Bukod-tanging ang supernatural horror na Mag-iina (The Mothering) ang R-16 sa siyam na full-length films ng ongoing Cinemalaya 22: Reel Reflections.
R-13 ang black comedy na A.Ni.Mal, ang queer drama na Tayo Lang Ang Nakakaalam, at ang family dramedy na Status: Rejected.
PG ang social drama na 2 Valid IDs, ang coming-of-age drama na Ganggang, ang roadtrip thriller na Tirik, at ang football drama na Hand of God.
Ang drama na Kaka Sa Yawan lamang ang G.
Sa sampung short films na hinati sa dalawang set, dalawa ang R-13 — ang queer coming-of-age na Honey, My Love, So Sweet, at ang sci-fi drama na Elenita Elena Elaine.
Pito ang PG.
Ang mga ito ay ang documentaries na Para-paraan at The River Flows in Different Places; ang slice of life na kung paano kakalas; ang animated comedy na Runo!; ang narrative drama na Sorbetes; ang drama na Silkscreen; at ang social dramedy na Hoy, Hoy, Ingat!.
G ang animated psychological drama na The Keeper.
Kabilang sa mga nagtalop o nagpasilip ng katawan sa Cinemalaya 2026 sina Jackie Lou Blanco at Cherry Pie Picache sa Mag-iina; Ruby Ruiz sa Status: Rejected; Rocco Nacino sa Tirik; at Victor Relosa sa short film na Hoy, Hoy, Ingat.
Naghubo’t hubad din si Mercedes Cabral sa opening film na Enjoy Your Stay, na kinunan sa Switzerland.
BLOOD AND MILK
Dahil R-16 ang Mag-iina (The Mothering), hindi ito napanood ni Lucas Andalio.
Matatandaang best child performer si Lucas sa MMFF 2025 para sa topgrosser na Call Me Mother.
Ang husay-husay rin ni Lucas sa Mag-iina. Hindi siya nagpalamon sa co-stars na sina Cherry Pie Picache, Agot Isidro, Jackie Lou Blanco, Janine Gutierrez, at Ness Roque.

May maselang eksena sina Cherry Pie at Ness kung saan topless sila. Humigit-kumulang limang segundo iyon.
May pa-boobey si Jackie Lou, na gumanap bilang 90-anyos na National Artist.
Palaban sa dibdiban si lola! Sa kanyang obra at banyuhay ay symbolic ang dugo at gatas.

Matapos ang gala screening ng Mag-iina noong Agosto 8, Sabado ng gabi, natawa si JLB nang usisain kung nag-prosthetics ba siya sa breast exposure.
“Ha! Ha! Ha! Ngayon pa ba?! Kailangan pa ba?! Ha! Ha! Ha!” paghalakhak ni Jackie Lou, na gumanap bilang madre sa one-act play na Lualhati ng 21st Virgin Lab Fest: Hubo’t Hubad noong Hunyo 3-28, 2026 sa CCP Black Box Theater.
Tumawa rin si Cherry Pie nang uriratin sa kanyang kapangahasan.
Binati nina National Artist Ricky Lee at Cinemalaya Foundation President Laurice Guillen ang mga aktres ng Mag-iina sa kanilang galing.
Read: Charo Santos recalls Mike de Leon's fiery temper in Kisapmata
BEAUTIFUL BELLA
Sa umpisa ng social satire na A.Ni.Mal, na-video ni Lily (Maxine) ang Ninong Paul (Reymund Domingo) niya na minomolestiya ang alagang aso na si Bella (Bini).
Si Ninong Paul ay gobernador ng fictional province na San Feliciano. Kandidato siya sa pagka-senador.
Ang misis niyang si Doktora Grace (Bituin Escalante) ay kandidato sa pagka-gobernadora.
Ang ama ni Lily ay reelectionist na si Mayor Dan (Jojit Lorenzo), na ang asawa ay ang dating beauty queen na si Ofel (Frances Makil Ignacio).
Magkaibigang putik sina Ofel at Doktora Grace.
Hayup ang duet nila sa kantang "Saklolo."

