very firm rin sa aming mga alituntunin at ang mga nakasaad sa ating Presidential Decree No. 1986."
Ang P.D. No. 1986 ay ang batas na naglalaman ng mandato ng MTRCB na irebyu ang content ng mga programa sa telebisyon at pelikula na malaki ang parte sa paghubog ng Filipino values ng mga manonood.
Pagpapatuloy ni Sotto-Antonio: "So, malinaw naman at naging maayos ang pag-uusap.
"At naa-appreciate ng MTRCB ang kanilang cooperation, ang kanilang demeanor.
"This time, they’re very cooperative and they’re humble enough to own up to their errors."
Malaking bagay raw na kinabukasan matapos ang kontrobersiyal na "Merimar" episode ay humingi ng paumanhin si Vice sa ere.
Sinabi ni Vice na nakarating sa pamunuan ng It's Showtime na may mga Madlang People na nagsabing "offensive at insensitive" ang biruan sa skit nila noong July 24.
Tinatanggap daw ng It's Showtime ang sentimyento ng mga manonood at nangako siyang mas aayusin nila ang segment.
Read: MTRCB summons It's Showtime over "racist" remark, "lugaw" scene
Sabi ng MTRCB chair ukol dito: “I think, the public already knows that they had issued an apology immediately.
"And even si Vice Ganda mismo, nagkaroon siya ng public apology sa Madlang People.
"So, we appreciate that very much, kasi tama naman yung ginawa nilang action, by owning up.”
Matindi ang reaksiyon ng ibang netizens, na tina-tag ang MTRCB sa social media, na waring sinususugan ang ahensiya na isuspinde ang programa.
Pero nilinaw ni Sotto-Antonio na hindi basta na lang isinususpinde ang isang program nang walang sapat na basehan.
Paliwanag niya: "Ang lahat ng bagay sa MTRCB ay dumadaan sa tamang proseso o due process.
"So, hindi natin masasasabi sa ngayon na nagkaroon lang ng isang pagkakamali ang isang host ay isususpinde na. Hindi ganun."
Matatandaang September 2023 nang patawan ng 12-day suspension ang It's Showtime dahil sa ilang insidenteng paglabag sa PD Decree No. 86 ng programa sa kabila ng "multiple complaints" ng viewers at "prior warnings" na ibinigay ng MTRCB kaugnay ng mga ito.
Idiniin ng MTRCB chairperson na hindi aabot sa ganoong level ang present case ng It's Showtime.
Saad niya: “Magkaibang-magkaiba ang sitwasyon ngayon sa nangyari sa It’s Showtime compared to that time.
"Hindi na natin kailangang banggitin pa o pag-usapan kung ano ang nangyari noon, but I’m telling you that it’s a totally different story.
“Noon, yun ay patung-patong na violations against P.D. 1986.
"Ngayon naman, naging maayos ang aming pag-uusap, and I leave it to the wisdom of the adjudication committee kung ano ang magiging desisyon."
Hihintayin na lang ng Madlang People kung ano ang desisyon?
“Hihintayin nating lahat,” nakangiting pahayag niya. "Because there is always a process."
Gabi ng Miyerkules, July 29, naglabas ng opisyal na pahayag ang MTRCB na binibigyan ang It's Showtime ng pitong araw para ibigay ang panig ng programa hinggil sa "Memerimar" issue.
Read: MTRCB gives It's Showtime 7 days to explain "Memerimar" issue
LALA SOTTO-ANTONIO ON VICE GANDA
Samantala, kinumusta ng awtor na ito ang relasyon ni Sotto-Antonio kay Vice Ganda, na main host ng programa.
Hindi napanood si Vice sa It’s Showtime telecast kahapon.
“Maayos kami,” saad ng MTRCB chairperson.
"Nagkita kami a few weeks ago sa isang event for MMFF at masayang-masaya ako at excited ako sa bagong movie nila ni Bossing Vic."
Ang tinutukoy niya ay ang The Greatest Showdown, ang upcoming Metro Manila Film Festival (MMFF) 2026 entry na pagtatambalan ni Vice Ganda at ng uncle ng MTRCB chair na si Vic Sotto.
Dugtong din niya, “Excited din naman ako sa lahat ng movies for MMFF, pero kasi, parang first half lang ang na-announce, ang first batch of movies.”
Ang iba pang MMFF entries sa darating na Disyembre ay ang Amir nina Dennis Trillo, Will Ashley, Glaiza de Castro, at Argus Aspiras; 2nd Miracle in Cell No. 7 ni Aga Muhlach; at Haunted Carnival nina Maricel Soriano, Julia Barretto, James Reid, Fyang Smith, at John Arcilla.
Read: Former ABS-CBN reporter Ryan Chua marries longtime partner in BKK
LALA SOTTO-ANTONIO QUASHES ALLEGED BIAS OF MTRCB
Tuwing ipinapatawag ng MTRCB sa It’s Showtime, palaging may mga komento na tila napag-iinitan ng ahensiya ang Kapamilya noontime show kumpara sa katapat na programa na Eat Bulaga!.
Hindi kaila na ang ama ni Chair Lala na si Senator Vicente Sotto III ay isa sa main hosts at co-producers ng noontime show na umeere sa TV5.
"Yan ay walang katotohanan," paglilinaw niya ukol sa alegasyong waring may kinikilangan ang MTRCB.
"Kapag nagkakamali ang kahit na anong show, including Eat Bulaga!. Sila ay mas madalas pang mapatawag at mas madalas pang nakakausap ng MTRCB, sa totoo lang."
Ipinunto rin ng MTRCB chair na ang mahalaga ay maayos ang komunikasyon sa pamunuan ng kung anumang programa na inirereklamo ng viewers.
Tulad na lamang ng Sigabo, ang bagong Kapamilya primetime show ni Coco Martin, na kinausap ng MTRCB dahil sa sampung reklamong natanggap ng ahensya ukol sa "persistent depiction" ng violence sa serye.
Dumalo ang representatives ng programa para sa isang compliance seminar.
“Yes, of course, ang Sigabo... But lahat naman sila ngayon, kaya ako masaya ay cooperative nga sila.
"Sila na mismo ang nagkukusa na makipag-ugnayan sa MTRCB. All of them.
“Mapa-Sigabo, mapa-Eat Bulaga!. Even yung show ni Willie [Revillame] at yung It’s Showtime."
Sa huli, hiningan si Sotto-Antonio ng reaksiyon sa bahagi ng State of the Nation Address (SONA) ni Presidente Ferdinand Marcos Jr.
Nabanggit ng Pangulo ang kahalagahan na protektahan ang mga bata laban sa "the corrosive influence of fake news; the unfettered exposure to pornography, even to minors; the constant depiction of casual violence; and the toxicity and hate culture pervasive in social media."
Sabi ng MTRB chairperson, “Protection of the children or the Filipino children and the youth is truly the priority of MTRCB and we’re very happy because the President supports this cause.”
Read: SONA 2026 Highlights: What drew applause and what fell short
