Mas lumalaki ang kontrobersiya sa umano’y smuggling ng isang Porsche 918 Spyder matapos talakayin ng Land Transportation Office (LTO) at Bureau of Customs (BOC) ang kaso sa isang joint press conference nitong Lunes ng umaga, Agosto 24, 2026.
Humarap sa media sina LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao at BOC Commissioner Ariel Nepomuceno upang ipaliwanag ang umano’y ilegal na pagpapasok sa bansa ng mamahaling supercar mula United Arab Emirates.
Bagamat hindi pinangalanan ni Nepomuceno, sinabi niyang ang sinasabing tunay na may-ari ng Porsche ay isang kilalang aktor.
Nilinaw rin niyang hindi itinuturing na smuggler ang aktor dahil binili lamang umano nito ang sasakyan mula sa isang kompanya.
“Sorry sa tunay na may-ari, alam naman natin na sikat siyang artista. Nakikita naman natin sa mga programa sa TV at sinehan, maayos na tao naman siya. Padre de pamilya.
"Kaya nga lang, siya ay biktima rin.
"Hindi ko sinasabing smuggler siya dahil binili lang niya ito sa isang kompanya,” pahayag ng Customs commissioner.

Read: Award-winning actor faces LTO probe over supercar’s fake plate
PORSCHE 918 SPYDER DECLARED AS PORSCHE BOXSTER
Ayon kay Nepomuceno, ilang ulit nang nagpalipat-lipat ang ownership ng kontrobersiyal na sasakyan.
Naging mas malaking isyu ito matapos mahuli ang businessman na si AJ Violago na gumagamit umano ng pekeng plaka habang minamaneho ang naturang Porsche.
Tiniyak ni Nepomuceno na pananagutin ng BOC ang mga mapatutunayang responsable sa umano’y maling deklarasyon.
Saad niya: “Kung ilang ulit nagpasalin-salin ang ownership ng pagmamay-ari ng sasakyan na ito, ang LTO ang makakaalam nito. Subalit sa aming records, galing sa United Arab Emirates ang sasakyan na ito.
“Pasensiya na sila subalit trabaho ng BOC na habulin ang mga nagkasala sa batas.”
Ipinaliwanag niya na ang pangunahing problema ay ang misdeclaration umano sa uri at halaga ng Porsche.
“In this case, ang misdeclaration, maganda lang yan sa Ingles. Ang ibig sabihin ng misdeclaration, pandaraya, di ba?
“Minisdeclare, hindi mo sinabi nang tapat kung ano ito.
"In this case, dapat PHP50 million to PHP100 million ang halaga nito, idineclare nila ng PHP10 million lang.”
Ayon kay Nepomuceno, noong 2021 ipinasok sa Pilipinas ang Porsche 918 Spyder, na 918 units lamang umano ang ginawa sa buong mundo.
“Ipinasok nung 2021, Porsche 918 Spyder. Yan ay natutunan ko lamang sa isang reporter, 918 units lang pala yan sa buong mundo kaya mahal,” sabi ni Nepmuceno.
Iginiit ng BOC chief na Porsche Boxster ang idineklara sa import documents, sa halip na Porsche 918 Spyder.
“Ipinasok ito noong 2021, ito ay talagang na-misdeclare. Ang ibig sabihin ng misdeclaration, kung ano yung dapat klase ng sasakyan, ang idineklara ay mas mababang klase.
“In this case, dapat ito ay Porsche 918 Spyder. Ang idineklara ay Porsche Boxster.
"Ang Boxster, ang halaga nung ipinasok ito noong 2021, hindi ito bababa sa PHP8 million to PHP9 million.
"Sabi ng iba, PHP6 million, pero ang halaga nito PHP8 million.”
Dahil dito, mas mababa rin umano ang naging buwis at bayaring binayaran para sa sasakyan.
“Ang ginawa rito, kahit Boxster ito, dapat bayaran ay mahigit PHP3 million. Ang binayaran, kahit Boxster yan, PHP1.8 million.”
Pero kung Porsche 918 Spyder ang aktuwal na sasakyan, mas mataas nang malaki ang tinatayang halaga nito.
“Ito ang problema, hindi naman yon Boxster. Ito ay Spyder 918.
"Nung panahon na yon, ang Spyder 918 ay hindi bababa [ang presyo] between PHP50 million hanggang PHP100 million.
“Sabi sa research, PHP75 million to PHP100 million.
"Ipagpalagay natin na PHP50 million na lang. Kung ikukumpara ninyo ang PHP50 million sa PHP10 million, napakalayo.”
.Read: Shirley Kuan resigns as Bea Alonzo’s manager after six years

BOC TO ISSUE WARRANT OF SEIZURE AND DETENTION
Ipinaliwanag din ni Nepomuceno ang magiging proseso ng pamahalaan para sa kontrobersiyal na supercar.