ONLY WE KNOW
May maalab na kissing scene ang magdyowang parehong gay na sina Bong (Miguel Odron) at Neil (Martin del Rosario) sa queer drama na Tayo Lang Ang Nakakaalam.
Ang tunay na pangalan ni Bong ay Robin. Mas gusto niyang tawagin siyang Bong. May konek kaya iyon kina Robin Padilla at Bong Revilla, o Bong Go?
Ang English title ng pelikula ay Only Known To Us.
Ang kuwento ay may konting bahid ng pelikulang Only We Know na pinagbidahan nina Charo Santos at Dingdong Dantes.
Gumanap dito bilang pari si Bodjie Pascua. Makabagbag-damdamin ang eksena nila ni Martin.

FIRE AND FLESH
Isinugal ni Paring Bert (Rocco Nacino) ang kanyang Kabutihan kontra sa Katiwalian at Kabuktutan sa pelikulang Tirik (To Set Upright).
Nagtirik ng mga kandila ang taxi driver na si Santos (Floyd Tena) para sa kaluluwa ng mga natokhang.

Sa sukdulan ng kuwento, naghubo’t hubad si Paring Bert habang naglalagablab ang sasakyan sa kanyang harapan. At ang laman ay naging abo.

Read: Rocco Nacino goes all out in Cinemalaya 2026 movie Tirik
DIVINE GRACE
Sa umpisa ng Status: Rejected, nakatayo sa bus ang 69-anyos na si Virginia “Biring” Divinagracia (Ruby Ruiz), naka-belong puti at taimtim na nagdarasal.
Dininig ba ni Lord ang kanyang dalangin? O may ibang biyaya na nakalaan sa kanya?

Kaibigan ni Biring si Tessie (Beverly Salviejo). Biniro minsan ni Tessie si Biring na meron itong tagos.
Juice colored?! Magse-septuagenarian na, may “red tide” pa?!
Naka-chat ni Biring ang sundalong Kano na si Steve. Nagkamabutihan sila.
Nag-request si Steve sa ka-chat na ipakita ang tits nito. Napamulagat si Biring. Kinunan ng litrato ang teeth at agad-agad sinend iyon sa kalambingan. Wow, mali?!
Boobs ni Biring ang gustong ma-sight ni Steve, hindi ngipin.
Kaya nagpunta sa CR si Biring, kinunan ng litrato ang kanyang boobey, at sinend ang pix sa katipan. Walang nipple sa photos.
Sabi-sabi, strong contender si Ruby sa pagka-best actress sa Cinemalaya 2026.
Mahigpit nitong kalaban si Marietta Subong o Pokwang ng 2 Valid IDs.
Dark horses ang mga aktres ng Mag-iina.
Pagbibiro ng isang multi-awarded director, sureball na sanang best actress si Ruby kung ibinuyangyang niya ang bundok ng susong dalaga.
Isiniwalat ni Ruby na sa script, nakalagay na magpapakita ng isang dede si Biring.
Nag-suggest ang direktor na dobolan si Ruby sa pag-hello ng dyoga. Tumanggi si Ruby na magpadobol.

DREAMS AND DEATH
Walang saplot ang VMX actor na si VR Relosa bilang Bhing sa isang eksena sa maikling pelikulang Hoy, Hoy, Ingat!.
Ingat na ingat si VR na huwag ma-expose ang kanyang private part dahil batang babae (Alycia Avila) ang kanyang kaeksena.

Magkuya ang kanilang characters. Magkatuwang sila sa paghabi ng mga pangarap.
Inaasam ng batang babae na si Baby na maging sikat na mang-aawit o artista.
Nag-ekstra siya sa isang pelikula. Ang papel niya ay patay. Nakahiga siya sa kabaong.
Read: Pokwang transforms from runway diva to poor farmer in 2 Valid IDs
ELUSIVE JUSTICE
Exhibition film sa Cinemalaya 2026 ang animated docufiction/drama na 58th, na prinodyus ng GMA Pictures at GMA Public Affairs.
Ang logline nito: Labinlimang taon makalipas ang Maguindanao Massacre, ang pamilya ng ika-58 na biktima nito ay nakikipaglaban para sa katarungan na nananatiling mailap.
Tampok sa 58th sina Glaiza de Castro, Ricky Davao, Mikoy Morales, Biboy Ramirez, Marco Masa, at Zyren de la Cruz, sa direksyon ni Carl Joseph E. Papa.
Tuloy ang showing nito sa Agosto 13, Huwebes ng 8:30 P.M. sa Cinema 1 at Premiere Theater ng Shangri-La Plaza.
Ang Agosto 13 ang unang araw ng Ghost Month this year.
Ang tanong — magkakaroon ba ng commercial release ang 58th?

RIVER BROTHERS
Ang English title ng Kaka Sa Yawan ay Brother from Another River, hindi Brothers by the River.
May eksenang naligo sa ilog ang Manila boy na si Niko (Beaver Magtalas) at ang Tadyawan-Mangyan na si Ayan (Benedix Ramos).
Naka-bahag lamang si Benedix. Si Beaver, naka-white t-shirt. Hindi nagpa-abs.
Kuwento ito ng magandang pagkakaibigan. Hindi BL.

THIS AND THAT
Sa unang weekend ng Cinemalaya 22 noong Agosto 7, Biyernes, hanggang Agosto 9, Linggo, ayon sa insiders ay umarangkada sa takilya ang 2 Valid IDs ni Pokwang.
Agawan daw sa second place ang Hand of God nina Ruru Madrid at Iza Calzado, at ang Status: Rejected nina Ruby Ruiz at Alessandra de Rossi.
Sa siyam na competing full-length films ng Cinemalaya 22, pito ang may namatay na pangunahing karakter.
Kabugan ang ilang artista sa pagpalahaw at pighati.
Ang Ganggang ay syinuting sa Sampaloc, Quezon.
Ang Hand of God ay nagsyuting sa Lamitan at Isabela sa Basilan.
Ang Kaka Sa Yawan ay syinuting sa Socorro, Oriental Mindoro.
Ang primary venue ng Cinemalaya 2026 ay Shangri-La Plaza, EDSA cor. Shaw Blvd., Mandaluyong City. Apat ang mga sinehan doon.
Palabas din ang entries ng 22nd Cinemalaya sa apat na sinehan ng Gateway Mall 2, Cubao, Quezon City; at sa mga sinehan ng Ayala Malls sa Ayala Malls Manila Bay, Glorietta, Ayala Malls Circuit, Market! Market!, at Trinoma.
Ang ticket prices ay PHP350 (regular) at PHP250 (student).
May 20% discount para sa senior citizens, PWDs, national coaches, at national athletes.
Nag-premiere ang Vivamax (rebranded as VMX) na Call Me Alma sa 19th edition ng Cinemalaya noong Agosto 9, 2023 sa PICC.
Dumalo roon ang mga bidang sina Azi Acosta at Jaclyn Jose, pati sina Mon Confiado, Gold Aceron, at ang scriptwriter na si Sir Ricky Lee.
Wala nang sumunod na pelikula ng VMX ang nag-Cinemalaya.
Ilulunsad ang bagong libro ni Sir Ricky Lee na Quiapo Ilalim: Pagsusulat ng Iba’t Ibang Daan (Trip to Quiapo 2) sa Agosto 14, Biyernes ng 5:30 P.M. sa Cinema 3 ng Shangri-La Plaza.
May celebrities na magbabasa ng excerpts.
Libre ito sa publiko — first come, first served.
Ang closing film na Filipiñana starring Jorrybell Agoto ay mapapanood sa Agosto 16, Linggo ng 8:30 P.M. sa Cinema 1 at Cinema 2 ng Shangri-La Plaza. May bayad ito.

GOOD NEWS
Hanggang Agosto 18, Martes ang 22nd Cinemalaya indie filmfest. Ang Top 4 sa takilya ay mapapanood sa Agosto 17, Lunes.
Ang awards ceremony ay nakatakda sa Agosto 17, Lunes ng gabi. STRICTLY INVITATIONAL ito.
May magandang balita na ihahatid si Cinemalaya Foundation President Laurice Guillen sa awards ceremony.
Sa Agosto 18, Martes, ipapalabas ang mga pelikulang nagkamit ng parangal, kabilang ang best film, best direction, special jury, at Netpac film.
Read: Cinemalaya 2026 Ultimate Guide: Schedule, tickets, venues, FAQs