Ayon sa kanya, mag-iisyu ang BOC ng warrant of seizure and detention, na maaaring humantong sa tuluyang pagmamay-ari ng gobyerno sa Porsche.
“Kaya masamang balita sa may-ari nito, ito ay talagang iisyuhan namin ngayong araw na ito ng warrant of seizure and detention.
"Ibig sabihin, ito ay papasok sa isang proseso na ito ay magiging pagmamay-ari ng pamahalaan.”
Kung tuluyang mapunta sa gobyerno ang pagmamay-ari ng sasakyan, maaari raw itong i-auction matapos ang due process.
“Ang mangyayari diyan, kapag ito ay finally napunta na sa gobyerno ang pagmamay-ari nito, yan ay io-auction din namin.
"Subalit meron tayong nirerespeto, iginagalang na due process.”
Gayunman, nilinaw ni Nepomuceno na may pagkakataon pa ang importer at iba pang sangkot na patunayang tama ang kanilang importation.
“May pagkakataon pa ang nag-import nito na patunayan sa amin na tama ang kanilang importasyon.
"Malay ninyo, mali ang aming dokumento. Pero hindi ako naniniwala dahil sa aming dokumento, ang import entry ay inconsistent. Ang ibig sabihin, meron din pagdodoktor,” saad niya.
"TECHNICAL SMUGGLING"
Ayon kay Nepomuceno, malaking tanong kung paano naging Porsche Boxster ang deklarasyon kung Porsche 918 Spyder talaga ang sasakyan.
“Paano mo naman itutuwid yung sinabi mong Boxster, yun pala ay Porsche Spyder 918.
"At yung Certificate of Payment nung panahon na yon, isinubmit sa LTO ay may tama rin.
"So, ito ay kandidato na talaga na ma-consider na smuggled or ipinuslit. Technical smuggling.”
Dahil dito, sasailalim sa seizure proceedings ang sasakyan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga may-ari, importer, at iba pang posibleng sangkot na magpaliwanag.
“Sa madaling-salita, nandaya kaya ito ay bibigyan namin ng proseso na tinatawag na seizure proceedings upang mabigyan ng pagkakataon yung mga may-ari nito, yung mga nagpasok nito [sa bansa], kasama kung sinuman ang mga pumirma sa Bureau of Customs ng mga panahon na yon, sila ay pananagutin din namin.”
Binigyang-diin ni Nepomuceno na kung mapapatunayang mali ang deklarasyon, maaaring managot sa batas ang lahat ng responsable.
“Kung mapapatunayan na talagang mali ang deklarasyon nito, lahat sila mananagot sa batas natin.”
Read: Derek Ramsay, AJ Violago face LTO over alleged fake Porsche plate
DEREK RAMSAY SPEAKS UP ABOUT HIS PORSCHE PURCHASE
Hindi man binanggit ang pangalan ng tunay na may-ari ng kuwestiyonableng Porsche 918 Spyder, napaulat na ito ay walang iba kundi ang aktor na si Derek Ramsay.
Noong Sabado, Agosto 22, ay naglabas ng pahayag si Derek kaugnay ng kontrobersiyang kinasasangkutan.
Naninindigan siyang dumaan sa tamang proseso ang pagbili niya ng luxury car apat na taon na ang nakalilipas.
Kumpleto raw ito sa dokumento at handa raw siyang makipagtulungan sa LTO.
Kaugnay ng importasyon tungkol sa sasakyan, sinabi ni Derek na dapat ay papagpaliwanagin din ang high-end automotive customization, styling, and car preparation shop kunsaan binili ni Derek ang sasakyan.
“I am not a smuggler, nor did I import this vehicle into the country. I have never imported any vehicle into the Philippines,” diin ni Derek.
Lahad niya: “I purchased this car four years ago from JHON LEE of JWORKS using my hard-earned money.
“At the time of the purchase, I was informed that the vehicle was tax-paid. The vehicle was subsequently registered with the LTO, and the registration and the plates were issued under my name.
“I have no idea why this issue is now happening. I want to reiterate that I purchased the vehicle in good faith and believed that everything was properly documented and legally registered.
“I have already cooperated with the LTO regarding this issue involving the plates, and I will also fully cooperate with the Bureau of Customs (BOC) regarding this new matter.”
Giit ni Derek, wala siyang kinalaman sa anumang ilegal na gawain, kung meron man, nang bilhin niya ang sasakyan.
Handa raw siyang makipagtulungan para malaman ang katotohanan.
“I respectfully maintain that I had no involvement in the importation, taxation, or registration of this vehicle beyond purchasing it in good faither from JWorks.
"I sincerely hope that JWorks will provide an explanation and take the necessary steps to clarify and resolve this matter.
“I am willing to provide any documents or information in my possession and cooperate with the authorities as necessary to establish the facts.”
Read: Derek Ramsay quashes allegations about his Porsche purchase
Additional text by Bernie Franco